Kabanata 41

2.4K 175 32
                                    

Kabanata 41.

"BAGONG LAGAY ITONG TV NI NANAY BETH, 'NO?"

Tanong ko habang pinagmamasdan ang TV malapit sa pinupuwestuhan ni Nanay Beth sa tuwing wala siyang customer na inaasikaso.

"Para na rin siguro may libangan siya," sagot ni Jordan.

Kapuwa kami nakatutok sa panonood habang hinihintay ang order namin ng maputol ang patalastas at pumalit ang flash report.

Isang lalaki ang patay matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng operasiyon kontra droga . . . Ayon sa mga awtoridad, ito umano ang numero unong tulak ng shabu sa kanilang lugar . . .

"Sa tingin mo nanlaban ba talaga iyong lalaki?" mula sa kung saan kong tanong.

"Hindi ko alam. Wala naman ako sa lugar ng pinangyarihan e." Napatingin ako sa kaniya dahil sa sinagot niya. "Puwedeng totoo iyong sinasabi ng mga pulis na nanlaban siya, puwede ring gawa-gawa lang . . . Hindi tayo dapat kaagad naniniwala sa kung ano lang ang ipinakikita't ipinaririnig sa atin. Kung gusto nating malaman iyong totoo, tayo mismo ang dapat humanap nito."

"Parang ang lalim naman ng sagot mo."

"Malalim na iyon sa iyo? Mababaw ka pa."

Umayos kami ng lapitan kami ni Nanay Beth. "Grabe ang balita, 'no?" aniya. "Nitong mga nakaraan, madalas ng ganiyan ang napapanood ko . . . at kahit sa radiyo ganiyan din. Puro mga namamatay dahil nanlaban daw sa mga pulis."

Ibig sabihin hindi lang pala ngayon? Ang hirap kapag hindi masiyadong aktibo sa panonood ng TV at pakikinig sa radiyo, nahuhuli na sa balita. Pero kahit noon naman, may ganiyan na. Hindi nga lang gaanong matunog hindi tulad ngayon.

"Hindi sa pinagdududahan ko ang mga kapulisan natin. Ang akin lang, bakit parang pare-pareho na lang ang sinasabi nila?" Habang naglilinis siya ng lamesa, panay ang salita niya. "At isa pa, dapat iyong malalaking tao sa likod ng droga na iyan ang sinusugpo nila, hindi iyong maliliit. Kahit ano ang gawin nilang putol sa sanga, tutubo at tutubo pa rin iyon dahil hindi nila binubunot ang ugat. Kawawa lang ang mga mahihirap na siyang talagang nagiging biktima."

May punto si Nanay Beth. Kung buhay iyong ugat, kahit ano ang gawin nilang patay sa bunga, wala ring mangyayari. Ano ba ang nangyayari ngayon? Parang nakakatakot na yata.

* * *

"Ano ang balak mo sa christmas break?" tanong ni Jordan.

Oo nga pala at malapit na namang mag-Pasko. Bakit ba napakabilis ng panahon?

"Gaya pa rin ng dati, uuwi ako sa amin," tugon ko. "Ikaw?"

"Balak naming mag-out of the country." Wow.

"Puwede bang sumama? Joke. Pasalubungan mo na lang ako."

"Pag-iisipan ko."

"Kailangan pa ba iyon?"

"Depende sa iyo."

Nang sumapit ang Pasko, nag-order na lang kami ng mga lutong pagkain na maihahanda dahil nga wala na si mama na siyang nagluluto noon. Ito ang unang beses na ang kakainin naming handa ay hindi si mama ang gumawa. Mami-miss ko ang luto niya. Nami-miss ko na ang luto niya. Magkakasama kaming lima sa hapag pero hindi gaya ng dati, walang kabuhay-buhay ang araw na ito. Kung malungkot ang normal days, mas malungkot ngayon.

Pare-pareho kaming hindi umiimik na para bang may nakabantay sa amin at babarilin kung sino man ang unang magsalita. Hindi ako sanay na ganito kami. Tanging ang mga kutsarang tumatama lang sa plato ang tunog na naririnig ko. Masiyadong mabigat ang hangin.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon