SPOT 30: TRY-OUTS

752 24 17
                                    

Kindly suggest a Thriller Korean Drama here...

MACTHARA.

NGAYONG ARAW ang pinakahihintay kong pangyayari na kung saan maipapamalas ko ang aking galing sa pagbat, pagpitch, at pagtakbo. Sisiguruhin kong mapupuno ng hiyawan ang field. Pupunuin ko ng sigawan ang buong paligid at tanging ang pangalan ko ang maririnig sa buong parang ng diyamante. Aahon ang nagkikislapang mga mata sa aking pag-iskor at sabay-sabay kong patatayuin ang mga manonood mula sa kani-kanilang upuan. Pagpapakita pa lamang ito ng galing, isang try-outs para pumili ng makikipagtagisan, subalit tila nasa totohanang laro na ang magaganap sa aking entrada.

Ipinatong ko ang softball cleats, ang sapatos na aming gamit sa paglalaro ng softball. Itinali ko ang sintas ng kanang sapatos, saka isinunod ang kaliwa. Kulay neon ang sulok nito at patusok ang dapan ng sapatos para sa gayon ay kumapit ang aking paanan sa lupa at mapadali ang aking pagtatakbo. Nasa taas pa si Allende habang hinihintay ko siya rito sa salas.

Tapos na kaming kumain at ang pagbihis na lang ang aming ginawa. Si Yendi lang naman ang matagal magbihis. Maikling shorts lang naman ang jersey nila ngunit tila yata mas sabik siyang maglaro. Nang matapos kong isintas at pagpagan ang softball cleats ay saka naman yumagabag ang hagdang kahoy. Tumalikod ako para tingnan ang isang matangkad na babae mula sa mataas na bahagi ng hagdan.

Kulay puti ngunit may tinta ng berde sa gilid ang kaniyang upper jersey. Maikli ang kaniyang buhok ngunit itinali pa rin niya sa likod at nagsuot ng sports headband sa noo. Mas lumitaw ang patusok na hugis ng mukha niya't mas umabante ang maliit niyang ilong. Subalit kung anong tangkad niya'y, iyon naman ang kapayatan ng katawan niya. Hanggang sa mapatingin ako sa hita niya't medyo naging mailap ako rito.

"Lalantad na 'yang nasa gitna ng binti mo, wala ka na bang ibang shorts doon?" naasiwang tanong ko sa sobrang ikli niyang shorts. Malamang maikli ang shorts, hindi long. Naka-kneecap siya ngunit hindi mahaba ang medyas. Kapuri-puri rin ang volleyball shoes niyang mas maputi pa sa binti niya.

"Nyeta, Macky. Ibig mong sabihin ay magpajama ako sa lagay na 'to?" aniyang tila mas nais pang magsuot nang ganoon ka-iksi.

"Kung 'yon ang maari, bumalik ka sa taas at magjogging pants." suhestyon ko at binabaan siya tingin, iningunguso ang hita niya. "Kita mo 'yan, kawayan ka nga talaga. Pagka-spike mo, ikaw ang lilipad sa kabilang court."

Sinamaan niya ako ng tingin saka nagtungo sa kusina. Natatawa ako sa loob nang dahil sa reaksyon niya. Sinundan ko siya saka mabilis na sinalo ang purple tumbler na kaniyang ibinato mula sa tapat ng fridge. Malakas ang puwersa niyon at mas lalo akong napahalaklak sa isip ko. Nagsalin siya ng tubig sa lalagyan rin niya saka ako muling nilagpasan at nagtungo sa tapat ng pinto.

LUMIPAS ang ilang minuto ay nakarating kami sa parking lot ng Earl the Regal University. Hindi kami ang nauna ngayon sapagkat marami nang nakaparada sa bawat linya. Kung hindi lang kulay yellow na sports car ang sasakyan ni Yendi ay tiyak mahuhuli kami. Ngunit sa kabilang dako'y baka hindi rin sapagkat ang magkaroon lang ng ganitong klaseng motor, tulad ng sa akin, ay isa nang bagay na maipagmamalaki. Baka matalo pa nito ang presyo ng ibang kotse rito.

Bumaba ako ng motor saka nakatingalang hinawi ang buhok sa pagtanggal ko ng helmet. At taas-noong nilingon ko ang daan na tila ba pagmamay-ari ko ang buong unibersidad. Ramdam ko ang pag-ismid ng tingin ni Yendi mula sa aking gawa at nauna siyang naglakad pagkababa niya ng kotse. Kita ko ang ngisi sa kaniyang labi at halos masakop niya ang lahat ng tingin, habang nagsisilbi siyang armas ko. Nagpahuli ako ng lakad saka tumungo para marahang isuot ang aking head cap. Tumaas ang aking tingin at kahit hindi ko man matingnan nang diretso ang mga titig ng mga estudyanteng nagsipag-usog ay tukoy kong lumaglag ang mga panga nila sa kung papaano namin bitbitin ang aming mga sarili.

SPOT HIM BEHIND (the Spot Saga: Season 1)Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt