Kabanata 36

1.8K 147 4
                                    

Kabanata 36.

TATLONG ARAW NG nakaburol si mama at tatlong araw na rin akong walang tulog. Sa tuwing ipipikit ko ang mga mata ko, para akong binabangungot. Si ate ang humaharap sa mga bisita dahil may pagkakataon na hindi makausap nang maayos si papa, lalo na si Janus. Samantala, si Jeremy naman ay iyak lang nang iyak at hindi na rin magawang pumasok sa eskuwelahan. Pare-pareho kaming magkakapatid. Sa aming lahat, si ate ang pinakanananatiling matatag.

Hanggang ngayon, ayaw kong maniwala na wala na si mama sa amin. Sino na lang ang manenermon sa amin at lalambingin ni Janus para kumalma? Sino na lang iyong palaging magagalit tuwing naglalaba kasi iyon ang anti-pagod niya? Sino na lang iyong mama na mabunganga pero maalaga?

"Nandito lang kami, Son," pakikiramay sa akin nina Buknoy at Buboy. Kahit sila, hindi ko na rin masiyadong kinakausap.

"Hindi ka namin iiwan, Son, sa hirap man o sa ginhawa," dagdag ni Buknoy. Kung sa normal na pagkakataon baka matawa ako.

"Papahangin muna ako." Tumayo ako at iniwan sila. Gusto ko munang mapag-isa.

Nang makalabas ako, naglakad-lakad ako hanggang sa makarating ako sa tapat ng ilog. Doon ay tumayo ako at tiningala ang kalangitan. Gabi na pero dahil sa ningning ng mga tala at buwan, hindi masiyadong madilim.

"Ano, Ma?"

Ang dami kong gustong sabihin. Ang daming gustong ilabas ng bibig ko pero hindi ko magawa. Hindi ko rin magawang pigilan ang emosiyon ko sa pag-apaw hanggang sa tuluyan na nga itong lumabas mula sa mga mata ko—tuluyan na akong humagulgol. Ilang minuto akong ganoon hanggang sa may isang boses mula sa likuran ko ang nagsalita.

"Michael," tawag niya sa akin pero hindi ko siya nilingon.

Muli kong pinigil ang iyak ko saka sumagot, "Umalis ka muna."

Pero hindi siya nakinig. "Nandito lang kami para sa iyo. Kung kailangan mo ng kausap, puwede mo a—"

"Sinabing malis ka muna e!" pasigaw kong putol sa sinasabi niya saka siya hinarap. "'Hindi ba matalino ka? Bakit hindi mo maintindihan iyong salitang umalis ka muna?!"

Kasama niya pala si Patricia na mukhang nagulat din sa ginawa ko. Hindi siya makapaniwalang tumingin sa akin bago iyon binawi ng tipid na pagngiti.

"We're just here if you need us," pahabol na sabi ni Patricia bago nila ako iniwan.

Naupo ako sa lapag at tinitigan ang hindi ko na makitang tubig ng ilog; tanging agos na lang ang naririnig ko. Hindi ko alam kung paano haharapin ang mga susunod na bukas gayong alam ko na kahit kailan ay hindi ko na ulit makikita si mama at maririnig ang boses niya. Sana masamang panaginip lang ito . . . Sana magising na ako . . . magising sa malakas na pagbubunganga ni mama dahil tanghali na at hindi pa rin ako bumabangon . . . Sana hindi totoo ang lahat ng ito. Hindi ko ito matanggap. Hindi ko kayang tanggapin.

Araw-araw, gabi-gabi, hindi ako umalis sa tabi ng kabaong ni mama hanggang sa dumating ang araw na kailangan na siyang ilibing. Nanghihina ako. Parang wala akong lakas na ihatid siya sa huling hantungan pero pinilit ko ang sarili ko dahil kahit sa huling pagkakataon ay gusto ko siyang makasama.

"Jackson," tawag sa akin ni ate pero hindi ko siya pinansin. Simula ng makauwi kami, talagang hindi na ako makausap. Ganoon din si Janus na hindi na lumabas ng kuwarto. "Babalik na tayo sa Manila. Kailangan mong balikan ang pag-aaral mo roon. Hindi puwedeng hindi."

"Ayaw ko muna," walang ganang sagot ko. Hindi ko rin siya nagawang tignan.

"Hindi mo ba naintindihan iyong sinabi ko?"

Humarap ako sa kaniya. "Hindi mo rin ba naintindihan iyong sagot ko?"

Dahil doon, lumapat ang kamay niya sa pisngi ko—sa kauna-unahang pagkakataon, nasampal niya ako. Madalas niya akong batukan pero ito ang unang beses niyang sampalin ako. Ramdam ko ang bigat ng palad at kita ko ang panginginig ng kamay niya.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon