33: Araw ng Puso-ng sawi

53 4 0
                                    

[Kabanata 33: Araw ng Puso—ng sawi]

Verona Valdecisimo

🌹

HAPAG

"Anak, huwag kang mabibigla sa aking sasabihin." Kasalukuyan kaming kumakain ng almusal ng aking pamilya. Mapanglaw ang aking mukha dahil sa nangyari kahapon. Hindi mawala-wala sa aking isip ang mga nangyari kahapon. Hanggang ngayon ay may mga kutsilyo pa ring nakatarak sa aking puso na nagdudulot ng labis na hapis at pighati. Hindi ko matatanggap na nawala na si Clyde!

"Ano po 'yon, ama?" mahinang bigkas ko, wala akong gana ngayong araw sa lahat.

"Maligayang araw ng mga puso!" Kita sa mukha niya ang kaniyang labi na nakakurba pataas at ang kaniyang mga ngipin na mapuputi.

Kapistahan ba ni San Valentin?

"Sa inyo rin po," tugon ko, sabay ngiti ng mapait. Hindi kaya ng puso ko na magsaya dahil wala na ang minsang nagpatibok ng puso ko. Ano'ng silbi ng araw na 'to?! Para ba iparamdam na pumayapa na ang dati kong pag-ibig? Para ba alalahanin lahat ng sakit at pighati ng nakaraan? Walang dulot na maganda ang araw ng mga puso!

"Nabalitaan ko na kaarawan ni Don Marciello ngayong araw. Dadalo tayo sa kanila mamaya," ganadong wika ni ama. Tumango na lang akong pilit. Siya naman kasi ang masusunod, e.

HACIENDA ALCARAZ

Dumatal kami sa kanilang hacienda pasado alas-tres ng hapon sa kalagitnaan ng tirik na sikat ng araw. Nababalutan ako ng itim na belo pati ang panyo ko ay gano'n din. Masaya nga ang araw na ito ngunit hindi ko nais na magsaya.

Nagluluksa ang aking puso sa pagdadalamhati. Napagsabihan at napuna pa nga ako ni ina pero ipinaalam ko sa kaniya ang masamang balita na wala na si Clyde—sa kaniya ko pa lang nasasabi ang nangyari. Muntik nang mawalan ng malay si ina nang maturan ko iyon at pati siya ay namighati rin. Pinayagan naman niya ako na magsuot nang ganoon at naintidihan naman niya iyon.

Magpapadala rin ako ng sulat kay Lolo at Lola Montevista tungkol sa nangyari, baka hinahanap na nila ang kanilang apo na sa ngayon ay namayapa na pala. Akala nila'y buhay pa ito—sana nga, kahit sa akala lang.

Nang makatapak na ang aming paa sa pintuan ng kanilang tahanan ay wala kaming naratnan na kasiyahan. Ni walang magagandang dekorasyon ang kanilang tahanan. Kami'y nagtaka sapagkat ang inaasahan nami'y ingay ng mga nagsasaya at nagsasayawan ngunit ang nauulinigan namin ay mga malalakas na bulyawan at sagutan na nagaganap mula sa loob nito.

Tadeo Alcaraz Punto de Vista

"IKAW TALAGANG BATA KA! BAKIT MO GINAWA IYON?!" Malakas at halos mawalan na ako ng pandinig dahil sa nakatutureteng sigaw ng aking ama na ngayo'y tila isang toro na anumang oras ay agad niya akong susugurin. Wala namang epekto sa akin ang kaniyang pagwawala kahit na umiigting pa ang kaniyang panga at magdikit din ang kaniyang mga kilay.

Mariin ko siyang tinitigan sa mata, nanlilisik ito na para bang mangangain ako ng buhay. "ANG ALIN?! ANG PAGSALI KO SA TULISANG GRUPO NA 'YON!" pagkaturan ko no'n ay 'di ko namalayan na nakapasok na pala si Don Juan at nakatikim ako sa kaniya ng malakas na suntok na nagpayanig ng aking utak, napabagsak ako sa sahig sabay hilot ng panga ko. Napansin ko rin na may kaunting dugo. Hindi na rin ako nakailag pa sapagkat nasa ere na ang kaniyang kamao.

"ANO? SINERYOSO MO TALAGA?! HINDI BA'T ISANG LARO LANG IYON?! BAKIT MO TINOTOO?!" Tila nag-aapoy na ang mukha ni Don Juan. Halos lumuwa na ang kaniyang mata pati ang panginginig ng kaniyang mga panga na lalong nagpapadagdag sa umiinit na tensyon.

Mi Amor: Until the End ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon