29: Kwaderno at Pluma

29 4 0
                                    

[Kabanata 29: Kwaderno at Pluma]

Verona Valdecisimo

🌹

NAPANSIN ko ang puting sobre sa aking bulsa. Galing nga pala ito kay Ginoong Clyde. Kinuha ko ang laman ng sobre at biglang kumalansing sa lapag ang mga barya. Hinanap ko naman 'yon at nakapulot ako ng dalawang baryang reales. Aba! Mayaman! Saka ko binasa ang kaniyang liham.

Binibining Verona,

Nais ko lang na maramdaman mo na nandito lang ako sa tabi mo, lalo't ngayong ang puso mo'y tigib ng pagdadalamhati. Handa akong maghintay, umaasang balang araw ay tutugon ka sa aking nararamdaman para sa 'yo.

Kaya ko idinaan sa paraan na ito, dahil hindi lahat ay naipahahayag ng bibig kundi naipamamagitan ng isang sulat, sulat na kung saan, nagkakaroon ako ng lakas ng loob na maipahayag ko ang aking damdamin.

Nais ko lang na ipabatid sa 'yo, bukas sa araw ng ika-tatlumpu't isa ng Enero, ay inaasahan kong ika'y dadalo sa aming kaunting salo-salo. Sana'y dumating ka sa aking kaarawan, sa Hacienda Montevista.

Alam kong malungkot kayo ngayon pero, hindi naman dapat ilugmok niyo ang inyong mga sarili sa kalungkutan at kadiliman ng buhay. Minsan, ayos na ang ilang oras o araw na tayo'y daraan sa lungkot at pighati. Marapat niyong asamin ang kaliwanagan, pag asa at ligaya.

Naalala mo pa ba, na kapag may nawawala, may bagong dumadating at nakikilala. Hindi ko hinihingi na ako'y iyong sundin. Pero isa lamang iyang payo ng isang nagmamalasakit na kaibigan. Aasahan ko ang iyong pagdalo binibini.

Nagmamahal,

~C

Halos mag ulap na naman ang aking paningin dahil sa mga namumuong luha sa 'king mga mata. Ni hindi ko na maintindihan ang aking sarili pati na rin ang aking emosyon. Masaya ako dahil nandiyan sila para sa'min. Pighati dahil sa mga kaganapan sa 'ming pamilya at ang pag asa na malalampasan namin ang mga hamong ito. Tama si Doktor Clyde, darating din ang isang umaga na kami'y babangon at muling makakamtan ang kasiyahan.

🌹

Enero 31, 1898

Masigla akong pumapanaog mula sa 'king silid. Alas-singko pa lang ng umaga at talagang sinadya ko ang pagkakataon na ito.

Nang makarating na ako sa kusina ay nilapitan ko ang aming kasambahay at nagtanong kung ano ang almusal namin, tinugon naman niya ako at ang sabi niya ay itlog at pandesal na may kasamang kapeng barako. Kaya't kumuha ako ng mga barya at mabilisang tinungo ang mercado sakay ng kalesa. Alas-singko y media pa lang ay nakabalik na ako sa aming hacienda. Ako ang nagluto, nag-ayos ng hapag. Matapos ng mga ginawa ko ay inutusan ko na tawagin na sila ama para makakain na.

Naalimpungatan ako sa taong tumatapik sa 'kin. Pupungas-pungas at namumungay ang aking mata, istorbo naman, ih! Kaya't kinusot kusot ko pa ang aking mata at nasilayan ko ang nakangiting mukha ni Carla.

"Ate, ano... gising ka na ba?" Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako. Buti na lang ay natakpan ko ang mga pagkain.

"Hmm... oo, kapatid ko. Magandang umaga!" Ngiting bati ko. "Magandang umaga rin, kapatid ko!" Nakasisilaw ang kaniyang mga mapuputing ngipin. Teka... Baka nananaginip lang ako. Totoo ba 'tong nakikita ko?!

Napakusot ulit ako ng mata at hindi ako nagkakamali! Totoong nakangiti nga siya!

"S-Sila ama't ina?" tanong ko. Itinuro naman niya ang mga magulang namin na marahang pumapanaog sa hagdanan. Masaya silang nag uusap at magkahawak kamay pa! H-Hindi ako makapaniwala!

Mi Amor: Until the End ✓Where stories live. Discover now