Kabanata 23

2.1K 158 20
                                    

Kabanata 23.

NAKATULALA AKO SA KISAME, iniisip ang mga bagay na sa tingin ko ay kailangan ko talagang paglaanan ng panahon na isipin. Sinabi ko sa sarili ko na babawi ako sa finals pero kapag naiisip ko kung gaano pa kalaki ang kailangan ko, para akong pinanghihinaan kahit pa pilit kong isinisiksik ko sa sarili ko na hindi dapat. Kakayanin ko ba? Makakabawi ba talaga ako? Paano kung hindi? Kapag naaalala ko na kailangan kong ibalik ang lahat ng naibigay sa akin ng university ay parang gusto ko na lang maging ulap. Saan ako kukuha ng pera kapag nagkataon?

Nang mag-exam kami sa Solid Mensuration, umasa akong maipapasa ko iyon. Sinubukan kong mag-review. Naglaan ako ng panahon. Ang kaso nga lang, dalawang tanong lang ang inilapag ni ma'am at complicated version pa ng nabasa ko. Hindi ba talaga nila balak maglagay ng kahit mediyo basic lang para makapasa naman ako? Pamilyar 'yung figures e . . . Kaso hindi ko alam kung paano dapat simulan para makuha ko ang hinahanap. Napakasaklap naman ng kapalaran ko.

Mayamaya tumayo na si Jordan at ipinasa ang papel. Siya ang pinakaunang natapos sa amin. Kung katabi ko siya, pakokopyahin niya kaya ako ulit? Hindi nagtagal ay sunod-sunod ng tumayo ang mga kaklase ko hanggang sa ako na lang ang naiwan. Hindi na ako lumaban pa. Wala na akong maisulat e. Nagyaya ang mga kaibigan ko na labas daw kami at maglaro ng DOTA bilang reward sa sarili namin dahil tapos na kaming mag-exam pero wala akong gana kaya hindi ako sumama. Ano ang karapatan kong bigyan ng reward ang sarili ko gayong alam ko namang hindi ko deserve?

Nakita ko si Jordan na mag-isang nakaupo sa park bench kaya lumapit ako. Sandali niya lang akong pinasadahan ng tingin bago muling binalingan ang binabasa. Hindi ako nagsalita. Inaasahan kong siya ang unang babasag sa katahimikan pero hindi niya ginawa kaya ako na lang.

"Nadalian ka sa exam?" Pero hindi siya sumagot.

Inisip kong baka hindi niya narinig kaya inulit ko pero hindi pa rin siya nag-response. Mayamaya, isinara niya ang librong hawak at tumingin sa akin.

"Wala ka bang manners? Hindi mo dapat kinakausap ang taong nagbabasa! Nang-iistorbo ka kapag ganoon."

"Edi sorry," sabi ko.

"So . . . bakit mo ako kinakausap?" tanong niya.

"Bawal ka bang kausapin?" tanong ko rin.

"Hindi ganoon kadali ang exam . . . pero confident ako sa answer ko," sagot niya sa tanong ko kanina noong nagbabasa siya. Narinig niya pala e. "Ikaw, nakasagot ka?"

Sumandal ako at pinagmasdan ang ulap. "Hindi. Nahirapan ako e . . . Mga basic lang kasi iyong naaral ko."

"Then, I guess hindi mo talaga naintindihan ang inaral mo." Kunot ang noo kong tumingin sa kaniya. "Kung naiintindihan mo talaga ang basic concept, kahit iyong pinaka-complex ay masasagutan mo."

Hindi na ako nakipagtalo. Baka nga tama siya . . . Na hindi ko talaga iyon naintindihan. Baka mas lamang na minemorize ko lang iyon kaysa inaral talaga. Sa General Chemistry, absent si Sir Lamberto pero nagbigay ng activity tungkol sa chemical balancing na ilalagay sa short bondpaper na may one inch border at naka-engineering lettering with front page. Binilinan niya pa ang class representative na kailangan daw siguraduhin naming malinis ang gawa namin at walang erasure dahil hindi niya tatanggapin kapag meron.

Pagdating na pagdating ko sa dorm ay nagsimula agad ako bago pa ako sapian ng katamaran. Halos idikit ko na ang mukha ko sa papel para lang masiguro na tama at pantay ang sukat ko. Masiyado pa naman iyong maselan. Makakita lang ng kahit kaunting pagkakamali ipapaulit na agad. At para depensahan ang pagiging ganoon niya, palagi niyang sinasabi na, "Ang mga Engineer ay kailangang maging metikuloso sa bawat detalye, dahil kahit napakaliit na pagkakamali lang ay malaki ang magiging epekto sa ginagawa niya." Siguro nga totoo at may punto siya. Pero kahit na. Pahirap ito e.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon