28: Pamamaalam

40 4 0
                                    

[Kabanata 28: Pamamaalam]

Verona Valdecisimo

🌹

"HUWAG mo kaming iwan! Anak!" Niyuyugyog ni ina ang aking kapatid habang kalong-kalong niya ito. Parang nabuhusan ako ng ilang balde ng malamig na tubig at bigla na lang nanigas ang aking buong katawan. Hindi ko rin namalayan na gumuguhit na ang aking mga luha sa aking pisngi. Hindi ito maaari!

"K-Kasalanan ko 'to! H-Hindi ko agad nadala rito si Doktor Clyde!" pagsisisi ko. "W-Wala kang kasalanan, anak ko! Huwag mong sisihin ang 'yong sarili!" wika ni ama, na lumapit sa'kin dito sa pinto. Napansin ko na mangilid-ngilid na ang kaniyang luha pero pinipigilan niya ito sa pag-agos.

"Anaaaakkk koo, ohh!!!" Hagulgol ni ina, habang kalong-kalong pa rin niya ang namumutla at wala nang buhay na katawan ng aking kapatid. Ang daya mo kapatid! Ni hindi man lamang kita makikitang lumaki! Hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataon na mabuhat ka! Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na maging ate mo! Paano na 'yan! Paano na kami nito! S-sana tulungan mo kami, munti naming anghel!

🌹

KINAGABIHAN ay maraming taga Sta. Peregrina ang nagsidalaw at nakipaglamay sa 'min. Naka suot ako ngayon ng itim na itim na belo at may hawak-hawak na rosaryo. Nakalagak ang labi ng aking kapatid sa isang maliit na ataul na hugis parihaba. Balot din ng itim na damit si ina habang nakaupo sa harap at nakatingin sa kawalan. Narito kami ngayon sa loob ng bahay, nagdadalamhati sa pagkawala ng aking kapatid. Si Carla ay katabi ng aking ina. Habang si ama ay nakikisalo sa kaniyang mga amigo at padrino.

🌹

KINABUKASAN, Enero a trenta ng hapon, bandang alas-tres ng hapon ay nagkakatipon ang mga taong nakatira sa lalawigan ng Sta. Peregrina dito sa sementeryo upang ihatid si Angelita sa huling hantungan niya.

Sa ilalim ng makapal at maitim-itim na kaulapan habang ibinabaon sa ilalim ng kalupaan ang ataul na pinaglalagakan ng labi ng aking kapatid ay ang pagbabasbas ng padre sa kaluluwa niya. "Sa langit, magsasama-sama tayong muli, kapatid naming Angelita. Gabayan ka nawa ng mga anghel, santo't mga banal patungo sa walang hanggang kaliwanagan. Doon ay wala nang dusa at kamatayan. Pumayapa nawa ang iyong kaluluwa. Paalam at hanggang sa muli, kapatid naming Angelita," saka niya isinara ang kwaderno.

Inabot ng indiong padre na medyo bata pa ang agua bendita mula sa isang sakristan. Maya-maya lang ay iwinisik na niya iyon sa ataul kasabay ng pagpatak ng butil-butil na ulan. Walang sinuman ang gumalaw sa amin maliban sa padre. Sa halip, ay nakatayo lang kaming lahat sa aming mga pwesto. Nagsisimula na rin na magkaputik sa paligid. Ito na ang huling araw na masisilayan ko ang aking kapatid, ito na ang huli!

Nang iabot na kay ama ang agua bendita mula sa padre ay ang mga luha niyang hindi na mapigil sa pagbagsak. Iwinisik naman niya ito sa ataul at inihulog ang puting rosas, gano'n din si ina. Nahahabag na ako sa kaniya, parang kinukurot at sinasaksak ng ilang libong kutsilyo ang aking puso. Hindi na dapat niya ito nararanasan dahil siya'y tumatanda na. Nang iaabot na sa akin ang agua bendita ay manginig-nginig ko itong kinuha at hindi ko na napigilan ang aking sarili, napahimutok na ako sabay sabing, "B-Bakit, kapatid ko! Bakit kailangan mo kaming iwan! Bata ka pa, ih! Marami pa kaming pangarap sa'yo! Maglalaro pa tayo, ih! Magiging ate mo pa ako! Ni hindi man lang kita nakasama! P-Patawad kapatid ko! S-Salamat sa l-lahat!" Sobrang bigat na, hindi ko na kaya.

Naramdaman ko naman na niyakap ako ni ama, halos mabitawan ko na ang agua bendita pati na rin ang puting rosas.

Gusto kong maglumpasay pero hindi ko magawa dahil sa higpit ng yakap ni ama. Nahimatay naman si ina at buti na lang ay nasapo agad ni Carla si ina. Lahat ng tao ay naluluha, walang pakialam kung mabasa sila ng ulan. S-Salamat sa inyo, sa pagdamay sa aming pamilya! Ipinaramdam niyo sa 'min na hindi kami nag-iisa.

Mi Amor: Until the End ✓Where stories live. Discover now