Kabanata 15

2.4K 153 11
                                    

Kabanata 15.

HANGGANG NGAYON PARA pa rin akong nakalutang sa alapaap habang kinukuwento sa pamilya ko ang naging pagsagot sa akin ni Patricia noong nakaraang gabi. Masiyado akong natuwa at gusto ko muna iyong namnamin sa sarili ko kaya hindi ko agad sinabi. At ngayong ginawa ko na, halo-halo ang reaksiyong nakikita ko sa kanila.

"Naunahan mo pa akong hinayupak ka," ani ate. Hindi ko malaman kung natutuwa ba siya o naiinggit e.

"Nandiyaan si Buknoy pero lagi mong pinagtata—" Hindi ko natapos ang sinasabi ko dahil sa bigla niyang paghampas sa ulo ko.

"Tigilan mo ako, Jackson," iritable niyang sabi.

"Bakit, ikaw naman ang nagsimula a," sagot ko.

"Huwag mo akong buwisitin, ha. Kung ipinipilit mo nang ipinipilit si Buknoy, bakit hindi na lang ikaw ang syumotasa kaniya?"

"Ang sakit mo naman. Buti nga may nagkakagusto pa sa iyo e."

"Tandaan mo itong sasabihin ko sa iyo, Jackson, ha—" Napatingin ako kay mama. "—Kapag nalaman kong nagloko ka, malilintikan ka sa akin, naiintindihan mo? Pinagsabihan kita noon na pag-isipan mong mabuti bago ka pumasok sa relasiyon pero mapilit ka kaya siguraduhin mo lang na paninindigan mo iyan."

"Sigurado iyan, Ma. Huwag kang mag-alala." Kinindatan ko siya.

* * *

Nakatayo ako sa harap ng salamin at inaayos ang suot kong polo na matagal ng nakatambak sa damitan ko. Kung hindi pa ako makikipag-date hindi ko pa ito magagamit e. Paano masiyadong pormal. At dahil first date ko, sa palagay ko tama lang na ito ang isuot ko para magmukha naman akong presentable. Madali lang ayusin ang buhok ko kasi bagsak pero dahil nga gusto kong magkaroon ng dating, nagdesisyon akong lagiyan pa rin iyon ng kaunting gel.

"Kumusta ang hitsura ko, Nus, ayos ba?" pang-iistorbo ko sa kapatid kong nagbabasa.

"Ayos naman na. Mag-spray ka na lang ng pabango para hindi plain ang amoy mo," suhestiyon niya.

Parang sinilaban ang puwet ko at kumaripas ng takbo papasok sa kuwarto ng mga magulang ko para pakialaman ang pabango ni papa. Kinalkal ko ang durabox at drawer hanggang sa makita ang Axe Chocolate na mukhang bago pa dahil mabigat at halatang hindi pa nababawasan. Ako ang buwena-mano. Kinuha ko iyon at halos ipaligo na sa buong katawan ko.

Ayos, ang bango. Kulay chocolate na nga ako, amoy pa. Ang sarap ko na talaga. Siguradong matatakam nito sa akin si Patricia. Minsan nga naiisip ko na baka kaya niya lang din ako nagustuhan dahil nai-imagine niya na isa akong life size dark chocolate na puwede niyang yakapin. Hindi bale. Naglalakad na ako sa daan ng tawagin ako nina Buknoy at Buboy.

"Saan ang lakad natin, Congressman? Pormadong-pormado a," wika ni Buknoy.

"A-attend ka ng binyag?" dagdag naman ni Buboy.

Mayabang ko silang nginisihan. "May date ako."

Mga kawawang human. 'Yung isa bigo kay ate, 'yung isa naman wala lang talagang pumapatol.

Bumilog ang mga labi nila. "May syota ka na?!" Oo nga, hindi ko pala nasabi sa kanila.

"Tanda ninyo iyong magandang nakita natin sa Seven-Eleven noon? Siya iyon."

"Seryoso ka ba?" Hindi makapaniwalang tanong ni Buboy. "Pinatulan ka no'n?"

Marahang ibinagsak ni Buknoy ang kamao niya sa balikat ko. "Hindi ka nagkuwento sa amin a. Kaya pala lagi kang wala sa inyo kapag pumupunta kami."

"Hindi ko na nga nasabi. Naging abala e, pasensiya na," pag-amin ko.

"Kuha namin, wilab. Walang dapat ihingi ng pasensiya. Hindi naman din porke kaibigan mo kami ay dapat alam namin ang lahat ng mga nangyayari sa iyo," sagot ni Buknoy.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon