Kabanata 17

2.3K 156 20
                                    

Kabanata 17.

TANGHALI NA PERO nakahilata pa rin ako. Wala akong ganang bumangon. Halos kagigising ko nga lang pero gusto ko na namang matulog. Pakiramdam ko pagod na pagod ako. Ganito pala kapag brokenhearted—Eksaktong kabaliktaran ng sobrang saya kapag inlove. Nang marinig kong bumukas ang pinto, mabilis akong nagtalukbong at nagpanggap na tulog. Ayaw ko munang kumausap ng kahit sino. At tumagal iyon ng ilan pang araw.

Sa tuwing tinatawag ako para kumain, pinipili kong huwag sumagot at umarteng hindi sila naririnig. Mabuti na nga lang din at hindi sila namimilit. Pinababayaan nila akong magkaroon ng oras para sa sarili ko nang hindi nagugutuman. Kung hindi si Janus, si Jeremy ang magpapasok ng pagkain para sa akin. Minsan nga naiisip ko na parang sumosobra na ang ginagawa ko pero hindi ko naman mapilit ang sarili na bumalik na sa dati.

Napabangon ako ng may kung sino ang humampas sa hita ko. Nang tanggalin ko ang kumot na nakatalukbong sa akin, tumambad sa akin si ate na minamadali akong bumangon at pakinggan ang sasabihin niya. Sinubukan ko siyang paalisin dahil ayaw ko munang makipag-usap pero hindi siya nakinig. Dahil mukha namang wala na akong magagawa, pinabayaan ko na. Kung sa kaniya siguro namin ginagawa ang ginagawa niya sa amin baka puro bukol na ang ulo namin. Nasaan ang pagiging patas doon?

"Nagbukas ng scholarship ang university na pinapasukan ko. Kung gusto mo, ipapasok kita roon," aniya. "Hindi mo kailangang isipin na madadagdagan ang utang ng mga magulang natin dahil sagot na ng school ang lahat ng kailangan mo mag-aral ka lang nang maayos."

Naniningkit ang mga mata kong tumingin sa kaniya. "Paano mo nalaman na iyan ang rason ko?"

"Ate mo ako, Jackson. Wala kang maitatago sa akin . . . kahit pa iyang nunal mo sa puwet."

"Hoy!" agad kong nasabi para depensahan ang sarili ko.

"Bakit? Baka nakakalimutan mong ako ang tagapaghugas ng mga puwet ninyo noon sa tuwing tumatae kayo."

Namumula na ang tenga ko dahil sa hiya. Kaya bago pa man mapunta sa kung saan ang usapan na iyon, binalik ko na ang topic sa sinasabi niyang pa-scholarship ng school nila kahit hindi naman talaga ako ganoon kainterisado.

"Ano raw ba ang mga kailangan?" tanong ko.

"Wala pang inilalabas. Sinabihan lang kita agad para makapaghanda ka."

Pagkatapos naming mag-usap, hinayaan ko na ang sarili kong madama ulit ang atmosphere sa labas. Magdadalawang-linggo lang naman akong nagkulong sa kuwarto namin pero parang naninibago na agad ako sa mga nakikita ko. Pinuntahan ko sina Buknoy at Buboy sa bahay nila pero wala kaya dumiretso na ako sa compshop at doon ko nga sila nakita.

"Wazzup," bati ko.

"Kumusta sa North Pole, wilab? Nakapagmuni-muni ka ba?" tanong ni Buboy.

"Oo. Na-miss ko rito kaya laro na tayo agad. Libre ninyo ako isang oras," sagot ko. Hindi naman sila pumalag.

Masakit pa rin iyong nangyari (hindi naman kasi agad iyon nawawala) pero hindi tama na ihinto ko ang pag-ikot ng mundo ko dahil lang doon. Hindi ko dapat hayaan ang sarili ko na ma-trap sa kalungkutan at pagkawasak. Kailangan kong gumalaw at gumawa ng paraan para makaalis doon.

"Sorry, Son . . ." kapagkuwan ay sabi ni Buboy. "Kasalanan ko kasi inutusan pa kitang tagayan ako."

"Oo, kasalanan mo talaga," sabat naman ni Buknoy.

"Kung hindi ka bumili ng alak wala namang itatagay si Jackson e."

Nagsisihan pa ang mga siraulo. "Tama na iyan. Hindi ko na rin gustong pag-usapan."

Habang naglalaro ay panay ang sigawan namin na para bang kami lang ang tao at wala kaming kasabay na nagrerenta. Pero wala namang nagrereklamo. Malamang na sanay na rin sila sa ganitong tagpo. Mas maigi rin para sa akin ang ganito dahil nagagawa kong magsalita at tumawa. Kahit sa sandaling oras lang, nalilibang ako at nakakalimutan iyong sakit na nararamdaman ko.

Sa bawat araw na dumadaan, inaabala ko nang inaabala ang sarili ko: Ginugulo ko si Jeremy at kunwari ay nagtatanong kay Janus ng mga kung ano-anong bagay na magiliw niya namang sinasagot kahit pa hindi ko talaga masiyadong naiintindihan ang pinagsasabi niya, lalo na kapag nagbanggit na siya ng mga teyorya at kung sinong scientist na naririnig ko lang ang pangalan sa science class namin noon . . . at sa kaniya.

Balik din ako sa pagiging madalas na tambay sa computer shop ni Mang Kokoy. Bukod doon, nakikipaglaro na rin ako ng basketball kila Reggie at nagpapagabi sa kalsada tuwing nagtatakatak. Lahat ng puwede kong gawin ay ginagawa ko para lang malipat sa iba ang atensiyon ko at makalimutang brokenhearted pala ako. Masiyado pa rin kasi iyong masakit . . . mabigat . . . Hindi ko matanggap na ganoon lang kabilis natapos ang lahat tungkol sa amin. At kung hahayaan ko ang sarili ko na maramdaman iyon, siguradong lulununin na naman ako no'n nang buo at mahihirapan na naman ang mag-function nang maayos.

Patungkol naman sa naging alok ni ate, hindi pa rin ako makagawa ng desisyon. Parang ang ganda sana kung susunggaban pero nag-aalangan ako. Isang taon lang akong huminto pero siguradong marami na agad ang nagbago. Baka pagbalik ko hindi ko na masabayan ang mga kaklase ko . . . . Pero kung magbabalik-aral ako, posible kaya na mag-approve na sa akin ang mama ni Patricia? Papayagan niya na kaya kami?

Pagkatapos ng duty ko sa water station, nagpunta ako sa bahay nina Simon para kausapin siya. Baka puwede nga siguro iyon. Ang sabi niya gusto niya para sa anak niya ang kumikilos para magkaroon ng magandang kinabukasan. Kung malalaman niyang babalik na ako sa pag-aaral, baka sakaling magbago na ang isip niya tungkol sa akin . . . sa amin ng anak niya.

"Alam mo kung saan nakatira sina Patricia, hindi ba? Puwede ko bang makuha iyong address nila? May sasabihin lang ako," halos nagmamakaawa na ang boses ko.

"Sorry, Jackson . . . Nagalit din sa akin si tita dahil kinukunsinti ko raw ang ka-estupido-han ni Cleo. Ayaw ko na sana iyong dagdagan." Hindi ako nagsalita. "Pero kung nagbigay lang sana siya ng time na mas makilala ka, hindi niya iyon masasabi. Nakita ko kung paano ka mag-effort na baguhin ang sarili mo para kay Cleo . . . Ang kaso lang, hindi naman ako puwedeng makialam sa kung ano ang gusto ni Tita Margarita para sa mga anak niya . . . Sana naiintindihan mo."

Pilit akong ngumiti at marahang tumango. "Oo, naiintindihan ko naman."

"Pero hindi masamang tao si Tita Margarita. Kung makikilala mo lang din siya, malalaman mo na ang gusto niya lang talaga ay ang best para sa mga anak niya. Kaso lang kasi ay hindi kayo mabigyan ng pagkakataon para kilalanin ang isa't isa."

"Kumusta naman si Patricia sa klase ninyo? Nag-e-excell pa rin ba siya?"

"Well . . . umalis na siya sa school . . . Hindi ko nga alam kung ano ang mangyayari e. Hindi niya tinapos ang sem. Baka bumalik siya as first year ulit kung sakali."

Ganoon ba talaga kadesperado ang mama niya na paghiwalayin kami kaya kahit ang isang taon ng pag-aaral niya ay isinakripisyo para lang ilayo siya sa akin? Gusto kong panghawakan iyong sinabi ni mama pero natawa rin ako. Paano kung ito pala talaga ang ginagawa ng tadhana—ang paglayuin kami—kasi hindi talaga kami ang para sa isa't isa? Iniisip ko pa lang na mapupunta siya sa iba para na akong sinasaksak nang paulit-ulit e. Siya lang ang gusto ko. At kung hindi pahihintulutan ng tadhana na kaming dalawa ang magkatuluyan, kawawa naman ako.

"Naglabas na ng guidelines iyong school tungkol sa sinasabi ko sa iyong scholarship," bungad ni ate pagdating ko sa bahay.

"Baka hindi ko na subukan," walang gana kong sagot.

Bakit pa ako babalik sa school kung wala naman na akong dahilan? Ginusto ko lang namang mag-aral nang mabuti no'n para bumango ang pangalan ko kay Patricia. Pero ngayong umalis na sila, lumayo sa akin, hindi ko na nakikita na dapat ko pang pilitin ang sarili ko roon. Alam kong estupido ako dahil siya ang mas ginagawa kong inspirasiyon kaysa mga magulang ko pero ewan ko ba. Hindi dapat ganoon pero hindi ko rin maintindihan kung bakit.

"Huwag kang tanga, Jackson." Napatitig ako kay ate. "Pang tanga iyang dahilan mo, alam mo ba iyon?" Saka ko lang napagtanto na napalakas pala ang pagkakasabi sa iniisip ko. "Mas mahalaga ba iyang babaeng iyan kaysa sa pangarap ng mga magulang natin para sa atin? Sa sariling buhay mo?" Ngayon galit na siya. "Nakakatuwa na naging dahilan siya para tumino ka pero hindi nakakatuwa na dahil lang umalis na siya sa buhay mo ay hahayaan mo na naman ang sarili mo na maging pariwara.

"Ang akala ko pa naman nag-mature ka na talaga. Engot ka pa rin pala. Kung ginagawa mo lang ang ginawa mo dahil sa ibang tao, walang mangyayari sa iyo. Babalik at babalik ka sa kung ano ka. Kung gusto mo talagang pagbutihin ang sarili mo, gawin mo iyon para sa iyo mismo hindi para sa iba." At iniwan ako. 

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon