Kabanata 10

3.5K 185 57
                                    

Kabanata 10.

MAY INABOT SA AKIN ang mga kaibigan ko. Sinubukan ko iyong alugin para malaman kung ano ang laman pero wala akong marinig kaya hindi ko rin mahulaan.

"Libro iyan, wilab," ani Buboy. Magre-react sana ako pero naunahan niya ako ng paliwanag. "Mag-e-engineering ka kamo kaya binilhan ka namin ng libro na baka makatulong sa iyo."

Hindi ako nakapagsalita. Wala akong hilig sa mga libro pero totoong na-appreciate ko ang bigay nilang ito ngayon lalo na at alam kong pinaghirapan nila ang perang ipinambili nila rito. Hindi naman kasi kami tulad ng iba na kapag may gustong bilhin ay may pera agad na madudukot. Tinanggal ko ang balot at nakitang luma na ang laman. Mediyo may lukot ang gilid ng cover at naninilaw na rin ang papel. Baka hindi lang siguro sa isang kamay ito nagdaan.

"Pasensiya ka na muna riyan, Son . . . Sa mga lumang libruhan namin iyan nabili kasi iyan ang lang kinaya ng budget . . . Hindi bale, kapag nakaipon kami nang mas malaki pati buong National Bookstore bibilhin namin," kapagkuwan ay biro ni Buknoy.

"Tapos papalitan natin ng pangalan. Gagawin nating Engr Jackson Alonto and friends," dagdag naman ni Buboy. "Basta kapag nangailangan ka ng tao kami na agad ang kuhain mo a."

"Pero congrats talaga, Son. Masaya kami para sa iyo," puno ng sinseridad na bati ni Buknoy.

"Sa susunod kayo naman ang ga-graduate. Tiwala lang, darating din ang araw na iyon," sabi ko, sinusubukan silang bigyan ng pag-asa. Wala namang imposible e. Ano ang malay namin kung isang araw sila naman ang reregaluhan ko dahil magkokolehiyo na rin sila?

"Mag-iipon muna kami."

Marahang ibinagsak ni Buboy ang kamay sa balikat niya. "Oo nga, Noy, tiwala lang . . . Magiging architect ka rin."

"At ikaw pulis."

Ikinorte ni Buboy ang daliri niya na parang baril. "Ako ang magiging pinakamagiting na pulis sa buong Pilipinas."

Nahinto kami sa pagkukuwentuhan ng dumating si ate bitbit ang plato na puno ng iba't ibang putahe: Fried chicken, pansit at spaghetti, biko, at may pahabol pang salad na nasa babasagin naming baso na inilalabas lang kung may okasiyon.

"Amoy pa lang masarap na," wika ni Buboy. "Kanina pa namin ito inaabangan e. Hindi ba, Noy?"

Nang pasadahan ko ng tingin si Buknoy, nakabaling na sa ibang direksiyon ang mga mata niya, sinusubukang iwasan si ate.

"Ano ang problema mo riyan, Buknoy? Bakit hindi ka makatingin sa akin?" tanong ni ate.

"Malamang nahihiya iyan sa mga pinagsasabi niya sa iyo sa chat kapag wala ka rito," si Buboy ang sumagot habang inihihiwalay ang balat sa laman ng pritong manok.

Umirap lang si ate. "Bahala na kayo sa mga buhay ninyo riyan. Kung gusto niyo pang kumuha, tumayo na lang kayo at pagsilbihan ang mga sarili ninyo. Alam ko naman na pare-parehong makapal iyang mga mukha niyo."

Lumapad ang ngisi ni Buboy. "Aba . . . kilalang-kilala mo talaga kami a."

Pag-alis ni ate, ginitgit namin si Buknoy at pinaulanan ng pabulong na mga tanong.

"Susubok ka ba ulit kay Jersey?" tanong ni Buboy.

"Huwag mong sukuan. Mukha namang may pag-asa ka e," dagdag ko.

"Tatlong beses ka pa lang niyang bina-basted, marami pa ang mga susunod na numero. Malay mo sa pang-limang libo saka niya matanto na gusto ka rin pala niya." Kapuwa kami nakinig kay Buboy. "Kung talagang mahal mo, hindi mo susukuan . . . Ang mga babae kasi, kailangan muna ng matibay na ebidensyang mahal mo talaga sila bago ka nila papasukin sa buhay nila. At kung bibigay ka sa gitna ng pagsubok nila sa iyo, aba wala ka talagang mapapala."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon