章节-40

97 5 0
                                    

Dalawang araw na ang nakalipas mula noong magsimula silang maglakbay at may tatlong araw pa sila bago makarating sa Qi. Sadyang napakalayo nga ng Qi mula sa Xiang at naaalala pa ni Lian ang unang paglalakbay niya papunta sa palasyo ng Xiang. Ang akala niya ang magiging mahirap, malungkot, walang kasama at magiisa lamang siya ngunit mali siya sapagkat noong una pa lamang pala ito. Paulit-ulit pa niyang kwinekwestyon sa kanyang isipan noon kung magagampanan nga ba niya ang kanyang gampanin bilang isang emperatris ng Xiang.

Napangiti siya noong pagmasdan niya ang kanyang bagong karwahe na inihandog ng kanyang asawa, ang emperador. Napakaganda ng mga disenyo nito at talaga namang ipinagawa lamang para sa kanya mismo.

"Bababa ako ng karwahe, nais kong sumakay sa kabayo" nagtaka naman ang tagapagsilbing sinabihan niya na naglalakad kasabay ng sinasakyan niyang karwahe

Napatungo ito kaagad at magalang siyang sinagot "Ngunit Kamahalan masyado pong mainit ang panahon at nababahala po kaming kayo ay maarawan"

Napatawa si Lian "Ayos lamang iyon."

Wala nang nagawa ang tagapagsilbi noong bumaba mula sa kanyang karwahe ang emperatris na sinalubong naman ni Xiaoran na bumaba mula sa sinasakyang kabayo.

"May problema ba?"

Umiling si Lian at naglakad papalapit sa isang kabayo na lulan ng isang gwardiya at hinaplos ito. "Wala naman, nais ko lamang masubukan muli ang sumakay sa kabayo"

"Ngunit Kamahalan--"

"Alam ko, pipigilan mo na naman ako ngunit wala ka nang magagawa sa oras na ginusto ko ito" tumatawang singit ni Lian sa kalagitnaan ng pagsasalita ni Xiaoran

Hindi na nga nila mapigilan ang emperatris noong hiramin niya ang kabayong ito at kaagad na sumakay rito habang naka-alalay naman ang gwardiya na dating lulan ng kabayo. Lumingon siya kay Xiaoran at ngumisi.

"Tignan natin kung makakaya mo pa ba akong talunin sa pamamagitan ng paligsahan sa pabilisan ng pagpapatakbo ng kabayo"

Hinampas na ni Lian ang tali ng kabayo na dahilan ng pagtakbo nito ng mabilis. Mahusay naman siya sa pagpapatakbo at halos maraming beses na rin silang nagdwedwelo ni Xiaoran mula noong nag-eensayo pa silang dalawa at palagi siyang natatalo nito.

Kaagad namang sumakay sa kanyang kabayo si Xiaoran na pinatakbo na rin ito upang umabot sa emperatris na medyo may kalayuan na sa kanya. Masayang itinaas ni Lian ang isa niyang kamay na sumasabay naman sa hangin habang ang kanyang buhok ay inililipad ng hangin. Nanlaki ang kanyang mga mata noong makita niya si Xiaoran na nakaabot na sa kanya at halos magkapantay na sila kaya naman hinampas niya ulit ang kabayo upang mas bumilis ito ng takbo ngunit sadyang mas mabilis ng kaunti ang kabayo ni Xiaoran na nauna na sa kanya.

Tumigil naman sa isang puno si Xiaoran kaya binagalan na ni Lian ang pagpapatakbo sa kabayo. Ipwinesto niya ito sa tabi ni Xiaoran na tahimik na nakatanaw sa malawak na lupain.

"Heeee" pinakalma ng emperatris ang kabayo at umupo na rito ng komportable

"Hindi parin talaga kita mapantayan sa galing nang pagpapatakbo ng kabayo" ngumisi ang emperatris at inayos na ang buhok

Yumukod naman si Xiaoran sa kanyang harapan "Hinding-hindi ko po kayang higitan ang emperatris ng kaharian ng Xiang"

Napatango ng mahina si Lian at bumaba na mula sa kabayo ngunit hinaplos muna niya ito bago naglakad papunta sa mataas na parte kung saan tanaw ang lahat ng malalawak na lupain. Walang mga bahay at sadyang malawak lamang na lambak.

Hindi naman niya namalayang nakasunod na pala si Xiaoran sa kanyang likuran.

"Masaya ka ba?"

Kunot-noong nilingon ni Lian ito na diretsong nakatingin mula sa malayo. Nakita niyang seryoso ito sa kanyang tanong ngunit hindi niya maunawaan ang ibig nitong sabihin.

"Ano ang ibig mong sabihin sa iyong tanong?" tanong nito pabalik

Bumuntong-hininga siya at naglakad papalapit sa emperatris na hindi malaman ang gagawin at hinintay lamang itong makalapit sa kanyang harapan.

"Anong ginagawa mo?"

Hindi siya pinansin ni Xiaoran at inipit ang buhok niyang nililipad ng hangin sa likuran ng kanyang teynga at nilagyan ito  ng bulaklak.

Ngumiti siya na nagpatigil sa emperatris dahil ngayon lamang ulit niya makitang ngumiti ito. Hindi siya nagbibiro sapagkat ilang taon na siyang nasanay na palagi itong seryoso at tahimik lamang ngunit tila ba nagbago na ang ihip ng hangin ngayon para sa kanyang personal na gwardiya.

Nanatiling nakangiti si Xiaoran at nag-unat unat pa ng mga kamay sa hangin na para bang pagod ito sa biyahe.

"Tila ngayon lamang kita nakitang ngumiti ulit"

"Talaga?" parang inosenteng tanong ni Xiaoran at inilagay ang dalawang kamay sa kanyang beywang "Siguro nga ay masaya lamang ako" nginitian ulit niya si Lian bago naglakad paalis

Napailing si Lian at napatawa ng mahina "Anong kayang nakain niya at ganun siya umakto ngayon"

Kagaya ng paglipad ng ipon ay siya namang kabilis nang paglipas ng oras. Inutusan kasi ni Lian ang mga gwardiya at tagapagsilbi na huwag na munang magpahinga ng isang gabi upang mas mapaaga ang kanilang pagdating sa Qi at doon na lamang sila magpahinga ng mahabang oras hangga't naisin nila.

Sinalubong ng mga batalyon ng mga kawal ang emperatris sa tarangkahan sa papasok sa Kaharian ng Qi ayon sa utos ng emperador ng Qi. Sinundo nila ito at inihatid mismo sa loob ng palasyo.

Namalayan na lamang ni Lian na pinagtataksilan na naman siya ng kanyang mga luha noong napagtanto niyang umiiyak na siya ngayon pagka-kita palang sa kanyang ina at kapatid na naghihintay sa imperyal na korte ng Qi. Tumakbo si Lian papalapit sa ina at niyakap naman siya ng ina nang mahigpit na lumuluha rin dahil sa sabik na makita ang anak pagkatapos ng ilang buwan ng hindi pagkikita.

Pagkatapos makayakap ang ina ay hinarap naman niya ang kapatid at yumukod sa harapan nito.

"Malugod na pagbati saiyo, Kamahalan" masaya niyang pagbati

"Ikinagagalak kong makita kang muli, aking kapatid, Lianfei."

#TheRoseInThePalace
#precxxious

The Rose in the Palace (Ang Ikalawang Serye)Where stories live. Discover now