Kabanata 48

741 51 1
                                    

Kabanata 48.

MAY MGA PAGKAIN ang nakahanda sa mahaba naming lamesa; iba't ibang putahe na si Papa mismo ang nagluto. Ito ang unang beses na siya ang nagluto ng handa namin at mukhang masusundan pa yata. Bukod sa pagkain ay mga dekorasiyon din at masayang tugtog.

"Mukhang tuloy na tuloy na talaga ang alis ni Jersey." Katabi ko ngayon si Buknoy sa sofa habang kumakain ng spaghetti at umiinom ng juice. Akala mo may birthday e. Nanguna na rin kami, mukhang wala pang balak kumain iyong iba.

"Mukhang ganoon na nga talaga," sagot ko. Halata naman e. Ang epic naman kung may pa-party na tapos postpone pala.

"Nasaan nga pala siya?" hanap niya. "Hindi ko yata naririnig iyong boses." Naks, boses lang kailangan.

"Sinundo iyong piloto," sagot ko sabay inom.

"Piloto?" nangunot ang noo niya.

"Oo. 'Yung sabi niya na nakilala niya raw at pumili sa kaniya na isakay siya sa eroplano," kasuwal lang ang pagkakasagot ko.

"Piloto pala . . . Wala na, taob na."

Tumingin ako sa kaniya. Doon ko lang napagtanto ang sinabi ko kaya naman tinapik ko siya sa balikat. "Alam mo, wilab, huwag kang panghinaan ng loob," pagpapalakas ko sa kaniya. "Piloto lang iyon, si Buknoy ka."

Tumawa siya. "Siraulo ka talaga, Son. Ayos din a. Mas malakas ba ko kaysa roon?"

"Siyempre, sa iyo boto ko e." Kinindatan ko pa siya.

Ilang saglit lang, dumating na si ate kasama ang isang lalaki na maputi, matangkad at may hitsura na desenteng-desente ang pormahan. Akala mo kandidato na nangangampanya ang datingan. May shades pa.

"Magandang araw po," magalang nitong pagbati sa sumalubong na si papa at nagmano bago masayang hinarap si ate na hindi na rin matawaran ang ngiti.

"May pamano-mano pa," rinig kong bulong ni Buknoy. "Labas muna ako, Son," paalam niya sa akin. Pipigilan ko sana siya pero mukhang hindi rin naman ako diringgin kaya sinundan ko na lang.

"Dinaramdam mo talaga?" tanong ko. "Hindi naman natin alam kung gusto rin iyon ni ate e."

"Tanong mo nga." Inutusan pa talaga ako.

"Bakit hindi ikaw ang magtanong?" balik ko sa kaniya.

Inalis niya tingin niya sa akin. "Natatakot ako e."

"Saan, sa isasagot ni ate?"

"Hindi. Sa ate mo mismo."

Nakagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang tawa.

"Jackson! Buknoy! Umakiyat kayo rito!" tawag sa amin ni papa kaya wala kaming ibang nagawa kundi ang sumunod. Pagpasok namin sa bahay, binalingan kami ng piloto na kasama ni ate.

"Who are them?" tanong niya.

"Kapatid ko, si Jackson," pakilala sa akin ni ate. "Jackson, si Captain Rosales." Nakipagkamay siya sa akin. "Ito naman si Buknoy, kaibigan ng kapatid ko," pakilala naman ni ate sa katabi ko.

Inilahad ng piloto ang kamay niya. "Nice to meet you." Pero hindi iyon inabot ni Buknoy.

"Nakakahiya naman kung makikipagkamay ang isang tulad ko lang sa nagpapalipad ng eroplanong bakal. Papel lang kasi iyong sa akin e." Tuwid lang ang mukha ng kaibigan ko habang diretso ang tingin sa kausap niya na mukhang naguguluhan na.

Nasira ang mukha ni ate. "Buknoy," matigas niyang pagtawag pero hindi nagpatinag ang kaibigan ko.

"Sa susunod na lang tayo magkamay . . . Kung may susunod."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon