Kabanata 37

1.9K 160 23
                                    

Kabanata 37.

SA ARAW-ARAW na dumaraan, pabigat nang pabigat ang pakiramdam ko. Habang tumatagal, mas lalo kong nararamdamang nalulugmok ako. Bumabangon ako sa araw-araw, buhay, pero para akong patay sa loob. Oras-oras, minu-minuto, palagi kong naiisip si mama. Kung may mga alaala man siyang nakakapagpaiyak sa akin nang husto, hindi iyon ang mga sandaling nasa hospital na siya kundi 'yung mga panahong masigla siya sa bahay at panay ang sermon sa amin dahil alam ko na kahit kailan ay hinding-hindi ko na ulit makikita at mararanasan iyon.

Sa tuwing uuwi ako sa amin tuwing weekend, wala na siya para salubungin kami ni ate. Hindi na buo ang tahanan namin. Madilim na iyon dahil nawala ang ilaw. Hindi na iyon kailanman magiging kompleto. Nagkaroon na iyon ng puwang na kailanman ay hindi na mapupunuan. Nasa university ako dahil meron akong klase pero nagdesisyon akong huwag na iyong pasukan. Sa halip, nagpunta na lang ako sa garden at doon nagpalipas ng oras. Mabuti na lang at walang ibang estudiyante ang nandito kaya solong-solo ko ang lugar.

Habang nakaupo, iniisip ko ang mga sinabi sa akin ni ate at ni Jordan. Pero ano ba ang gagawin ko? Hindi ko rin alam. Paano ako magpapatuloy? Dapang-dapa ako ngayon. Hindi ko magawang tumayo. Inabot na ako ng gabi pero hindi pa rin ako umaalis. At dahil madilim na, bumukas ang mga ilaw na nakakabit sa punong nasa paligid. Mahamog at lumalamig na ang simoy ng hangin pero wala pa rin akong balak tumayo at bumalik sa dorm.

"Jackson." Napatingin ako sa nagsalita—si Jordan, at tumabi sa akin. "I'm sorry kung sa tingin mo hindi kita naiintindihan."

"Ayos lang," tipid kong sagot at muling ibinaling ang tingin sa lupa.

"I'm so sorry for what happened to Tita Janeth . . . ."

Hindi ako nakasagot. Naramdaman ko na naman ang panginginig ng loob ko. Yumuko ako at hindi ko na nga napigil pa ang sarili ko na umiyak. Hindi dapat ganito e. Lalaki ako. Hindi dapat nila ako makitang umiiyak pero hindi ko talaga mapigilan. Mabigat. Masakit.

"Ano ang gagawin ko?" Nanatili pa rin akong nakayuko. "Alam ko naman iyong responsibilidad ko e. Kaya lang pilit akong pinatataob ng lungkot . . . Hindi ko magawang tumayo. Nanghihina ako . . . Hindi ako makabangon," pag-amin ko. Niyakap niya ako at hinawakan sa ulo. Hindi siya nagsasalita pero ramdam kong nakikinig siya. "Mahal na mahal ko si mama . . . Kahit madalas niya kaming pagalitan, ayaw kong mawala siya sa amin. Kulang ang pamilya namin. Hindi buo. Hindi kumpleto. Gusto kong kasama si mama."

"I wish I had the right words to say for you," saad niya. "Nandito lang kami, Michael. Puwedeng-puwede mo kaming paglabasan ng nararamdaman mo."

Hindi ako kaagad nakaimik. Sandali kaming binalot ng katahimikan bago ko nagawang tumugon, "Huwag mo akong iiwan," pakiusap ko. Nagmumukha akong mahina pero wala na akong pakialam. Kailangan ko talaga ng makakapitan ngayon.

"I won't."

* * *

Bagamat may lungkot pa rin, pinilit ko ang sarili ko na magpatuloy gaya ng gusto nila at ng kung ano ang talagang dapat kong gawin. Nang mag-release ng midterm grade, nakita kong sabit na naman ako sa Engineering Drawing I. Kasalanan ko dahil nagpabaya ako. Bukod sa mababa ang score ng mga ipinasa kong activity noon, kulang din ang output ko dahil hindi na ako nag-asikaso simula noong mawala si mama.

"Gusto mong kumain ng mami pares?" tanong ko kay Jordan.

"Tara, magandang reward din iyon after nating makita ang mga grades natin."

Kanina pa namin iyon nakita pero dahil may klase kami ng hanggang alas-otso, ngayon lang namin iyan naisipan. Kahit papaano ay deserve ko pa rin naman siguro ang reward dahil kahit hindi umabot sa 2.25 ang grade ng kalahati sa mga subject ko, isa lang ang bagsak ko. Naniniwala ako na kaya ko pa iyong mahabol sa finals. Kailangan kong habulin. Pagdating namin sa kainan ni Nanay Beth ay sarado kaya nagdesisyon kaming sa pumasok na lang sa convenience store at doon bumili ng makakain dahil pareho kaming kanina pa hindi kumakain.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon