SPOT 44: HOLD ON

393 25 3
                                    

MACTHARA.

PUMAHARUROT AKO ng takbo sa kung saan man maaaring dalhin ng motorsiklo. May kirot man noong iwan ko si Pappa at mga kapatid ko, iyon ang pinal kong desisyon. Mag-isa kong haharapin ang realidad ng mundo. Magsisimula muli ako bilang ang tunay kong sarili, malayo sa marangyang buhay na kinagisnan ko.

Kung noon ay puro luho, mas mahirap pa ako sa daga ngayon. Kaya kailangan kong magtrabaho nang mas grabe pa sa langgam para mabuhay ako. Sarili ko na rin ang papaaralin ko. Makakayanan ko namang makakuha ng iskolarship dahil matataas ang markang nakukuha ko.

Nakapokus ang mata ko sa kalsada. Parati itong pumapalo sa katawan subalit ngayon ko lang natamasa ang masarap na sampal ng hangin sa aking balat. Maging ang amoy ng kasariwaan nito'y nalasap ko sa unang pagkakataon. Isang bagay na matagal ko nang pinapangarap... ang makalanghap ng tunay na kalayaan mula sa matagal na pagkakakulong sa rehas ng mabunying ekspektasyon.

Inaasahang ako ang magpapatuloy sa legado ng pamilya. Kahit labag iyon sa aking inaasam, ipipilit nila ang gusto. Isa sa dahilan kung bakit tumanggi ako'y nais kong mag-abogado. Para na rin mabigyan ko ng hustisya ang sarili ko. Subalit parang ako pa mismo ang titiwalag sa paniniwala. Baka ako pa ang magtanggol sa ina kapag nilitis na ito sa korte.

May nalalaman ako tungkol sa krimen niya at nasa sa akin ang desisyon kung isusuko ko ba siya sa mga awtoridad o pahuhupain na lang ang gulo. Kung isusuko ko si Leone sa mga pulis, makakamtan ng kabilang partido ang hustisyang nararapat para sa kanila. Ngunit malaki ang maidudulot nitong epekto sa mga kapatid ko at siyempre, sa aking ama.

Hindi ko gugustuhing masaktan sila. Pero kung mananahimik ako, magiging labag naman iyon sa pinaglalaban kong hustisya. Prinotektahan ko mismo ang may-sala. Nagbulag-bulagan ako. Nagbingi-bingihan ako. Magiging katulad rin ako ng mga taong nangungunsinti sa mga taong lumabag sa batas. Sa kabila niyan, magiging normal ang lahat para sa naiwan kong pamilya.

Hindi ko na alam.

Ang tanging nasa isip ko'y ang pahuhupain muna ang baha bago makapagdesisyon nang tama. Maulap ang isip ko kaya kailangan ko munang magpaulan ng matinding kirot, pisilin para mabawasan ang matinding bigat na dinadala ko bago muling maliwanagan sa lahat.

Wala pa akong tulog pero nananatili akong gising dahil sa kaingayan ng isip. Hindi lang iyon sapagkat binubuhay ako ng kapreskuhan at kaklaruhan ng kalsada. Bukas ang ilaw ng kalye at dalawa o walang kotseng dumaraan. Angkin-angkin ko ang buong kalsada.

Pansin ko ang mga yumuyukong puno, tila binabati ang pagdaan ko. Bumubuntot din ang buwan, nagsisilbing ilaw para magabayan ako. Ilang oras na lang ay lulubog na ito. Mapapalitan ng sikat ng araw ang mumunting buwan mula sa likod ng matataas na bundok, sa gawing tinatahak ko.

Wala akong mapuntahan at kahit marami man akong ipon ay nakatabi na iyon para sa aking pang-aral. Pinaharurot ko ang motorsiklo at unang nagtungo sa lugar kung saan magpapalipas muna ako ng gabi. Dito muna ako tutuloy bago makahanap ng bagong titirahan.

"Fondatrice..." binati ako ng ilang kasamahan sa organisasyon at unang lapit ang babaeng malapit sa akin.

"Naisuko na sa pulisya ang lalaki pero hindi namin inakalang mapapaimpake kayo..." ani Betarania saka sinenyasan ang ilang taong bitbitin ang isang malaking maleta. "At mag-uumaga na. Wala ka bang balak magpahinga, Miss Macthara?"

"Eh, ikaw? Ba't gising ka pa?" balik ko at naunang naglakad patungo sa pinakadulong parte ng pasilyo.

Dinig ko ang mabilis na yabag ng kanyang paa saka siya tumabi sa likod ko. "Dahil naalerto kami sa inyong pagdating..." aniya.

SPOT HIM BEHIND (the Spot Saga: Season 1)Where stories live. Discover now