CHAPTER 19.2: ANG NAKARAAN

42 19 22
                                    

[ Amitage Froska - Point of View ]

Hindi ko bibigoin si Duwe Santi.

Iyon ang itinatak ko sa aking isip at puso noong naglalakad na ako papasok sa Palasyo Dedan.

Nandito na ako sa loob subalit sa aking pagdating ay meroon pa akong nakitang isang Luwhe...sandali, isa siyang Druffe.

Ang maikli niyang buhok ay itim na tulad ng isang gabing walang mga bituin. Ako'y lumapit sa kanyang kinatatayoan para tumabi sa kanya. Hindi siya nakatingin sa akin ngunit ipinagpatuloy ko pa rin ang tahimik na pag-uusisa sa kanyang wangis.

Para sa isang Druffe ay mas maliwanag ang kulay ng kanyang balat. Ayon sa kwento ni ama ay ang mga Druffe ay nagtataglay ng abo o itim na balat  ngunit ang pagiging kulay abo ng kanyang balat ay halos patungo na ng puti.

Ang kanyang kanang mata ay meroong mahabang pilat na bumababa hanggang sa kanyang kanang pisngi. Tila luma na iyon subalit hindi maitatanggi na malalim.

Matangos ang kanyang ilong at ang kanyang mga labi ay maputla. Tunay ko ring napansin ang kanyang mga mata. Ang kanya'y hindi pangkaraniwan.

Ang mga Druffe ay karaniwang berde ang mga mata o ube subalit ang kanyang mga mata ay pinaghalong kombinasyon ng "berde at ginto."

Nakasuot siya ng itim na roba na itinatago ang halos kabuoan ng kanyang katawan kaya wala na akong ibang mausisa sa kanyang pisikal na anyo.

"Magandang umaga sa inyo, mga hinirang."

Sabay kaming lumuhod sa aming mga kaliwang tuhod upang magbigay galang sa Orihinal. Tumayo rin kami pagkaraan ng ilang sandali.

Nakakamangha ang Orihinal. Kahit siya'y nakatayo lamang ay dama ko ang napakalaking agwat namin sa kanya. Siya'y nakatayo sa ibabaw ng hagdan sa aming harapan.

Nakalugay ang kulay pilak niyang buhok at ang kanyang kasuotan ay isang simpleng luntiang damit na may mahahabang manggas habang ang kanyang pang-ibaba ay kulay puti. Ngunit sa kabila ng simpleng pananamit niya ay hindi maikukubli ang kanyang kadakilaan.

"Hali na kayo, sundan niyo ako."

Naglakad kami kasunod ng Orihinal. Hindi ko man batid kung ano ang mga mangyayari subalit dapat ko nang asahan na magiging mahirap at madugo ang pagsasanay na pagdadaanan namin.

Pagkalipas lamang ng ilang sandali na paglalakad ay nakarating kami sa harapan ng isang pinto.

Ito na marahil ang pinaka kakaibang pinto na aking nasilayan. Ito'y hugis "bilog" at gawa sa ginto...hindi...hindi ito basta hugis bilog lamang.

Ang pintong ito ay binubuo ng tatlong gintong higanteng singsing na sa pinaka gitna ay may bilog na bola na gawa sa salamin. Ito'y nagniningning sa pinaghalong kombinasyon ng luntian at bughaw.

"Kayo ay mananatili sa silid na ito ng ilang taon. O baka dekada. Sa likod ng pintong ito ninyo gugugolin ang inyong pagsasanay at haharapin ang inyong pagsubok."

Ano? Tila pareho kami ng reaksyon ng Druffe at bahagyang nagsalubong ang kanyang mga kilay. Noong makita ng Orihinal ang bakas ng kalitohan at pagkabigla sa amin ay binigyan niya lamang kami ng isang payak na ngiti.

"Sa ngayon ay hindi ko muna ibubunyag sa inyo kung ano ang pintong ito subalit sa pagpasok niyo rito, kung ano man ang mga desisyon na tatahakin ninyo ay makakaapekto ito sa kapalaran ninyo bilang mga susunod na Dakilang Duwe."

Kusang nagbukas ang pinto at tanging liwanag lamang ang aming nakita sa loob.

Ito'y nakakasilaw. Tila ba'y nakikipagtitigan kami sa sinag ng araw!

G U A R D I A N SWhere stories live. Discover now