Kabanata 18

2.2K 175 7
                                    

Kabanata 18.

TINANGGAP KO NA 'yung sinasabi ni ate. Hindi ko alam kung ginawa ko lang ba ito para wala na siyang masabi o gusto kong gamitin ang pagkakataon na ito para subukan iyong sinabi niyang pagbutihin ang sarili ko para sa akin mismo. Bahala na. Baka malaman ko rin sa pagdaan ng panahon. Ang hirap maging hindi sigurado sa lahat ng bagay. Kita mo nga hindi ako sigurado kung ano ang mangyayari at gagawin ko sa buhay ko e.

"Nasa Manila ba talaga tayo?" tanong ko.

Ang alam ko kasi sa Manila ay abalang siyudad: Maingay, maraming tao at magulo. Pero bakit ito parang kabaliktaran yata? Ibang-iba ito sa napuntahan ko noong nag-take ako ng entrance exam.

"Bababa ba tayo kung hindi?"

Ilang minuto kaming naglakad hanggang sa narating namin ang isang napakalaking eskuwelahan. Nakaimprenta sa malaki't kulay brown na signage na nakadikit sa light colored bricks ang mga letrang binubuo ang salitang Saint Joseph's University at sa magkabilang foundation ng entrance ay makikita ang logo ng school.

"Sa admission's office po." Ipinakita ni ate and I.D niya at agad naman kaming pinapasok ng guard.

Sa loob, mas lalo pa akong humanga. Ngayon lang ako nakakita ng ganito kagandang eskuwelahan. Para akong nasa ibang bansa. Ang lawak ng paligid at maraming puno ang nagbibigay-lilim. Pero kung may pinakatumawag man sa pansin ko, iyon ay ang Balayong tree na nakatayo sa likod ng park bench. Nakakita na ako nito sa balita pero hindi ko akalain na ganito pala ito kaganda sa personal. Parang cherry blossom talaga.

"Para akong nasa Japan a . . ." komento ko.

Mayroon ding malaking fountain sa gitna na may tatlong layer. Sa pinakataas ay nakaukit ang estatwa ni Jesus at sa baba naman ay ang mga anghel hawak ang kanilang lyre at trumpet. Sa tapat lang din no'n, bandang likod ay nakatayo ang malaking simbahan na patulis ang bubong at may krus sa itaas.

"Bunganga mo, Jackson, baka mapasukan ng langaw," agaw ni ate sa atensiyon ko.

"Bakit, may langaw ba rito?" Matulin akong pumiksi ng akmang babatukan niya ako. "Pero seryoso nga, dito ka talaga nag-aaral? Ni sa panaginip hindi ako nakakita ng ganitong klase ng eskuwelahan. Masiyado itong malaki at maganda."

"Paano ka mananaginip ng mga tungkol sa eskuwelahan e tamad kang mag-aral." Sabi ko nga. "Umayos ka, nandito na tayo." Tatlong katok ang ginawa niya bago pumasok sa loob. "Magandang araw po, Ma'am Concepcion."

Nakita ko ang isang may edad na babaeng nakasalim, nakasuot ng puting ¾ sleeve polo, pencil cut skirt na hanggang ibaba ng tuhod ang haba, at nakasuot ng itim at may takong na sapatos na inaayos ang patong ng mga papel.

"Jersey! What brought you here? Hindi ba next month pa naman ulit ang start ng class mo?" tanong ni Ma'am Concepcion bago bumaling sa akin. "And who's that boy? Is he your brother?"

"Yes po, ma'am." Pasimple akong kinalabit ni ate kaya ipinakilala ko ang sarili ko.

"M-magandang araw po . . . Ako po si Jackson Alonto, kapatid ni Ate Jersey." Alangan akong tumawa.

Tumango-tango siya. "I see . . . Nandito ka para mag-apply sa scholarship, tama ba?"

"Yes po, ma'am." Pakiramdam ko napakagalang ko ngayon.

"I assume na nabanggit na sa iyo ng ate mo na ang scholarship na ito ay open lang for engineering courses."

Halos nakanganga na akong tumingin kay ate. Hindi niya sinabi sa akin. Pinandilatan niya ako ng mata kaya nagkakamot ng batok kong sinagot si Ma'am Concepcion, "O-opo . . . ."

"Since kilala ko naman na ang ate mo, wala na akong masiyadong itatanong sa iyo. Just fill out this form na lang and later on, I will discuss the details na kailangan mong malaman."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon