章节-54

101 5 4
                                    

Now Playing - Here I Am (Jo Hyun Ah)

Nakumpirma na nga niyang totoo ang sinabi ni Luoyun sa kanya. Bago pa makalapit ang emperador sa kanyang direksyon ay kaagad na siyang tumakbo at nagtungo sa kanyang palasyo. Pagkarating sa Xianfu ay kaagad niyang hinahanap ang istante kung saan nakatago lahat ng mga liham na ipinapadala sa kanya ng kanyang mga magulang. Sinuri niya ang bawat isa at tinignan ang bawat petsa ng liham kung kailan ito naipadala sa kanya at ang huling petsang kanyang nakita ay noong Agosto 8 pa lamang.

Napaupo siya sa kanyang upuan dahil napagtanto niyang kaya pala hindi na nakakapagpadala. Bigla siyang sumigaw at ibinato ang mga sulat at napaupo sa sahig habang umiiyak.

"Zaijun..isa kang taksil" isinambit nito sa hangin bago dahan-dahan niyupi ang isang sulat kasabay ng pagtulo ng mga luha niya sa lupa

Sa ilang buwan na akala niya ay pagmamahal ang lahat, sa mga araw na sila ay nagkasama, sa mga panahong sila ay nagtatawanan, sa mga oras na magkatabi sila..ngayon lamang niya napagtantong hindi pala ito pagibig. Kundi isang hakbang upang linlangin siya, para bang hagdan na isa-isa mo munang aabutin bago mo maabot ang itaas. Naging mangmang siya sa pagtitiwala at pagaakalang totoo lahat ng mga nangyari sa pagitan nilang dalawa kung ang intensiyon palang pala nito ay ang gamitin ang kanilang kasalan upang masakop ang kanyang kaharian.

"Paano mo ito nagawa sakin?" hagulgol ng emperatris habang nakahawak sa kanyang dibdib

Papaano nga ba ang magtiwala? at papaano mo nga ba malalaman kung mapagkakatiwalaan nga ba ang taong iyong nais pagkatiwalaan? papaano mo nga rin ba malalaman kung pagibig na nga ba o isang pagpapanggap lamang?

Maingat niyang tinanggal ang korona sa kanyang ulo. Napatawa siya habang tinitignan ang bawat disenyo nito habang tumutulo ang mga luha sa mga diyamanteng naka-ukit rito.

"Ang kanyang pagbabalik..ang siyang hudyat ng pagbagsak Qi"

Hindi niya maintindihan kung ano nga ba ang tunay na naganap sa kanila ng emperador. Nais niyang baguhin ang mga saloobin tungkol kay Zaijun, na sana ay mali ang kanyang akala at kung sana ay wala siyang nakita kanina. Sana ay hindi na lamang siya lumabas at nanatili sa tabi ng kanyang anak.

Kaagad siyang nagsulat ng liham at ipinadala sa kanyang mga magulang upang bigyan sila ng babala tungkol sa paglusob ng nga hukbo ng emperador. Sapagkat nangangamba siyang hindi makakligtas maging ang mga magulang niya sa oras na nakapasok ang mga hukbo ng Xiang sa sentro ng Qi at makapasok ang mga ito sa palasyo.

Sa loob ng apat na buwan ay segundo, minuto at oras na umabot sa ilang linggong paghihintay ang ginawa ni Lian ngunit kahit ni isang sagot ay wala siyang natanggap galing sa Qi. Hanggang ngayon ay pinanghahawakan parin niya ang pangako sa kanya ni Zaijun na panatilihing ligtas ang kanyang mga magulang anuman ang mangyari kahit pa alam niyang mukhang malabo na itong mangyari dahil sa kanilang sitwasyon.

Tahimik na nakatayo sa harapan ng kanyang palasyo ang emperatris. Malalim na ang gabi at tahimik ang paligid. Hinahangin ang mahaba niyang buhok na mas pinili niyang ilugay ngayong araw. Nakasuot rin siya ng manipis na bistida kahit pa alam niyang panahon parin ng taglamig at nababalutan ng niyebe ang bawat sulok ng kanyang palasyo. Nagmumukha na siyang manhid dahil sa kanyang kalagayan na balewala sa kanya ang tindi ng lamig na nadarama. Para siyang isang baliw na hindi malaman kung ano nga ba ang kanyang ginagawa at hinihintay sa labas, ang pagbabalik ng kanyang asawa mula sa digmaan? o ang paghihintay sa balita kung ano na ang nangyayari sa Qi?

Hawak-hawak niya sa kanyang kamay ang bagong liham na kakapadala lamang sa kanya ng emperador. Nakailang sulat na rin sa kanya si Zaijun pero kahit ni isang sagot ay wala siyang ipinadala. Dahil bukod sa hindi nito alam ang sasabihin ay hindi rin niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. Ninanais niya na sana ay ligtas ang kanyang mga magulang mula sa mga hukbo ni Zaijun ngunit hinihiling rin niyang sana ay maayos lamang ang kalagayan nito habang nakikipaglaban siya. Ang kanyang asawa at ang kanyang mga magulang, nakakalito at nakakasakit sa kanyang puso't-isipan. Para siyang nahahati sa kung alin ang nais niya.

Namamanhid na ang mga kamay niya dahil sa lamig at para na siyang magyeyelo mula sa kinatatayuan niya.

"Kung sana ay nanatili na lamang ako sa Qi. Kung sana ay hindi na natuloy ang kasal, sana ay hindi ko na siya nakilala pa, na kung sana ay..isa lamang akong simpleng prinsesa na ang nais lamang ay payapa, tahimik at ang maging malaya" mahinang sambit ni Lian sa sarili

Tumalikod na ito at naglakad papasok pero nakakailang hakbang pa lamang siya ay narinig niya ang malakas na tunog ng mga trumpeta sa tarangkahan ng palasyo. Nagbukas rin lahat ng mga ilaw sa paligid at nagsilabas lahat ng nga tagapagsilbi mula sa kanilang mga kwarto at tumingin sa paligid.

"Ang tunog na ito.." kaagad na naglakad palabas ng kanyang palasyo ang emperatris

"Nagtagumpay ang emperador! nagtagumpay ang Xiang!" tumatakbong sigaw ng ilang mga gwardiya papunta sa mga sulok upang ianunsyo ang balita

Napako sa kanyang kinatatayuan ang emperatris at hindi malaman ang gagawin. Nagtagumpay na nga ang Xiang mula sa Qi.

"I-ibig sabihin ay nasakop na ng Xiang ang Qi..hindi...h-hindi ito tama" nanginginig ang kanyang mga kamay habang umiiyak at umiiling "Hindi!" umupo siya at tinakpan ang kanyang dalawang teynga upang hindi niya marinig ang mga tunog ng malakas na trumpeta "Ahhhh!" sigaw niya dahil sa sakit ng puso na kanyang nararamdaman

Pakiramdam niya ay para siyang pinapatay ng mga tunog na ito. Dahan-dahan siyang natumba hanggang sa nawalan na siya ng malay sa gitna ng daan. Nababalot ang kanyang katawan ng mga niyebe hanggang sa makita siya ng ilang mga gwardiya at buhatin papunta sa kanyang palasyo.

Dire-diretsong naglakad papasok sa palasyo ng Xianfu ang emperador. Nakangiti niyang binuksan ang pintuan ng sala patungo sa pintuan ng silid ng emperatris na nais na niyang makita. Pagkapasok sa silid nito ay kaagad niya itong hinanap na nakita naman niyang nakatalikod mula sa kanya at nakaharap sa kama nito. Madilim ang buong silid at tanging ang ilaw lamang na nanggagaling mula sa bintana ang nagsisilbi nilang ilaw.

Masayang lumapit si Zaijun kay Lian at humarap sa kanya bago siya yakapin ng mahigpit. Nakapandamit pandigma pa ito at dumiretso na ito kaagad sa palasyo Xianfu pagkarating na pagkarating palang nila sa palasyo galing sa labanan. Nakabalot rin ng tela ang braso nito na dumudugo pa lamang dahil sa sugat mula sa palaso habang sila ay nakikipaglaban.

"Habang nasa kampo ako ay ikaw lamang ang laman ng aking isipan, aking emperatris"

Nanatili sila sa ganoong posisyon ng ilang segundo hanggang sa pumatak na ang mga luha ni Lian habang nakapatong ang ulo niya sa balikat ng emperador na sabik na sabik siyang makita. Dahan-dahan nitong itinaas ang hawak niyang kutsilyo.

"Mahal na mahal kita, kamahalan"

#TheRoseInThePalace
#precxxious

The Rose in the Palace (Ang Ikalawang Serye)Where stories live. Discover now