章节-47

99 3 0
                                    

"K-kamahalan" tumayo si Lian at hinarap siya

Hindi niya malaman kung bakit nanginginig ang kanyang kamay sa presensya ng emperador. Sinalubong siya nito pagkalabas niya mula sa loob ng kulungan ni Xiaoran. Hinawakan siya ng mahigpit ni Zaijun sa braso at inalalayang makalabas.

"Pabalikin ninyo sa kanyang palasyo ang emperatris, marahil ay pagod na siya." nakatalikod nitong utos mula kay Lian

"Kamahalan, pakiusap. Maawa kayo kay Xiaoran" pakiusap niya sa emperador na lumingon ng kaunti lamang sa kanya

Minasahe nito ang kanyang sintido bago sinenyasan ang mga gwardiya niyang samahan ang emperatris pabalik.

"H-hindi kamahalan.. kamahalan!" sigaw ni Lian noong hilain siya palabas ng mga gwardiya at unti-unting lumalayo mula kay Zaijun na nakatayo sa harapan ni Xiaoran

Naiwan ang dalawa sa lugar na iyon. Ang dalawang lalakeng parehong may pagsinta sa iisang babae, o nararapat bang sabihin na ang dalawang lalakeng magkaagaw sa iisang babae. Kinuha ni Zaijun ang espada ng isang gwardiya sa may di kalayuan mula sa kanila na nakabantay rin. Habang naglalakad ito papalapit kay Xiaoran na nanatiling nakapikit ay hinaplos nito ang espada at kitang-kita niya rito ang kanyang repleksiyon. Marahil ay talagang matalim ito at malinis, wala pang dugo ang bumahid rito.

Isinayad niya ito sa lupa at hinayaang gumawa ito ng tunog na nanggagaling mula sa patalim ng espada. Pagkapasok nito sa kulungan ay itinapon nito ang espada bago umupo sa harapan ni Xiaoran.

"Kumusta ang pamamalagi mo sa iyong palasyo?" nakangising tanong niya

Ngunit imbes na sumagot at tumawa ng mahina si Xiaoran "Hindi ko alam na masaya pala rito, kaso nga lang mukhang nagbago noong naramdaman ko ang maitim mong presensya"

Tumawa ang emperador bago tumayo at napahawak sa kanyang baba. Tumango-tango ito at hindi nagdalawang-isip na hablutin ang kwelyo ng damit na suot ni Xiaoran at pwersahang pinatayo ito bago siya suntukin sa mukha.

Napaatras ito at napasandal sa rehas dahil sa lakas ng pagkakasuntok ng emperador sa kanya. Ngunit dahan-dahan niyang pinunasan ang dugong lumabas sa kanyang labi at ngumisi parin na para bang hindi ito natatakot kay Zaijun.

"Hindi ba dapat ay magpasalamat ka? dahil hanggang ngayon ay humihinga ka parin. Tandaan mong sa isang utos ko lamang ay maaari kong kitilin ang iyong buhay" isang suntok na naman ang inamba nito sa nanghihinang lalake na kanyang kaharap

Kahit hinang-hina ay pinilit parin nitong manatiling nakatayo. Kahit pakiramdam niya ay anumang oras ay bibigay na ang katawan niya ngunit pilit niya itong iwinawaksi dahil pumapasok ang emperatris at ang Kaharian ng Qi sa kanyang isipan. Kung bibigay siya at mamamatay siya ay papaano na ang emperatris, hindi niya nais labagin ang kanyang pangako sa kanya.

"Huwag mong asahang makakaya ka pang tignan sa mga mata ng emperatris sa oras na m-malaman niyang ikaw mismo ang kumitil sa buhay ko" umubo ito

Seryosong inayos ng emperador ang kanyang damit. Ang damit na isang palatandaan na siya ang kataas-taasan at kagalang-galang na emperador ngQi na siyang mamumuno sa lahat ng Kaharian pagdating ng araw. Kaya niya at handa niyang gawin ang lahat para kay Lian, handa niya rin itong tiisin at hintayin ngunit hindi sa sitwasyong ganito.

Sa kanya lamang ang emperatris. Magmula noong araw na sila ay ikinasal hanggang sa oras na ito at magpakailanman. Hindi ito maaaring tumakas mula sa kanya.

"Ipunin mo na ang mga natitirang lakas mo sa iyong katawan habang may katiting ka pang pagasa. Dahil baka sa susunod ay kaluluwa mo na lamang ang tanging madadatnan ni Lian."

Pagkalabas nito ay mabilis na isinarado ng gwardiyang nagbabantay ang kulungan na nakabalik mula sa paghahatid sa emperatris.

Hindi mapakali si Lian at palakad-lakad ito sa harapan ng kanyang lamesa. Nagaalala at nagiisip ng malalim kung ano na ang nangyari kay Zaijun at kay Xiaoran. Nangangamba itong baka magbitiw ng nakakatakot na utos ang emperador sa oras na hindi ito masiyahan sa mga akto at salita ni Xiaoran.

Nagkaroon na rin ito ng pagkakataoang makapag-padala ng sulat sa kanyang mga magulang sa Qi kaya naman kinuha na niya ang pagkakataong ito upang sulatan sila dahil nais niyang malaman kung ano ang kanilang kalagayan. Pasekreto niya itong iniutos sa kanyang tagapagsilbi na ihatid ito sa mismong tarangkahan ng palasyo ng dahil may maghihintay rito na kukuha sa kanyang sulat papunta sa Qi. Kahit pa pinagbawalan siya ni Zaijun ay ginawa niya parin dahil labis na siyang nagaalala sa kanyang mga magulang.

Sigurado rin siyang alam na ni Zaijun ang binabalak ng kanyang kapatid na pagatake rito sa Xiang ngunit ang ipinagtataka niya ay kung bakit walang balita o ulat ang nakakarating sa kanya na dapat ay siya rin ang unang nakakaalam bukod sa emperador sapagkat siya ang emperatris.

Naputol ang kanyang pagiisip ng malalim dahil sa pagtawag sa kanya ng malakas ng isang tagapagsilbi na nanggaling sa ibang palasyo. Pawis na pawis ito na halatang kagagaling lamang sa pagtakbo ng malayo para lamang makarating sa palasyo ng Xianfu.

"Kamahalan! Kamahalan!"

"Ano ang problema?" naglakad papalapit sa kanya si Lian

"Kamahalan manganganak na po si Konsorte Han at kayo po ang hinahanap niya!" nagmamakaawang pakiusap nito na pumunta na roon ang emperatris

Naguguluhan siya "A-ano b-bakit ako? nasaan ang emperador?"

"Kamahalan hindi ko po alam. Ngunit pakiusap po..sana po ay pakinggan ninyo ang pabor ng aming binibini" umiiyak nitong pagmamakaawa at lumuhod sa harapan ng emperatris

Sumakay na sa kanyang palanquin ang emperatris at mabilis na nakarating sa palasyo ni Yanwan. Nakikita niyang naroon si Konsorte Wei at ang kanyang mga tagapagsilbi maging ang yunuk ng emperador ngunit hindi niya nahanap si Zaijun.

"Nasaan ang emperador?" tanong ni Lian kay Jiangchun

"Papaunta na rin po rito, Kamahalan" magalang nitong sagot

Hindi na niya pinansin si Konsorte Wei na nasa tabi niya at dumiretso na sa loob ng silid ni Yanwan ngunit nagulat siya noong bago pa ito makapasok ay bigla siyang hinarang ng mga tagapagsilbi ni Mingwei na nagbabantay sa pintuan.

Seryosong hinarap ni Lian si Mingwei na tahimik na nakatayo at para bang kalmadong-kalmado ito. "Hindi mo na ba ako niretespeto Konsorte Wei?!" sigaw ni Lian

Nagulat ang lahat sa ginawa ng emperatris na nagpatahimik sa lahat at ang tangi lamang maririnig ay ang nahihirapang pagsigaw ni Konsorte Han sa loob ng kanyang silid dahil sa hirap sa pagsilang sa kanyang anak.

"Kamahalan, hindi po maaaring pumasok ang kahit na sino mang tao sa loob ng isang nanganganak na tao maliban lamang sa kumadrona at katulong nito. Mapa-konsorte, kahit ang emperador o kahit pa ang emperatris." kumpiyansa niyang sagot

"Ako ang emperatris. Ako ang asawa ng emperador at ang ina ng kahariang ito." madiin nitong sambit "Ngayon, sabihin mo kung ano ang bawal na wala sa aking kakahayang kontrolin?"

"Inuutusan ko kayong hawakan at ikulong ang sino mang tagapagsilbi o kahit sino pa man na magtatangkang pigilan ako sa pagpasok sa silid ni Konsorte Han."

Inis at hindi makapaniwalang tumingin sa kanya si Yanwan. Tumalikod na siya at tinignan ng masama ang mga tagapagsilbing humarang sa kanya kanina lamang.

#TheRoseInThePalace
#precxxious

The Rose in the Palace (Ang Ikalawang Serye)Место, где живут истории. Откройте их для себя