Kabanata 27

1.9K 163 9
                                    

Kabanata 27.

"SAAN MO PA GUSTONG PUMUNTA?"

Dapat kanina pa ako nakaalis para umuwi sa amin sa Bulacan pero dahil natalo ako sa pusatahan namin ni Jordan at gusto niyang lumabas, magkasama kami ngayon na nagliliwaliw.

"Ikaw ang lalaki, hindi ba? Ikaw ang mag-isip. Impress me," sagot niya.

Gusto kong magreklamo kaso talo ako sa pustahan. Hindi ako puwedeng pumalag.

"Tara."

Dahil mediyo malapit lang naman ang naisip kong lugar kung nasaan kami, sandali lang ang naging biyahe namin.

"Manila Bay, huh . . . Bakit dito?"

"Hapon na. Magandang panoorin ang paglubog ng araw."

Umupo siya at tumabi naman ako sa kaniya. "First time mo bang lumabas kasama ang babae na hindi mo naman kamag-anak?"

"Hindi," sagot ko. Bumalik sa akin iyong panahon kung saan nagde-date pa kami ni Patricia. Kumusta na kaya siya ngayon? "Kung ikaw ang papipiliin, ano ang pipiliin mo . . . boyfriend o magulang?" mula sa kung saan kong tanong.

Pinaningkitan niya ako. "Bakit mo tinatanong?"

Nagkibit-balikat ako. "Wala lang." Hindi ko na rin gustong banggitin sa kaniya. Para saan?

Nakapatong ang braso niya sa tuhod at nakapako ang tingin sa dagat na sumagot, "Kung ako, boyfriend ang pipiliin ko."

"Nagrerebelde ka ba?"

"Timang ka ba?" Magkaharap na kami ngayon. "Kung magulang ang pipiliin ko mawawalan ako ng boyfriend."

"Kung boyfriend naman ang pipiliin mo mawawalan ka ng magulang."

"Sinong nagsabi? Kayang tiisin ng anak ang magulang pero hindi kayang tiisin ng magulang ang anak."

Umiling ako. "Itatakwil ka nila."

"Sinasabi lang nila iyon pero deep down hindi talaga nila kaya . . . Kung boyfriend ang pipiliin ko, may boyfriend na ako may magulang pa. Hindi ako talo. Walang mawawala sa akin."

Bakit hindi iyon naisip ni Patricia?

Madilim na ng magpasiya kaming umuwi. Hinatid ko lang siya sa sakayan bago ako sumakay sa bus na papunta sa amin. Habang nasa biyahe, nakasilip ako sa bintana para pagmasdan ang night lights sa kalsada. Malamig ang puwesto ko dahil nakatapat sa akin ang aircon, kaunti lang ang pasahero kaya wala akong katabi, maliwanag ang puting ilaw, at mahinang tumutugtog ang Kay Tagal Kitang Hinintay ng Sponge Cola kaya sobrang nakaka-relax. Malayo pa ako sa bahay pero pakiramdam ko makakapagpahinga na ako nang maayos.

Mag-a-alas dose na ng hating-gabi ng makarating ako sa amin. Mediyo nahiya nga ako kay Janus dahil talagang nagpuyat siya para lang may magbukas ng pinto para sa akin.

"Gusto mo ng balut?" tanong ko.

"Meron ka?" tanong niya rin.

"Wala . . . Pero bibili tayo. May nadaanan ako."

"Tara."

Halos wala ng tao sa labas pero ayos lang. Mas maganda nga ang ganito dahil pakiramdam namin ay solo namin ang buong lugar. Napakakalmado ng lahat ngayong dilaw na streetlights lang ang nagbibigay ng liwanag sa daan.

"Kumusta kayo rito?" tanong ko.

"Maayos naman kami . . . pero si Mama mukhang hindi." Hindi ako nagsalita. Hinintay ko lang ang susunod niyang sasabihin. "Palala nang palala ang ubo niya. Halos minuto na lang ang pahinga. Galit na si Papa dahil pinipilit siyang magpa-check-up pero matigas talaga. Sa tuwing nagpaplano kami na dalhin na siya, tumatakas at nagpupunta sa kung saan na hindi namin mahanap . . . . Kung tayo ang ganiyan sa kaniya siguradong napalo niya na tayo."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon