Kabanata 12

2.6K 170 37
                                    

Kabanata 12.

TIRIK NA TIRIK ANG ARAW pero nandito ako sa halos gitna ng kalsada, naglalakad-lakad habang nakasukbit sa leeg ang tali ng pahaba at kahoy na tray kung saan ko itinutuktok ang limang pisong barya na hawak para gumawa ng ingay. Gusto ko sanang magbukas ng maliit na sari-sari store pero hindi umabot ang perang hawak ko kaya ito na lang ang naisip ko—magtakatak. Dito lang nagkasiya ang puhunan ko e. Akala ko malaki-laki iyong naitabi ko iyon pala hindi dahil panay ang bawas ko noon para mag-computer.

Init na init na ang pakiramdam ko. Uwing-uwi na ako pero nagpasiya akong manatili pa dahil kailangan kong makabenta. Nang may dumating na jeep, sinamantala ko ang pagkakataon para maging barker. Ikinaway-kaway ko ang nakataas na kamay, nagtatawag ng pasahero at isinisigaw ang ruta ng sasakiyang sinusubukan kong punuin.

"Malolos! Malolos! Kapag dito kayo sumakay tiyak na hindi kayo malo-lost!"

Patuloy ako sa pagtawag ng pasahero hanggang sa mapuno ang jeep. Inabutan ako ng driver ng limang pisong buo bago pinaharurot ang sasakiyan niya palayo na nag-iwan pa ng maitim na usok. Hindi na ako naubo, 'di gaya ng dati, dahil mediyo nasasanay na rin ako. Mag-iilang buwan ng ganito ang ginagawa ko pero wala pa rin ako masiyadong naiipon. Sinubukan ko namang maghanap ng ibang trabaho pero puro may experience ang hanap.

Hindi ko alam na ganoon pala kahirap iyon. Panay ang lakad at pasa ko ng mga bio-data pero sa tuwing i-interview-hin na ako ay palaging bumabagsak dahil wala akong experience na isa sa mga requirements na hinahanap nila. Paano ako magkakaroon kung pare-pareho silang hindi ako tinatanggap? Ewan ko ba. Tiyanggala talaga.

"Kumusta, malakas ba ang benta?" tanong ni Buknoy pagkalapit sa akin.

"Mas malakas pa ihi ko," sagot ko.

"Sama ka sa akin. May nahanap akong extra na puwede mong pagkakitaan."

Agad akong tumingin sa kaniya. "Baka naman illegal iyan," biro ko.

"Siraulo ito o. Baka may makarinig sa iyo at isumbong pa tayo sa mga pulis. Mukha ka pa namang kriminal."

"Anong klaseng pagkakakitaan ba iyan? Hindi ako nagbebenta ng katawan."

"Wala rin namang magkakainteres," sagot niya. "Pero seryoso ito . . . Hindi mo kailangan ng experience. Basta lang marunong kang mag-drive ng side car pasok ka na. Palagan mo na, sayang din kikitain."

"Anong trabaho ba?"

"Water delivery boy."

"Magkano naman ang isang araw?"

"Two-fifty. Puwede na, hindi ba?"

"Palag na," walang pag-iisip kong sabi. "Si Buboy ba sinabihan mo na rin?"

"Oo. Pero may trabaho raw siya sa construction. Isinama raw siya ng kaibigan ni Mang Edgar. Hindi na tayo naidamay kasi sapat na iyong tao."

Kaagad kaming nag-asikaso ng mga requirements at wala pang isang linggo ay nakapagsimula na kami. Binigyan kami ng kaniya-kaniyang oras at napunta ako sa pang-alas tres ng hapon kaya may oras pa ako sa umaga para makapagtakatak. Butil-butil ang pawis ko ng umuwi ako sa bahay galing sa water station. Nadatnan ko si ate na nakaupo sa matigas naming upuan at nagbabasa ng makapal na staple ng bond paper kahit pa bakasiyon nila. Pinayagan siya ng amo niya mag-stay rito ng isang linggo pero ito siya ngayon at nag-aaral pa rin kahit na dapat ay nagre-relax siya.

"Buhay ka pa? Tustang-tusta ka na, baka maabo ka niyan," aniya.

Napakamot ako sa batok. "Ayos lang, nag-e-enjoy naman ako e," pagsisinungaling ko at nagpunta sa kusina para uminom ng tubig.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon