Kabanata 19

2.2K 170 20
                                    

Kabanata 19.

MEDIYO NAGUGULAT PA rin ako kapag napagtatanto kong officially enrolled na ako at sasabak na sa buhay kolehiyo. Wala akong idea kung ano ang mangyayari sa akin. Hindi ko rin alam kung paano ulit haharap sa mga kapuwa ko estudiyante. Paano kung tanungin nila ako tungkol sa nagdaang school year? Kahit isang taon lang naman akong hindi nag-aral pakiramdam ko napakatagal ng panahon no'n.

"Registration form?" harang sa akin ng guard. Inilabas ko ang kalahating piraso ng papel kung saan naka-print ang schedule ko at ipinakita sa kaniya. "Orientation?" Tumango ako. "Building B, Marry's Hall. Diretsuhin mo lang iyong Cornelia Street."

"Salamat, boss," sabi ko saka tuluyang nagpaalam.

Dahil nasa Manila ang eskuwelahan na pinapasukan ko, magiging lingguhan na rin ang uwi ko gaya ni ate para hindi magastos sa pamasahe. Isa pa, may pa-dorm naman sila na hindi ko kailangang bayaran ang renta. Parang panaginip lang lahat ng nangyayari sa akin. Mag-aaral ako ng college sa malaking university kung saan libre lahat . . . Iyon nga lang, bangungunot din ang kahihinatnan ko kung sakaling bumagsak ako.

Kahit hindi magtanong, madali kong nalalaman kung saan ako pupunta dahil sa mga street signs na ipinakikilala ang pangalan ng bawat kalye. Pakiramdam ko nasa isa akong pelikula dahil sa galing na rin ng pakikisama ng panahon na lalong ipinapakita ang kagandahan ng lugar kung nasaan ako ngayon.

Asul na asul ang kalangitan at nagtitipon-tipon ang mga ulap para harangan ang init na inilalabas ng araw. Marahan din ang pag-ihip ng hangin na bahagiyang tumatangay sa mga tuyong dahon na nahulog mula sa mga nakakalat ng puno, at meron ding parang garden kung saan puwedeng tumambay kung gusto mo ng kapayapaan. Sa palabas lang ng ibang bansa ako nakakakita ng ganitong university . . . hindi ko akalain na meron din pala sa Pilipinas.

Pagpasok ko sa Marry's Hall, literal akong nalula. Sobrang lawak ng espasiyo! Halos hindi ko na nga matanaw ang stage e. Kung hindi lang dahil sa malaking screen na nakapuwesto sa harap baka hindi ko malaman kung ano ang mangyayari. Dahil okupado na ang halos lahat ng upuan sa harapan, sa likod na ako pumuwesto. Paupo na ako ng mabaling ang pansin ko sa babaeng mag-isa, magkakrus ang braso at nakatutok sa screen.

Parang may kamukha siya, sabi ko sa isip pero agad din iyong binawi. Pareho silang maputi at nakakahiyang tabihan pero hindi . . . Baka nakikita ko lang si Pat kasi miss na miss ko na siya. Namukhaan ko rin siya sa babaeng nakasalubong ko noong nakaraan e. Hindi ko akalain na ganito pala ang hatid ng pangungulila . . . Sa sobrang gusto mo siyang makita kahit hindi naman talaga kamukha mapagkakamalan mong siya iyon.

"May nakaupo ba rito?" tanong ko sa babae. Baka kasi may kasama pala siya. Sandali niya lang akong tinapunan ng tingin at umiling bago muling bumaling sa harap.

Nakasuot siya ng kulay itim na polo shirt at jeans na pinarisan ng rubber shoes na puti. Nakapusod din ang buhok niya pero may iilang hibla sa magkabilang gilid at noo na hindi naisama dahil masiyadong maiksi para maitali. Ma-cheekbone siya at bagamat paumbok ang bandang bibig, bumagay naman iyon sa hulma ng mukha niyang hugis puso. At kahit pareho sila ni Patricia na may pagkasingkit ang mga mata, magkaibang-magkaiba sila dahil mapungay ang kay Pat at ang sa kaniya ay matalim kung tumingin.

Ilang minuto ang dumaan, nahimas ko ang magkabilang braso ko dahil sa unti-unting pagyakap sa akin ng nakakangatog na lamig. Bakit ba hindi ako nagdala ng jacket? Nang sipatin ko ang katabi ko, kung ano ang posisyon niya kanina ay ganoon pa rin siya ngayon. Hindi man lang ba siya giniginaw? Baka sanay sa aircon. Halata naman sa balat niya.

"Good day, future engineers!" masiglang bati ng babae na nakatayo sa harap at malawak na nakangiti sa amin kahit hindi niya naman talaga kami nakikitang lahat.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon