Kabanata 50

931 59 0
                                    

Kabanata 50.

PAGKATAPOS NG KLASE KO, dumiretso ako sa hospital kung nasaan si Jordan at naabutan ko naman siyang nasa hospital bed at nagbabasa ng libro. Nakaka-trauma ang hospital. Sa tuwing iaapak ko ang mga paa ko sa building na ito, bumabalik sa akin iyong panahon na naka-confine si mama . . . hanggang sa mawala siya sa amin. Natatakot ako.

Noong sinabi sa akin ni Jordan ang kondisyon niya, kaad kong sinearch kung ano ang ibig sabihin no'n. At ayon sa nabasa ko, hindi nag-respond nang maayos ang cancer sa unang treatment, o kaya ang treatment ay hindi naalis lahat ng leukemia cells at may mga cancer cell din na kumalat na sa ibang parte ng katawan at dahil masiyadong maliit, hindi na nakita sa mga test.

Ayaw ko ng may mawala pa sa akin. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko kung sakali. Tama na iyong dalawa. Bukod sa masiyado na iyong masakit, hindi ko pa rin iyon natatanggap. At hindi ko sigurado kung matatanggap ko ba talaga iyon. Mabigat iyon e. 'Yung sakit na dala no'n ay hindi lang gaya ng makirot na sugat na paglipas ng ilang araw ay mapapawi. Hindi na iyon mawawala. Palagi ko iyong dala kahit nagpapatuloy ako na para bang ayos lang ang lahat. Huwag na sanang madagdagan.

"Nagdala ako ng pares mami na luto ni Nanay Beth. Hinahanap ka na nga niya e." Umupo ako sa gilid niya. "Kainin mo na habang mainit-init pa."

Mayamaya ay dumating si Patricia kasama si Simon. Nagsalit-salit ang tingin ko sa kanila saka bumati at ngumiti.

Inilapag ni Simon ang dala nilang prutas sa lamesa. "Hindi na ako nagulat na nakita kita rito. Naikuwento sa akin ni Cleo ang mga nangyari . . . Ang liit talaga ng mundo, 'no?"

"Oo nga e," pagsang-ayon ko sa sinabi niya. "Ang liit talaga."

Mayamaya lang, dumating na rin si Tita Margarita. "O, it's nice to see you here," bungad niya sa amin. "Kanina pa ba kayo?"

"Hindi naman po, halos kararating lang din namin." At nagkuwentuhan kami patungkol sa iba't ibang bagay.

Lumipas ang mga araw at linggo, nanatili sa hospital si Jordan samantalang ako naman ay nagpapatuloy sa pagpasok at pagsagot sa walang katapusang exam na halos sunod-sunod ibigay ng mga prof. Hindi ba sila napapagod mag-check?

"How's school?" tanong niya.

"Kinukumusta ka no'ng mga kaibigan mo roon. Kung mahahanapan daw nila ng mahaba-habang oras, bibisita sila ulit."

Lalong bumagsak ang katawan niya at nakalbo na rin dahil sa muling pagsailalim sa chemotherapy. Gusto kong umiyak. Bukod sa nasasaktan ako para sa kaniya, bumabalik talaga sa akin ang situwasiyon noon ni mama. Hindi ko maiwasan. Hindi ko mapigilan. Paulit-ulit. Araw-araw sa tuwing binibisita ko siya. Hindi ko gustong makita siya sa ganiyang kalagayan . . . At lalo namang hindi ko gustong sapitin niya ang katapusan na sinapit ni mama.

"Wala na ako sa tabi mo para alalayan ka," kapagkuwan ay nagsalita siya sabay sandal sa higaan niya. Hindi siya nakatingin sa akin dahil ang mga mata niya ay nakapako sa labas ng bintana. "Better do your best in everything."

"Ano ba ang pinagsasabi mo? Gagaling ka pa naman ulit. Kung nanalo ka noon, siguradong mananalo ka ulit ngayon." Hindi lang siya ang pinalalakas ko ang loob. Pati na rin ang sarili ko.

Humarap siya sa akin. "Is that what you think?"

"Oo." Nawala na sa akin si mama at si Buboy. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko kung pati siya. Hindi pa rin naaalis sa akin ang sakit ng mga iyon, huwag na sanang madagdagan.

"Pero paano kung hindi na?" Pumintig ang ulo ko dahil sa sinabi niya. Paano kung hindi na?

Pinilit ko ang sarili kong tumawa para ikubli ang takot. "Hindi puwede iyon. May usapan tayo na sabay tayong ga-graduate, hindi ba? Ikaw si Jordan kaya siguradong makakahabol ka kaagad paglabas mo rito."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon