章节-53

106 4 4
                                    

Simula na ng panahon ng taglamig, ang buwan ng Nobyembre. Nababalot ng mga niyebe ang buong palasyo. Mabuti na lamang at nakapaghanda na ang bawat palasyo bago pa dumating ang buwan ng Nobyembre.

Nakasuot ng makapal na roba na gawa sa balahibo ng hayop ang emperatris na ipinagawa niya mismo sa departamento ng panahian at maging ang munting prinsipe at pinagawan rin niya. Tahimik niyang pinapatulog ang prinsipe na nasa kanyanh mga bisig at tahimik na umuugong upang mas makatulog ang prinsipe. Tumigil na rin ito sa kakaiyak sapagkat buong araw rin itong walang tigil sa pagiyak, marahil ay napagod na ito. Tumingin siya sa bintana at nakita niyang malapit nang sumapit ang ika-2 ng hapon.

Lumapit siya sa kuna at maingat na inilapag ang prinsipe. Tinawag rin niya ang tagapagsilbing uutusan niyang magbabantay kay Haoran habang wala siya sa tabi nito.

Dumaan muna siya sa imperyal na hardin upang pumitas ng bulaklak at pagkatapos ay dumiretso sa templo kung nasaan nakalagay ang mga abo ni Xiaoran. Nakasanayan na niya sa mga nagdaang araw ang magpunta rito at magalay ng insenso at bulaklak sa matalik niyang kaibigan at pinakatapat niyang gwardiya. Hindi man niya nasuklian ang pagibig nito ngunit alam naman niyang naiintindihan rin ito ni Xiaoran. Mabuti na lamang at pinahintulutan ng emperador ang hiling niyang ito na gumawa ng templo para sa kanya.

Namalagi siya roon ng kalahating oras bago napagpasyahang bumalik na sapagkat sa wari niya ay gising na ang prinsipe mula sa pagkakatulog.

Pero hindi niya inaasahang makasalubong si Konsorte Chun na nasa kanyang harapan kasama ang personal nitong tagapagsilbi at mukhang kakabalik lamang niya rito sa palasyo.

"Malugod na pagbati saiyo, Kamahalan" yumukod ito

"Mabuti at nagbalik ka na rin rito sa palasyo" ngumiti ng tipid si Lian

Napatango rin si Luoyun "Natapos ko na kasi ang nai-atas saaking gawain"

"Gawain?" takang tanong nito

Napangiti si Luoyun bago sinenyasan ang kanyang personal na tagapagsilbi na umalis muna at iwan silang dalawa. Nagtaka naman si Lian noong pinaalis ni Luoyun ang kanyang tagapagsilbi at tumingin ito sa paligid kung may ibang tao ba bago ito tumingin sa kanya.

"Hindi mo pa ba alam Kamahalan?"

"Ang alin?"

Napatigil ng saglit si Luoyun dahil sa sagot ng emperatris bago ito ngumiti ng tipid. "Nakakatanggap ka ba ng sulat mula sa iyong mga magulang?"

Biglang nagiba ang reaksyon ng emperatris dahil sa klase ng tanong ni Konsorte Chun. Hindi niya mawari kung bakit ganitong klase ng tanong ang kanyang tinatanong at kung bakit ito interesado rito.

"Bakit ka naging interesado sa kung nakakatanggap ba ako ng sulat o kung sa hindi?"

"Kamahalan..hindi ka ba nagtataka kung bakit wala kang natatanggap na sulat mula sa Qi? hindi ba't dapat ay nagaalala ka na ngayon sa kanilang kalagayan? sa kung ano na ang kalagayan ng iyong Kaharian?"

"Hindi ko maunawaan ang iyong mga sinasabi" naglakad na ito paalis ngunit nakakailang hakbang pa lamang siya ay napatigil na kaagad ito dahil sa narinig niyang sinabi ni Konsorte Chun

"Sa ilang buwan na wala ako rito sa palasyo ay hindi dahil binisita ko ang aking ina na nabalitaan ninyong may sakit. Ngunit dahil sa ini-utos saakin ng emperador"

Lumingon si Lian at tinignan si Luoyun na nanatiling nakatayo sa kanyang pwesto kanina. Kumabog ang puso ni Lian at hindi niya maintindihan kung bakit siya kinakabahan sa kung ano pang maaaring sabihin ni Konsorte Chun sa kanya na hindi niya magustuhan.

"Anong klaseng utos?" tumaas ang kilay ni Lian

Bumuntong-hininga ito bago sumagot "Hindi mo ba talaga napapansin Kamahalan? na kung bakit pagkapasok at pagkapasok mo palang sa palasyo ay sobrang ayos na ng pakikitungo sayo ng emperador kahit pa hindi palang kayo lubusang magkakilala? ang akala mo ba ay purong pagmamagandang-loob lamang ito na naging pagmamahal sa dulo? nakakasiguro ka bang pagmamahal talaga ang ibinibigay niya sayo ngayon ay hindi lamang awa at pansamantalang pagsinta sapagkat ikaw ang nakikita niyang mas malapit sa kanya?"

Kumuyom ang kamao ni Lian. Naglakad ito papalapit sa kanya at sinampal ito ng walang alinlangan. Gulat na tumingin sa kanya si Luoyun habang nakahawak sa kanyang pisngi bago ito ngumisi at nagseryoso.

"Isang malaking kabastusan ang iyong mga sinabi ngayon lamang sa aking harapan." matigas na sambit ni Lian

"Hinding-hindi ito magiging isang kabastusan kung katotohanan naman ito." napaawang ang labi ng emperatris at hindi makapaniwalang tinignan si Luoyun dahil sa mga kahibangan nitong pinagsasabi

"At ikaw?" natatawang tanong ni Liam "Sa tingin mo ba ay minahal ka rin ng emperador? kahit man sabihin na nating pansamantala lamang ito ay kahit na dahil naranasan ko parin ang kanyang pagsinta. Eh ikaw? hindi ba't dalawang taon ka na niyang konsorte ngunit para ka paring isang konsorteng nasa suluk lamang na hindi niya makita?"

Napatawa ng nakakaloko si Luoyun at pumalakpak bago dahan-dahang naglakad papalapit sa emperatris. "Bago mo ako husagahan ay nais mo bang malaman ang sagot sa tanong mo kanina kung anong klaseng utos ang iniatas saakin ng emperador?" nilagpasan niya ang emperatris "Itinalaga niya akong magbantay at magbigay ng ulat sa kanya sa mga nangyayari sa kampo ng kanyang mga ibo-libong batalyon sa pagitan ng Xiang at Qi." lumapit ulit ito kay Lian at bumulong "Upang atakihin ang iyong Kaharian. Ang kaharian ng Qi"

Tumawa ito ng malakas bago naglakad paalis at iniwan roon ang emperatris. Paulit-ulit itong umiling.

"Hindi..hindi ito totoo.."

Nanghina ang kanyang mga tuhod kaya naman bigla siyang napaupo sa sahig kahit pa sobrang lamig ng mga niyebeng tumama sa kanyang tuhod. Walang kahit na sino man ang taong naroon upang tulungan ang emperatris. "Hindi maaari.." pangungumbinse niya sa kanyang sarili

Ngunit kaagad siyang tumayo at tumakbo papunta sa imperyal na korte ngunit nasa bukana pa lamang siya noong makita niya ang maraming bilang ng mga sundalo na nakagilid at nakatayo ng diretso habang ang emperador ay naglalakad sa kanilang gitna at nakasunod ang ilang mga mataas na ranggong heneral sa kanyang likuran.

Nagulat siya sa nadtngan at napahawak siya sa poste ng tarangkahan ng imperyal na korte. Tumulo ang kanyang mga luha noong makita niya ang emperador na nakasuot ng damit pandigma.

#TheRoseInThePalace
#precxxious


The Rose in the Palace (Ang Ikalawang Serye)Where stories live. Discover now