CHAPTER 48

1M 42.4K 120K
                                    

CHAPTER 48

WALANG HINTO ang pag-iyak ko habang nasa ambulansya kami sakay si Maxwell. Mabuti na lang at pare-pareho kaming medical professionals, kahit papaano ay alam namin ang gagawin. Pero iba pa rin pala talaga kapag mahal mo na sa buhay ang nasa ganoong sitwasyon. Nakakatakot, nakakakaba, nakakapraning na para bang hindi mo alam kung ano ang tamang gawin para matulungan sila. Nagblangko ang isip ko kanina, pero ganoon kapopropesyonal ang mga kasama ko. Na sa kabila ng paghihisterya ko ay kalmado nilang naasikaso si Maxwell. Ganoon kabilis nakatawag ng emergency si Katley, wala pang limang minuto nang sumugod ang ambulansya. Naagapan agad ni Keziah ang dumurugong ulo ni Maxwell bagaman nahirapan siya dahil nakakatuliro ang pagtitiis nito sa tinamaang kamay. Si Randall ay nagawang itali si Rembrandt nang hindi na ito makawala. Dinakip ng mga pulis si Rembrandt at tanging manager ng restaurant ang sumama para magbigay ng statement.

Kalmado na si Maxwell, ang isang kamay ay nakatakip sa mata at noo na animong sa ganoong paraan matitiis ang dinaramang sakit. Kami lang ni Katley ang naroon dahil iminaneho nina Randall at Keziah ang kani-kaniyang mga sasakyan pasunod sa amin.

"Maxwell," mukha akong sirang plaka, tawag nang tawag habang umiiyak. "I'm so sorry,"paulit-ulit ko ring sinabi.

Panay ang hikbi ko nang panoorin ko ang kamay niyang kunin ang kamay ko. Tiningnan ko ang mukha niya at muling naluha nang makitang payapa lang ang pagkakapikit niya.

"'Wag kang matutulog," umiiyak na namang sabi ko.

"I'll be fine," mahinang aniya.

Inilapit ko ang mukha ko. "'Wag ka matulog, please?"

Mas hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kamay ko kaya gumanti ako. Inilapit ko ang kamay niya sa pisngi ko saka inilapit sa labi.

"Maxwell..." 'ayun na naman ang pag-atungal ko.

Kung gaano ako kabilis kumilos sa operating room at ward para sa ibang tao, gano'n naman ang bagal ko nang mailipat ng stretcher at itakbo sa emergency room si Maxwell. Doon namin siya dinala sa ospital kung saan kami nagtatrabaho. Bukod sa iyon ang pinakamalapit ay kompleto ang kagamitan doon. Kahit alam ko na ang mga dapat at hindi dapat gawin ay ipinilit ko pa ring silipin si Maxwell. Kinailangan akong hilahin at yakapin ni Katley para hindi ko na maabala ang mga umaasikaso sa kaniya.

"Pakipirmahan na lang, ma'am," anang nurse, hindi ako kilala niyon. Pero kilala nila si Katley at napamilyaran si Maxwell na nagse-seminar doon.

"Where is he?" nangibabaw ang tinig ni Randall, kasunod niya si Keziah.

Hinagod ni Keziah ang likod ko. "Doon na muna kayo sa labas."

"Si Maxwell," umiiyak kong sabi.

Bumuntong-hininga siya. "Hindi siya pababayaan dito, kumalma ka."

Sa halip na sundin siya ay muli kong sinulyapan si Maxwell. Pero hindi ko pa man nakikita nang lubos ang ginagawa sa kaniya ay sinarhan na ang kurtina. Lalo akong naiyak nang tumalikod at nagpaakay kay Katley palabas.

"He's going to pay for this," lumuluha kong sabi nang iupo ako ni Katley.

Hindi siya nakasagot. Sa halip ay paulit-ulit niyang hinagod ang likuran ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang magkagano'n.

"Kasalanan ko 'to, eh," nagsisising sabi ko.

"Hindi mo kasalanan na na­­buang imuhangex, 'oy," malumanay niyang tugon, nang-aalo.

Umiyak ako nang umiyak, sising-sisi sa lahat ng katangahan. Pero kahit anong pagsisisi ko, kahit ilang beses akong humingi ng tawad, kahit manuyo ang lahat ng luha ko, hindi ko na maibabalik ang mga 'yon. Nasaktan na si Maxwell nang paulit-ulit at kahit anong galit ang maramdaman ko ay hindi ko na mababago ang ginawa ni Rembrandt sa kaniya.

LOVE WITHOUT LIMITSWhere stories live. Discover now