Kabanata 13

2.4K 191 19
                                    

Kabanata 13.

GAYA NG NAPAG-USAPAN, tuwing alas-siete ng gabi ay nagpa-practice kami sa court hanggang sa sumapit ang araw ng paliga. Nakatayo ako sa gilid kasama ang ka-team ko, hinihintay ang signal na malapit ng magsimula ang laro. Madilim na ang langit at tanging streetlights lang ang nagbibigay ng liwanag. Ganoon man ay sobrang buhay pa rin ng paligid dahil sa malakas na ingay na nanggagaling sa malalaking speaker kung saan tumutugtog ang We don't die, we multiply ng 187 Mobstaz.

"Tayo ang unang lalaban," ani Reggie pagbalik galing sa lamesa kung saan nakapuwesto ang mga administrator ng laro. "Kalaban natin ang mga taga-Purok Tres. Handa na kayo?"

Pinagdikit-dikit namin ang mga palad namin sa gitna at sabay-sabay na sumigaw. Halos kasabay namin ang kalaban na pumasok sa court at pumuwesto. Nasa gitna ang referee, nasa magkabilang gilid niya naman sina Reggie at iyong isang miyembro ng Purok 3 na hindi ko alam ang pangalan.

"Let's get ready to jump ball!"

Pagpito na pagpito ng referee, nag-umpisa ang agawan. At dahil kalaban ang nakakuha, kailangan namin iyong agawin. Hinarangan ko ang may hawak ng bola ng tangkain niyang i-shoot iyon at hindi siya nilubayan hanggang mapunta sa kamay ko ang pinag-aagawan namin.

"Shoot mo na!" malakas na sigaw ng mga kaibigan ko.

Iyon nga mismo ang balak kong gawin. Gusto kong mag-three point shot. Tumakbo ako papunta sa puwesto kung saan alam kong may pag-asa na makatira ako nang maayos. Inangat ko ang kamay ko at tinantsa ang puwersang ilalabas bago ihagis ang bola. Bira na. Lalong lumakas ang sigawan ng maipasok ko iyon. Ayos! May tuwa akong inapiran ni Reggie ng magsalubong kami.

Tuluy-tuloy ang laro at hanggang sa nag-3rd quarter na ay lamang pa rin kami. 55-36, ang laki ng kailangan nilang habulin. Naliligo na ako sa sarili kong pawis at nakakaramdam ng pagod pero ayaw nila akong ibangko. Bilib na bilib yata sila sa basketball skills ko e. Natapos ang time-out at lumakad na kami pabalik sa court. Mediyo mainit na ang tingin sa amin ng kalaban namin at hindi ko naman sila masisisi. Ang galing namin e. Lalo na ako. Kaunting tulak na lang at siguradong kami na ang panalo.

Nagsimula ang 4th quarter at mabilis na napunta sa kakampi namin ang bola. Dahil wala namang nagbabantay, ipinasa niya iyon sa akin. Akmang isu-shoot ko na iyon nang biglang may kung sino ang tumulak sa akin kaya natumba ako. Hindi ko naitago ang pagdaing. Masiyadong masama ang pagkakabagsak ko. Halos hindi ko maigalaw ang siko kong tumama sa semento. Pakiramdam ko naalog din ang spinal cord ko. Damang-dama ko iyong sakit, talagang gumagapang.

"Foul, number twelve!" sigaw ng referee. Sandaling natigil ang laro. "Kaya mo pa ba?"

Ang sarap niyang sagutin na kitang-kita namang namimilipit na ako rito tapos tatanungin pa kung kaya ko pa ba?

"Tayo, Jackson!" Nabaling ang atensiyon ko sa direksiyong pinanggalingan ng sigaw. Si Simon at kasama niya si . . . Patricia?

Hindi ko naalis ang tingin ko sa kanila lalo na noong mapansin ko na naroon din banda si papa. Hindi ako puwedeng mapahinto lang ng ganito. Kahit hirap, pinilit ko ang sarili na tumayo. Sandali na lang naman e, itutuloy ko na. Sayang naman ang pagpunta nila kung hindi ko ito tatapusin.

"Lalaban pa ako," sabi ko kahit ang totoo ay gusto ko na lang umuwi at magpahinga.

Naging limitado ang paggalaw ko. Hindi gaya kanina, hindi na ako basta-basta nakakaikot o ano dahil nananakit ang likod ko at kung pupuwersahin ko, baka tuluyan akong mabalian. Sa kabila no'n, matagumpay pa rin naming naipanalo ang laban. Isang linggo na nagtuluy-tuloy ang laro at pinaghaharap ang mga nanalo sa kapuwa panalo hanggang sa masala kung sino ang makakakuha ng trophy at sampung libo. At siyempre kami iyon. Kami ang panalo.

Hindi na rin masakit ang likod at braso ko dahil kinabukasan matapos ang laro, agad akong pinasamahan ni papa sa manghihilot. Akala ko nga galit siya sa akin dahil hindi niya na ako masiyadong kinakausap simula noong magpasiya akong hindi na mag-aral pero pagkatapos ng insidente sa liga ay balik na ulit sa normal ang lahat.

"Purok Dos!"

Ang lawak ng ngiti ko habang paakiyat sa stage kasama ang iba para kuhain ang premyo. Bukod sa sampung libo, dagdag ding nakapagpasaya sa akin ang presensiya ni Patricia. Hindi ko nga akalain na pupunta sila. At iyong tungkol sa hindi niya pagsagot at pagtanggap sa sulat ko, hindi ko pa rin alam ang dahilan niya. Gusto ko sanang malaman pero kung hindi niya gustong sabihin, hindi ako mamimilit. Pagbaba ko sa stage, hindi ko na sila nakita kaya dumiretso na ako kung nasaan si papa.

"Bibili muna ako ng maiinom," ani papa kaya naiwan akong mag-isa.

"Jackson." Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses at natanaw si Simon na palapit sa akin, kasunod si Patricia na nakatutok lang ang mga mata sa lupa. "Puwede ka bang makausap . . . ni Cleo?" Walang pag-iisip akong tumango kaya iniwan niya kaming dalawa.

Katahimikan . . . . Gustung-gusto ko ng ibuka ang bibig ko pero para bang bigla na lang hindi ko na alam kung paano iyon gawin. Hindi rin ako makatingin nang diretso sa kaniya dahil naaalala ko iyong mga salitang pinaglalagay ko sa sulat. Totoo namang iyon ang nararamdaman ko para sa kaniya pero ngayong nakatayo na siya sa harap ko, hindi ko mapigilan ang sarili kong isipin na baka na-corny-han pala siya roon.

Buti na lang at gabi na. Hindi rin sapat ang liwanag na hatid ng streetlight para ilantad ang pamumula ng nag-iinit kong pisngi at tenga dahil sa hiya at kilig na dala ng presensiya niya. Pero sayang ang oras. Dapat may gawin ako . . . Hindi puwedeng matapos ang gabi na ito ng hindi ko siya nakakausap.

"Ano . . ." Sabay naming sabi at nagtama ang tingin.

Pero dahil na sa pagkabigla at malamang ay hiya na rin, muli naming ibinaling ang mga mata namin sa magkaibang direksiyon. Bakit biglang nagkaroon ng ilangan? Hindi namin kami ganito noong una a. Partida hindi pa kami magkakilala no'n. Nagagawa pa nga naming ngumiti at kawayan ang isa't isa.

"S-sige ikaw muna ang unang magsalita." Napapikit ako ng mahimigan ang pangangatal ng boses at pagpiyok. Ang lakas ng loob kong umamin sa sulat tapos natatameme ako ngayon . . . Ano ba naman iyan.

Sandaling katahimikan na naman ang dumaan bago siya nagsalita, "Ano . . . g-gusto ko lang mag-explain kung bakit hindi na ako s-sumasagot sa sulat mo . . . and kung bakit nag-refuse na rin akong i-accept iyon . . . ."

Ito na ba iyon? Sasabihin niya na bang hindi niya kasi ako gusto at ayaw niyang umasa ako? Naisip ko na iyon pero hindi ko pinaghandaan kasi hindi ko naman pinaniwalaan e.

Sa wakas ay nagawa ko ng humarap sa kaniya. "Ah, iyon ba . . ."

"Nalaman kasi ni mommy . . . and nagalit siya . . . Sobrang disappointed siya sa akin na nagawa ko iyong ilihim sa kaniya . . . Pero you know what, gustong-gusto ko talaga na kausap ka . . . to the point na kahit alam kong magagalit siya kapag nalaman niyang I'm secretly conversing with someone in a way na katulad ng sa atin ay ginawa ko pa rin . . ." paliwanag niya. "Sorry, Jackson, kung nag-stop ako without giving you a reason . . . ."

Awtomatiko akong napangiti. "Pero at least nalaman ko na gusto mo pala akong kausap."

Nag-angat siya ng tingin. "H-hindi ka galit?"

"Wala namang nakakagalit doon. At isa pa, ang tapang mo . . . Alam mong magagalit sa iyo ang mommy mo pero nandito ka at nakikipag-usap sa akin ngayon . . . Sa parte ko, isa iyong bagay na karapat-dapat i-appreciate." Hindi siya nagsalita. "Aayusin ko ang sarili ko para kapag dumating ang oras na magkakilala kami ng mommy mo, hindi niya iisipin na nagkamali ka ng lalaking nagustuhan."

Hindi niya direktang inamin na gusto niya rin ako pero iyon ang dating ng mga pahayag niya sa akin. At hindi ko pipigilan ang sarili ko na maging assuming. Kapagkuwan ay bigla siyang umiyak. Lumapit ako sa kaniya at pinunasan ang pisngi gamit ang hinlalaki.

"Salamat kasi binigyan mo ako ng pagkakataon," sabi ko.

Pag-uwi ko sa amin, agad kong sinabi sa mga magulang ko ang desisyon ko. Wala namang dahilan para itago iyon. Isa pa, patunay ko rin iyon na talagang seryoso ako sa kaniya dahil nakahanda akong ipakilala siya sa pamilya ko.

"Sigurado ka na ba riyan, Jackson? Pag-isipan mo muna," komento ni mama. "Bago ka manligaw at pumasok sa isang relasiyon, kailangan mo munang tiyakin sa sarili mo na seryoso at handa ka na."

"Seryoso po ako, Ma. Handa na rin ako." Ngayon lang ako naging ganito kasigurado sa buhay ko at wala akong nakikitang dahilan para hindi ito ituloy. 

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon