Kabanata 24

2K 164 30
                                    

Kabanata 24.

PROBLEMADO AKO NGAYON. Nakalimutan kong gawin ang activity na pinapagawa ni Ma'am Adrianne kaya wala akong naipasa. Sinubukan ko siyang kausapin na kung puwede bang ihabol ko hanggang bukas pero hindi niya ako pinayagan. Napangaralan pa nga ako e. Ang sabi niya, "A deadline is a deadline. Kapag sinabi kong sa ganito ninyo ipasa, sa ganito ninyo ipasa. Sa industry, hindi ninyo puwedeng ikatuwiran sa boss ninyo na nakalimutan niyo kasi kaya hindi kayo nakapag-comply. First year pa lang kayo pero dapat alam na ninyo kung ano ang responsibility ninyo. Hindi na kayo high school. You are now taking your step towards the real world. Hindi na puwede ang irrational reasonings. Engineer pa man din kayo."

Sa haba ng sinabi niya, "sorry po," lang ang naisagot ko. Ano pa ang sasabihin ko? Wala na akong ibang choice ngayon kundi ang tanggapin na zero na naman ako sa dalawang activity. Napakagaling talaga. Kung gagawan lang ng kuwento ang buhay-eskuwela ko siguro Jackson Alonto, the man who always gets zero ang magiging title. Kailan ba ako aalpas diyaan? Hindi naman ako manok pero palagi akong nangingitlog. Nakakasawa.

"Ano ang problema, Jack?" tanong ni Randy.

"Hindi na ako pinayagan ni ma'am na magpasa," sagot ko.

"Okay lang iyan . . . Dalawang activity lang naman e."

"Sa inyo okay lang kasi hindi naman kayo namomroblema sa grade ninyo dahil ang laki ng puhunan ninyo noong midterm. E paano ako?" Hindi ko na naitago ang inis ko. Halata naman kasing hindi ayos sa akin tapos sasabihing okay lang. Nakakatarantado marinig.

Tinaas niya ang dalawa niyang kamay. "Chill."

Naiiling na lang akong iniwan siya. Paano ako mag-chi-chill? Dahil nga sa "chill" na iyan kaya hindi ako nakagawa e. Puro chill kasi ang alam ko sa buhay. Wala bang sasapak sa akin diyaan para matauhan ako?

Nagtuloy-tuloy ang klase namin at napapansin ko na hindi talaga nag-i-improve ang academic performance ko. Nakaka-score man ako, hindi naman umaabot sa passing rate. Natatagpuan ko na rin ang sarili ko na dumidistansiya kila Randy dahil sa dahilang hindi ko rin alam . . . Siguro kasi nararamdaman ko na hindi naman talaga ako dapat sumasama sa kanila . . . Na iba ako sa kanila dahil mahusay sila at palaging nakakapasa sa lahat ng exam . . . hindi gaya ko. Hindi ako naiinggit sa kanila. Sa totoo lang masaya naman ako dahil hindi sila namomroblema. Ang akin lang, parang hindi ako bagay na mapasama sa grupo nila.

Nang matapos ang finals, tiyak ko na agad kung ano ang dapat kong asahan. Mag-isa akong nagpunta sa Building C para buksan ang student portal at tignan ang grades ko. Ayaw ko na sana iyong gawin dahil alam ko naman na ang makikita ko pero dahil kailangan kong magpasa ng grade slip kay Ma'am Concepcion, napilitan ako. Hawak ang maliit na piraso ng papel kung saan nakaimprenta ang mga subject at grades ko, tulala akong tumayo sa gilid para hintayin si ate dahil sasamahan niya raw akong papirmahan iyon sa registrar.

Paano ko ito ipapakita sa kaniya? Hindi ako nakabawi e. Tatlong subject agad ang bagsak ko at iyong iba ay tres. Katagalan, hindi ko na napigilan ang sarili ko na maluha. Humarap ako sa pader at mariing kinusot ang mga mata. Ano ang gagawin ko ngayon? First semester pa lang ito pero inulan na ako ng shooting star. Mas maigi na rin siguro ito habang hindi pa ganoon kalaki ang na-i-invest sa akin ng school. Pero kahit na . . . Saan kami kukuha ng pambayad? Renta pa lang sa dorm magkano na.

"Jackson." Nanigas ako sa kinatatayuan ko ng marinig ko ang boses ni ate. "Nasaan na ang grade slip? Patingin nga ako." Hindi ako makatingin sa kaniya nang diretso habang inaabot iyon. "Susmaryosep!" Sa lakas ng pagkakasabi niya, pati iyong guard at ilang dumadaan ay napatingin sa kaniya. "Ano ito?" Bakas ang pagiging problemado at pagkadismaya sa boses niya.

"Grade slip," pilosopo kong sagot sabay tawa.

"Ano ang nakakatawa?" Salubong pa rin ang kilay niya.

"Ano ang gusto mo, umiyak ako rito? Huwag. Saka na lang kapag wala ng tao."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon