Chapter 55

39.7K 1K 163
                                    


"We have to set ourselves free for us to be truly happy. Bitawan na lahat ng galit, lahat ng lungkot, lahat ng masamang nangyari. We have to let go of all the emotions holding us to happiness if we wanted to be truly happy."

Nilingon ko si Mark Marru na nakatingin sa akin ngayon. Nandito ulit kami sa burol, pinapanood ang mga ibong malayang lumilipad sa kalangitan, dinadama ang malamig at malamyos na simoy ng hangin, ang banayad na sikat ng araw, ang mga kakahyuan sa ibaba at mga bundok sa kalayuan.

Nandito ulit kami sa lugar kung saan nakakaramdam kami ng kapayapaan.

Kinuha ko ang isa sa mga dala niyang pagkain na hinanda niya ngayong ikadalawanpong taong gulang kong kaarawan.

"Mahahanap ko lang ang kasiyahan pag nakamit na namin ang hustisyang para sa amin." Nakangiti kong sambit sa kanya, pilit na pinapagaan ang paligid na bumibigat na naman dahil sa sinambit niya.

Paborito kong lugar ito, araw ko ngayon, ayokong malungkot. Pero kahit siguro araw ko ngayon, kahit na nasa payapang lugar ako ay hindi talaga ako lalayuan ng realidad.

Ibinaba ko ang hawak kong pagkain dahil bigla na lang akong nawalan ng gana.

Hanggang kailan ba ako dadalhin ng pakikibaka sa karapatan namin? Hanggang kailan ko ba isusulong ang hustisyang inaasam? Sa totoo lang, hindi ko na alam. Habang patagal ng patagal, habang nadaragdagan ang edad ko ay mas lalong lumalakas ang kagustuhan kong ibalik ang nawala naming reputasyon, linisin ang pangalan namin sa maling paratang ng lahat.

Pero bakit ganoon? Bakit ang hirap? Bakit ilap sa amin ang hustisya, ang lahat? Bakit hindi kami pinapaburan ng mundo? Ganito ba kahirap ipaglaban ang alam kong tama? Nakakapaos nang sumigaw.

Nilingon ko ang katabi ko.

Pinagmasdan niya ako saglit at maya-maya ay hinila sa isang yakap. Niyakap ko siya pabalik.

"Patawad kung hindi ako matahimik. Patawad kung hindi ko kayang gawin ang sinasabi mo, ang palayain ang lahat para tuluyang lumigaya. Hindi ko kayang maging masaya habang nakikita ko ang pamilya ko na inaalipusta at minamaltrato, hindi ko kayang maging masaya sa kaalamang hindi matatapos ang paghihirap namin kung walang puputol sa kamaliang ibinato sa amin, kung walang makikipaglaban sa aming karapatan. Hindi ko kayang ngumiti at tuluyang maging masaya."

Naramdaman ko ang banayad na pagdampi ng kanyang mga labi sa aking buhok. "Naiintindihan ko, handa akong maghintay hanggang sa makamit mo ang hustisyang nararapat sa inyo. Handa akong maghintay."

Bahagya akong lumayo sa yakap niya at ngumiti.

"Maraming salamat Mahal."

"Maligayang kaarawan, araw-araw kitang mamahalin tandaan mo yan."

Isang ngiti ang sumilay sa labi ko dahil sa narinig at mahigpit siyang niyakap.



"Anak, pagbuksan mo kami ng pinto ng iyong ama. Nandito si Mark hinahanap ka, ano bang nangyayari sa iyo? Mag iisang linggo ka nang nagkukulong sa iyong silid. Anak may problema ba? May dinaramdam ka ba? Maaari mo kaming kausapin, papakinggan ka namin."

Hindi... hindi ko kaya.

Patuloy ang pagagos ng luha ko habang pinapakinggan ang sunod-sunod nilang pag katok sa aking silid.

Hindi ko sila kayang pagbuksan, hindi ko sila kayang harapin na ganito ang aking ayos, sa ganitong estado, na ganito na ako...

Mas lalo kong ipinulupot sa katawan ko ang makapal na kumot at isiniksik ang sarili sa pinakasulok ng aking silid. Impit na humikhibi, pinipilit na huminga ng maayos habang walang tigil ang agos ng luha.

Tale Of Lucy NakaharaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon