Kabanata 20

2.2K 160 59
                                    

Kabanata 20.

DUMAAN ANG ILANG BUWAN at nakahanap naman ako ng mga kaibigan. Sa totoo lang hindi naman ako nahirapang mag-adjust sa environment hindi gaya ng inaasahan ko . . . Sa mga subject lang talaga ako nagkakaroon ng problema.

"Ilan kayo sa Gen Chem?" tanong ni Matthew matapos ibigay sa amin ang resulta para sa nakaraang quiz. "Thirty-two ako."

"Thirty-five," sagot ni Randy.

"Thirty," sabi naman ni Martin.

Hindi na ako nakisali sa kanila. May 3 din naman iyong akin . . . nasa second place nga lang. Tiyanggala. Out of 50, 13 lang nakuha ko? Ni hindi man lang umabot sa kalahati. Sobra lang ng 0.5 sa ¼ amp.

Tinapik ako ni Matthew sa balikat. "Pang-ilan mo na iyan . . . baka buminggo ka na kay sir."

"Bawi ka sa midterm exam . . ." ani Martin.

"Kung makabawi. Sobrang laki ng kailangan kong habulin," sagot ko. At buti sana kung dito lang sa General Chemistry . . . Problema ko rin iyong iba e. Kahit nga sa Contextualized Salvation History tagilid pa ako.

"Group study tayo," suhestiyon ni Randy na sinang-ayunan naming lahat.

Pagkatapos ng klase ay pumunta kami sa bahay nina Martin para doon mag-review. Noong una maayos naman. Talagang nakatutok kami sa ginagawa namin at sa tuwing may hindi ako naiintindihan ay maayos nila iyong naipapaliwanag sa akin. Pero ng buksan ni Martin ang topic tungkol sa nangyaring insidente noong nakaraang linggo sa cafeteria, hanggang sa sumapit ang gabi ay wala na kaming ibang inatupag kundi ang magkuwentuhan.

Pag-uwi ko sa dorm, naupo ako sa single bed kong higaan at inilabas ang lahat ng mga test paper na naibalik na sa amin simula noong magpasukan—ni wala man lang pumasa. Napasabunot ako sa sariling buhok. Ano ba ang gagawin ko? Gusto ko rin namang matuto pero ayaw makisama ng utak at katawan ko. Sa tuwing susubukan kong mag-aral nang ako lang inaantok ako at nagpapadala naman ako hanggang sa tuluyan akong makatulog at wala ng magawa. Dinampot ko ang cell phone para tawagan ang pamilya ko sa Bulacan. Gusto ko munang magpahinga . . . Gusto ko silang kausapin.

"Hello, kuya," boses iyon ni Janus.

"Kumusta kayo riyan? Sina mama't papa? Si Jeremy, naliligo na ba?"

Hindi pa man siya nakakasagot ay narinig ko ang ang sunod-sunod na pag-ubo mula sa kabilang linya.

"Si mama . . . Nag-aalala ako sa kaniya e . . . Tuloy-tuloy pa rin iyong pag-ubo niya tapos minsan nakikita ko na parang hinihingal kahit nakaupo lang."

"Nagpa-check-up na ba siya?"

"Hindi nga e. Kapag pinagsasabihan namin siya ni papa, nagpipilit na ayaw niya at pinagagalitan pa kami. Alam mo kinakabahan na nga ako e . . . Nagsimula na akong mag-research tungkol sa condition niya at hindi maganda iyong nalalaman ko . . . Alam kong hindi iyon accurate gaya ng findings ng doctor kaya ayaw kong mag-conclude pero kasi . . . . Tulungan mo nga kaming kumbinsihin si mama. Baka kapag mas marami tayo mas ma-persuade siya."

Ibinagsak ko ang katawan sa higaan at wala sa sariling tinitigan ang kisame. Bakit ang tigas ng ulo ni mama? Kami hindi puwedeng hindi sumunod sa kaniya pero bakit siya hindi nakikinig sa amin? Hindi niya naman ikasasama iyon a. Nahagip ng mata ko ang libro para sa Engineering Algebra at alam ko na kailangan ko iyong buklatin at aralin dahil may quiz na naman kami sa susunod na meeting pero wala talaga akong gana. At alam ko na hindi ko mapipilit ang sarili ko.

Nang mag-meeting kami kay Sir Cams, agad niya kaming inutusan na paghiwa-hiwalayin ang upuan at ilagay ang bag sa harap. Gaya ng reminder niya tuwing exam, bawal ang mag-cheat. Kung sino man ang mahuli ay mamarkahan ang papel at automatic na singko na ang final grade. Justified naman daw iyon dahil ang cheating ay isang major offense sa school na ito. Wala namang ganito noong high school a.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon