章节-16

128 5 4
                                    

Tahimik lamang ang lahat habang hinihintay namin ang sasabihin ng imperyal na doktor tungkol sa kalagayan ni Yunxi. Nakaupo naman si Zaijun sa tabi nito habanh nakahawak sa isang kamay ng kanyang konsorte upang ipaalam na ayos lamang ito sa kanyang tabi. Nakaupo naman si Lian sa tabi ni Zaijun at hinihintay rin ang sasabihin ng imperyal na doktor na base sa ekspresyon nito ay para bang may nadidiskubre ito sa kalagayan ni Yunxi. Tumayo ang imperyal na doktor dahil sa gulat kaya nagtataka ring napatingin ang lahat sa kanya dahil sa kanyang inakto.

"Ano ang iyong nasuri?"tanong ni Lian at tumayo na rin upang marinig ang sagot ng doktor

Bigla namang lumapit si Yanwan sa tabi ng imperyal na doktor at lumapit rin si Luoyun sa tabi ni Lian dahil sa pagkasabik na marinig ang sagot ng imperyal na doktor. Nagseryoso ang reaksyon ni Zaijun at tumayo ito ngunit biglang napaluhod ang imperyal na doktor dahil sa takot, nanginginig ang kamay nito at pawis na pawis ito kahit na hindi naman mainit sa loob ng palasyo ni Luoyun.

"Kamahalan! patawarin ninyo ako!" umiiyak nitong pagmamakaawa

"Sabihin mo, ano ang iyong nakita sa aking pulso?" nanghihinang tanong ni Yunxi at kitang kita rin sa mukha nito na kinakabahan siya sa maaaring isagot ng imperyal na doktor

"K-konsorte Huang..patawarin po ninyo ako n-ngunit..w-wala po kayong kakayahang magkaroon ng anak sa inyong sinapupunan"

Napaatras si Lian sa kanyang narinig ngunit kaagad siyang inakalayan nila Luoyun at Yanwan na hindi rin makapaniwala. Paulit-ulit na lumuhod habang umiiyak ang imperyal na doktor umaasang maligtas ang kanyang buhay. Hindi nagsalita si Zaijun at nanatili lamang itonh nakatayo habang nakatingin sa kawalan bago ito tumingin kay Yunxi na umiiyak na ngayon habang nakahawak sa kanyang tiyan. Nasasaktan siya sa sinapit niyang ito ngunit mas nasasaktan siya sa katotohanang hindi siya nito mabibigyan ng anak. Dahan-dahang tumayo si Yunxi at kahit natutumba ito ay inalalayan naman siya ng kanyang personal na tagapagsilbi at lumapit ito kay Zaijun na lumuluha.

Ngumiti naman ng mapait ang emperador at niyakap ito, ngunit pagkatapos ng limang segundo ay dahan-dahan siyang kumalas at naglakad na paalis mula sa palasyo ni Luoyun habang nakasunod ang mga tagapagsilbi at yunuk nito, nagbigay galang silang lahat sa pag-alis ni Zaijun. Hindi mawari ni Lian kung ano ang kanyang gagawin bilang emperatris, siguradong masakit at mahirap itong tanggapin para kay Yunxi lalo na at isa itong konsorte ng emperador, na ang pangunahing tungkulin nila ay ang makapagbigay ng anak sa emperador.

Napaupo si Yunxi dahil sa bigat ng kanyang nararamdaman, sobrang sakit nito para sa kanya at pakiramdam niya ay binigo niya ang pinakamamahal niyang emperador, at nawala na rin ang pangarap niyang maging isang ina. Naglakad paalis si Lian at nagbigay galang naman ang lahat sa pag-alis nito pwera kay Yunxi. Inalalayan naman ni Luoyun na makatayo ito.

"Ayusin mo ang iyong sarili. Huwag mong kakalimutan na isa ka paring konsorte ng emperador, kahit pa hindi mo siya mabigyan ng anak" naiwan si Yunxi kasabay ng pagsabi ni Luoyun sa mga salitang iyon na mas nagbigay sa kanya ng sakit

"Nabigo ko ang emperador" mahina nitong sambit bago biglang nahimatay kaya naman kaagad nila itong inalalayan

"Konsorte Huang!" nagaalalang paggising ng personal nitong tagapagsilbi sa kanya

Tumatakbong hinabol ni Mingwei si Lian na mabilis ang lakad sa mahabang pasilyo ng palasyo. Napatigil ito at napahawak sa poste ng pasilyo at napatingin sa tanawin ng buong palasyo.

Tumabi si Mingwei sa kanha at nagbigay galang bago ito kinausap. "Kamahalan, may problema po ba?"

"Kakaiba ang imperyal na harem. Hindi ko aakalaing ganito ang hirap na dadanasin ng bawat babae ng palasyong ito. Kapag ika'y nabigo sa iyong tungkuling magbigay ng tagapagmana sa emperador ay mawawalan ka na ng kwenta at ang mas malala ay mawawala ang pabor ng emperador sayo. May mga bagong darating at ang mga luma ay maiiwan na lamang sa tabi kasama ng kanilang mga ranggo na hindi na nila magagamit dahil nawala na ang pagmamahal ng emperador sa kanila" napailing si Lian habang iniisip ito

"Ngunit kamahalan, kayo po ang emperatris. Walang sino man ang makakalamang at makakatalo sainyo, sapagkat lahat kami ay nasa ilalim lamang ninyo"

"Hindi ko ninanais ang pabor ng emperador, ang nais ko lamang ay tahimik at payapang buhay, malayo sa gulo. Ngunit alam kong hindi ako makakatakas rito lalo na at ako ang pinuno ng imperyal na harem. Hindi ako naninibugho at hindi ako mapanibugho sa kung sino man ang maging konsorte ng emperador.. ngunit hindi ko maiwasang malungkot para kay Konsorte Huang, lalo na at alam ko na ang patutunguhan nito"

"Kamahalan, huwag po kayong magsalita ng ganyan. Kayo po ang iginagalang at ang ina ng bansang ito.."

Napalingon si Lian sa sinabi ni Mingwei ngunit kaagad itong lumuhod sa kanyang harapan. "Kamahalan, nakita ko po kung gaano kayo kabait at kung gaano ninyo ginagawa ang lahat ng iyong makakaya upang maging emperatris ng bansang ito, at bilang inyong mamamayan ay nais ko lamang po sabihin na maraming salamat, kamahalan"

Kumunot ang noo ni Lian dahil parang hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng tagapagsilbing ito.

"Maraming salamat?" tanong nito

"Opo kamahalan, handa ko po kayong pagsilbihan habang buhay, handa ko pong ialay ang aking buhay para sainyo kamahalan. Kayo lamang po ang unang tao na nagmalasakit saakin, sana ay tanggapin po ninyo ako bilang inyong personal na tagapagsilbi" lumuluha ngunit nakangiti niyang sambit sa harapan ni Lian

Napaiwas ng tingin si Lian ngunit naantig ang puso nito sa sinabi ni Mingwei "Hindi ko alam kung saan ako tutungo sa hinaharap, at hindi ko rin alam kung anong kapahamakan ang aking haharapin, mas makakabuti saiyo ang manatili bilang mababang ranggong tagapagsilbi" nagsimula na siyang humakbang paalis ngunit bigla siyang nagulat dahil sa biglang pagharang ni Mingwei sa harapan niya at nakaluhod parin ito

#The_Rose_In_The_Palace
#precxxious

The Rose in the Palace (Ang Ikalawang Serye)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon