Kabanata 45

777 54 0
                                    

Kabanata 45.

HINDI PA NATATANGGAP ang nangyari kay mama tapos dumagdag pa ang sa kaibigan ko. Sobrang sakit. 'Yung dalawang mahalagang tao sa buhay ko wala na. Hindi ko na alam kung ano ang mararamdaman. Napakabigat ng loob ko. Parang hindi ko na kakayanin. Parang kailan lang masaya pa kami . . . kompleto . . . tapos ngayon wala na. Nawala na sila sa akin at kahit kailan ay hindi na babalik. Pero pinilit kong lumakas ulit. Kahit nagdidilim na naman ang dinaraanan ko, sinikap kong magpatuloy. Alam ko na iyon ang gusto nila na gawin ko. At ngayon, schedule na ng enrollment ko para sa third year.

"Ano ang section mo?" tanong ko kay Jordan na siya na namang kasama ko sa garden. "E ang lahat ng sa akin."

"Naka-block ako sa F."

"Edi wala tayong subject na magkaklase tayo." Kahit isa, wala talaga.

"Now, you must stand on your own. Wala na ako sa tabi mo para alalayan ka pa."

"Kaya ko naman na. Salamat," tugon ko

Lumabas kami ng school para sana kumain sa kainan ni Nanay Beth kaya lang sarado kaya naghanap kami ng malapit na karinderya.

"Ang alat," mahina kong komento matapos kong tikman ang sabaw. Parang dagat. "Bakit nga maalat ang dagat?"

"Dahil sa runoff galing sa lupa at openings sa seafloor," maiksi niyang sagot.

"'Yun na iyon?" Akala ko pa naman mahaba ang sasabihin niya. Pero maiksi na, bakit hindi ko pa rin makuha?

"'Yung bato na nasa lupa ang major source ng salts na nadi-dissolve sa seawater. Dahil mediyo acidic ang tubig ulan, nagko-cause iyon para mabagbag ang lupa. Nagre-release iyon ng ions na tinatangay sa ilog hanggang sa mapunta sa dagat."

"'Yung openings sa ano nga iyon?"

"Sa seafloor," siya ang nagsabi ng hindi ko maalala. "Ibang source naman ng salts iyon . . ." pambibitin niya.

"Ano iyon?" Dati, takot akong sumama sa mga maraming alam pero ngayon, okay na. Matututo ako e. Ibibida ko kay Buknoy ito. Kung sana lang kasama pa namin si Buboy . . . .

"Hydrothermal fluids . . . 'Yung tubig-dagat, pumapasok doon sa crack sa seafloor at naiinitan dahil sa magma na nasa core ng Earth. Nagko-cause naman iyon ng series of chemical reaction, at ang tubig, nawawalan ng oxygen, magnesium at sulfates, at nagpi-pick up na ng metals gaya ng, iron, zinc at copper na galing sa surrounding rocks. 'Yung nainitang tubig na iyon, lumalabas doon sa vents sa seafloor dala na ang metals na na-pick-up niya."

"Edi parang metals ang dahilan kung bakit maalat ang dagat?"

"Minerals," pag-e-eksakto niya.

Napatango ako. "Baka mineral water itong ginamit sa sabaw kaya maalat." Mahina lang ang boses ko. Baka kasi marinig.

"Kailan mo kaya ititigil iyang ka-corny-han mo?" tanong niya.

Nang magsimula ang pasukan, madalang na lang kaming nagkakasama ni Jordan. May mga nahanap akong makakausap sa loob ng klase pero siya, hindi ko lang alam. Simula kasi noong second sem ng first year, kami lang ang laging magkasama. Pero ngayon, kahit sa isang subject, hindi kami magkaklase.

Pagkatapos ng klase ko, dumiretso ako sa room kung nasaan si Jordan. Doon ay nadatnan ko na nagtuturo pa ang prof kaya halos kalahating minuto rin akong naghintay. Nang maglabasan ang mga kaklase niya, nag-abang lang ako. Napangiti ako ng makitang may kasabay siyang lumabas habang nakikipag-usap.

"Michael." Ngumisi ako habang nakatingin sa mga kaibigan niya. "Buti may nahanap ka ng makakasama," masaya kong sabi.

"They're annoying," matabang niyang sabi. Napanganga naman ang mga iyon at parang hindi makapaniwala na tumingin sa kaniya.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon