Kabanata 22

2.1K 157 33
                                    

Kabanata 22.

NGAYON KO LANG napagtanto na sobrang nakakabaliw pala talaga ang engineering. Walang nagpapatawa at wala naman akong ibang nakakausap pero para akong baliw at wala na sa sariling nakangisi habang nakatingin sa exam paper ko. Nag-aral ako. Naglaan ako ng panahon. Pero alam ko namang kasalanan ko rin. Sinabihan kami ni Sir Cams na review-hin ang lahat ng lesson na na-tackle pero iyong pinakaumpisa lang talaga ang pinagtuunan ko ng pansin dahil iyon lang ang mediyo kaya ko. At ngayon, kahit isang problem tungkol sa topic na iyon ay wala akong makita rito.

"Ibinigay ko na ang pinaka-basic na problem na kaya kong ibigay pero mukhang may ilan pa rin sa inyo ang nahihirapan," ani sir. "Sige, I'll let you open your notes. Sobra-sobrang pabor na ito. Hindi ko ito ginagawa pero magbibigay ako ng exception this year para lang walang bumagsak sa inyo."

Marami sa mga kaklase ko ang natuwa at umawit ng pasasalamat pero hindi ako. Oo, pabor iyon . . . Talagang malaking pabor . . . Ang kaso nga lang ay wala naman akong notes dahil hindi ako nagsusulat. Isang oras pa ang dumaan pero wala pa rin akong nasasagutan. Malapit ng matapos ang oras ni sir at marami na rin sa mga kaklase ko ang nagpasa hanggang sa ako na lang ang matira. Ayaw ko pa itong sukuan dahil baka bigla kong maalala e. Sayang naman kung sakali. Saka may oras pa naman . . . Ilalaban ko pa ito kahit ilang minuto na lang.

Pero wala talaga. Dismayadong kinuha ni sir ang papel ko saka ako naiiling na iniwan. Nawalan ako ng ganang sumabay sa mga kaibigan ko lalo na ng pag-usapan nilang madali lang daw iyong ilang problem at kayang-kayang sagutan kahit hindi magpabukas si sir ng notes. Gusto kong mainis sa kanila kahit alam ko namang wala silang kasalanan. E nadalian lang talaga sila e. Alam ko namang ine-express lang nila ang sarili nila tungkol sa naging tingin nila sa exam pero parang ang yabang at insensitive ng dating nila sa akin. Iba lang talaga siguro ang pagkaka-deliver sa akin dahil hirap na hirap ako.

Nagkayayaan silang lumabas at maglaro pero hindi na ako sumama. Ano ang karapatan kong magsaya? Isa pa, may activity pa pala ako na kailangang gawin. Kahit sa mga ganoon na lang siguro ako bumawi tutal may percent din naman iyon. Baka sakaling makahatak kahit papaano. Kinabukasan, pagdating ko sa lab ay wala pa si sir kaya yumuko muna ako at sandaling umidlip. Parang bigla ay gusto ko na ng unan at kumot. Nang masagap ng tenga ko ang mataas niyang boses, agad akong nag-angat ng ulo bago niya pa ako balingan.

"Tumayo muna kayo. Babaguhin ko ang seating arrangement ninyo para maiwasan ang cheating," aniya.

Kung ganoon ang gusto niyang mangyari, ganoon talaga ang kailangan niyang gawin dahil sa isang lababo (na malawak pa ang space sa bawat gilid para maging lamesa) ay apat kaming magkakasama. Mabilis kaming makakapagpasa-pasa ng sagot lalo na kung hindi siya nakatingin.

"And also, hahatiin ko rin kayo sa dalawang batch. Lahat ng tatawagin ko, maiiwan dahil kayo ang batch one. The rest, lumabas muna kayo."

Natawag ako sa batch one at ipinuwesto sa lamesa kasama si Jordan. Dalawang tao lang per table kaya alam kong wala na talaga akong pag-asa na maipasa itong exam na ito. Bukod sa hindi ko naman siya close, halatang hindi rin siya iyong tipo na nagpapakopya.

"Get one whole sheet of yellow paper. Doon na lang kayo magsagot," wika ni sir.

Binuksan ko ang bag ko pero wala na iyong ibang laman bukod sa mga lukot na scratch at iba pang basura. Nang makita ko ang isang pad na hawak ni Jordan, naglakas na ako ng loob na humingi. Alangan namang tumayo pa ako at lumapit sa iba. Tiyak sesermonan lang ako niyan ni Sir Lamberto.

"Pahingi akong papel," halos pabulong kong sabi.

Bumaling siya sa akin. "Bayaran mo."

Kumunot ang noo ko. "Ang sabi ko pahingi, bakit mo ako pagbabayarin?"

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon