Kabanata 16

2.4K 157 54
                                    

Kabanata 16.

HINDI AKO NAKATULOG nang maayos. Sa tuwing ipinipikit ko ang mga mata ko, bumabalik sa akin ang eksena na nangyari sa parke. Siguro tatawagin ako ng makakakita sa akin na siraulo pero ilang beses ko iyong inulit-ulit na para bang kaharap ko pa rin siya habang tumatawa dahil sa kilig na hatid sa akin ng pangyayaring iyon.

Kinabukasan, puyat pero ganado akong bumangon. Kahit mainit ang sikat ng araw ay hindi ko iyon inalintana. Ni parang hindi ko nga nararamdaman. Ganito pala ang pakiramdam ng in love . . . Para kang dinuduyan at wala ka ng ibang makita kung hindi ang kagandahan ng lahat.

"Lalabas kayo ulit?" tanong ni Buknoy ng magkita kami sa water station.

"Hindi siguro. Pero aabangan ko siya sa labas ng eskuwelahan nila mamaya," sagot ko.

"Malapit na ang birthday ni Buboy natin. Ano kaya ang puwede nating ihanda para sa kaniya?"

Oo nga pala, sa susunod na linggo na iyon. "Bilhan natin ng cake."

"Mas gusto no'n alak," natatawa niyang sabi. "Matagal-tagal na rin naming hindi napapadaanan ng alcohol ang lalamunan namin e."

"Alam niyo namang hindi ako umiinom."

Inakbayan niya ako. "Sus, para naman itong bago. Kahit hindi ka tumagay ayos lang basta nandoon ka. Presensiya mo naman ang mahalaga para kompleto tayong tatlo na nag-ce-celebrate."

* * *

Bandang alas-sais na ako nakarating sa university na pinapasukan ni Patricia. May mga estudiyante ng lumalabas pero sigurado ako na hindi pa siya nakakauwi dahil ang sabi niya sa akin ay hanggang alas-siete ang klase niya ngayong araw. Dahil sabik na akong makita siya, naging napakatagal ng isang oras para sa akin. Hindi niya kasama si Simon ng lumabas siya. Matamis ang ngiti niyang naglalakad palapit sa akin habang marahang kumakaway. Kumaway ako pabalik at sinalubong siya.

"Nasaan si Simon?" tanong ko.

"Gusto niya tayong bigyan ng oras kaya nauna na siyang umuwi." Hindi pa rin nawawala ang ngiti niya.

Napatango ako. "Gusto mo ulit kumain?" tanong ko, itinuro ang puwesto kung saan pila-pila ang cart ng mga street food. Agad naman siyang pumayag.

Masaya lang kaming nagkukuwentuhan habang tumutusok ng fishball at kikiam hanggang sa dumako ang tingin niya sa isang direksiyon. Nanlalaki ang mga mata niyang ikinubli ang mukha gamit ang mahabang buhok.

"Ano ang problema?" may pag-aalala kong tanong saka nagpalinga-linga.

"Si mommy . . . Nandito si mommy . . . ."

"Nasaan?" Pasimple niyang itinuro ang babaeng katamtaman lang ang taas, maiksi ang buhok at maputi ang balat gaya niya. Ngumiti ako.

"Lapitan natin. Sakto gusto ko na rin siyang makausap." Pumipigil ang tinging itinugon niya sa akin. "Ah . . . hindi mo pa rin pala sinasabi sa kaniya?" bakas ang bahagiyang pagkadismaya sa boses ko.

Ang buong akala ko alam na ng mama niya kaya niya ako sinagot.

"Gusto ko rin naman na makilala ka na niya pero puwede ba na . . . na huwag muna ngayon?"

Hindi ako nagpumilit. "Pero gusto kitang ipakilala sa magulang ko . . . Ayos lang ba na isama kita sa amin sa susunod?" May pag-aalangan siyang tumango bago muling binalingan ang mama niya na kinakalikot ang cell phone. "Kailangan mo ng umalis?"

Marahan siyang tumango. "Sorry, Jackson."

Pagdating ko sa bahay ay nadatnan ko si mama na nagwawalis. Bagsak ang mukha kong naupo at tamad na tumingala. Dapat masaya ako kasi nakita ko siya pero hinaharang iyon ng katotohanan na hindi niya pa ako gustong ipakilala sa mama niya. Alam ko naman na darating din ang araw na iyon pero kailan? Sigurado na ako sa kaniya . . . Siya ba hindi?

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon