Kabanata 44

710 51 1
                                    

Kabanata 44.

HINDI AKO MAKAPANIWALA habang pinagmamasdan ang kaibigan ko sa loob ng kabaong. Isa lang itong masamang panaginip. Masaya pa kaming nagbibiruan noong nakaraan.

"Hoy, tayo na riyan . . . Hindi bagay sa iyo iyang suot mo, magbihis ka na. Hinihintay ka na namin ni Buknoy," nangangatal kong sabi. Nakasuot siya ng puting barong at nakasara ang mga mata. Ang buhok naman ay maayos ang pagkakasuklay at namumutla ang kulay niya. "Hoy, wilab, hindi mo ba kami naririnig? Bakit nakahiga ka pa rin? Gising na."

Marahang pinisil ni Buknoy ang balikat ko. Ipinikit ko ang mga mata para sana pigilan ang pagluha pero nabigo ako. Nang lumapit ang magulang ni Buboy, sinikap kong kumalma at umusod para ibigay sa kanila iyong puwesto.

"Wala ba talagang ibang nakakita kung ano iyong totoong nangyari?" tanong ko ng mabawi ang sarili.

"Hindi ko alam, Son," sagot ni Buknoy.

Napatingin naman kami pareho sa biglang sumulpot na si Reggie.

"Nakita ko kung ano iyong totoong nangyari . . . pero hindi ako makapagsalita . . . Natatakot kasi ako na baka gawin din nila sa akin iyon," aniya.

"Ano ang ibig mong sabihin?" Naniningkit ang mga mata naming magkaibigan na nagkatinginan.

Napalunok siya.

"Pagkagaling ko sa tindahan ni Aling Minda, nakita ko si Buboy na naglalakad. Pauwi na yata pero biglang nilapitan ng tatlong pulis. Hinila papunta roon sa eskinita . . . Dahil pakiramdam ko ay may hindi tama, sinundan ko sila at doon ay naabutan ko ang mga pulis na pilit siyang pinapaamin kung sino iyong supplier niya at ilabas ang dala niyang shabu . . . ."

Supplier? Shabu?

"Tanggi nang tanggi si Buboy . . . Paulit-ulit niyang sinasabi na hindi niya alam iyong tinutukoy ng mga pulis. Akala ko nga papaalisin na nila kasi pinatakbo . . pero no'ng tumakbo, bigla na lang siyang pinaputukan. Dahil sa sobrang takot ko n'on, hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko. Nakita ko kung paano nila kapkapan si Buboy pero mukhang wala yatang nakuha kasi narinig ko iyong isa na nagsabing negative. Hindi ko na alam kung ano iyong sunod na nangyari . . . Pinilit ko iyong sarili ko na makalayo bago pa nila ako makita."

Nag-igting ang panga ko dahil sa ikinuwento niya. Nagpupuyos ang loob ko at mga kamao ay mariin ang pagkakakuyom. Hindi ko matanggap iyong nalaman ko!

Pinatay nila ang kaibigan ko dahil lang sa napagkamalan? Ganoong klase ba ng pulis meron ang bansa?

Nang magpaalam siya, naiwan kaming dalawa ni Buknoy na parehong tahimik.

"Son," tawag sa akin ni Buknoy. "Alam na alam ko iyang ganiyang ekspresiyon." Tumingin ako sa kaniya. "Pakatatag tayo . . . Huwag mo na uulitin iyong ginawa mo noong mawala si Ate Janeth . . Hindi iyon gusto ni Buboy." Hindi ako nakaimik. "Nawala sa atin ang kaibigan natin pero kailangan nating magpatuloy. Sasamahan niya naman tayo e. Hindi na natin siya makikita pero siguradong nandiyan lang siya at binabantayan tayo." Tinapik ako niya ako sa balikat.

"Ang hirap lang tanggapin," saad ko. Pilay kami kasi wala na iyong isa.

Pagbalik ko sa Manila, sinikap kong libangin ang sarili ko para takasan ang lungkot sanhi ng pangungulila gaya ng gusto ng mga kaibigan ko.

"My deep condolences," ani Jordan matapos niyang malaman ang nangyari kay Buboy. Pinilit ko ang sarili ko na ngumiti. "Kain tayo."

Kahit anong bagay, gusto kong gawin para lang malingat . . . Huwag lang iyong makakapagpaalala sa akin sa kaibigan ko dahil baka hindi ko na magawa pang pigilan ang emosiyon ko. Pagdating namin sa kainan ni Nanay Beth, siya ang humarap dito. Habang naghihintay kami, tumunog ang cell phone ko. Dinukot ko iyon mula sa bulsa ng suot kong pantalon para tignan kung sino ang nag-text—si Patricia.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon