SPOT 35: DISCO LIGHTS

679 25 10
                                    

MACTHARA.

NILIBOT ko ang aking paningin mula rito sa itaas ng gymnasium. Matapos ng try-outs, iniwan kong nagtatalo ang Zede at bangaw. Sinusuri ng mga mata ko kung tapos na ba ang laro sa volleyball o patapos pa lang. Hinahanap ko ang pigura ni Yendi sa court pero wala akong maaninag na kawayan doon.

Kaunti na lamang ang tao at napaatras ako nang dumaan ang isang maliit na lalake. Naka-uniporme siyang tulad ng pangmoderator. Nasa gitna nila ang payat na coach na tila maraming reklamo sa buhay. Samantalang ang isa pa nitong katabi ay kalmado lang.

Kung papaalis na ang mga instructor, ibig sabihin lamang niyon ay tapos na ang try-outs sa volleyball. Kung gayon, nasaan ang Yendi? Nang maka-lagpas ang tatlo'y dumiretso ako sa hagdan. Halos sumakit ang leeg ko sa paghahanap sa babaeng iyon. May mga naglalaro ng bola sa court pero wala naman siya roon.

"Hoy, musta ang laro?" napatingin ako sa gawing kanan at lumapit ang babaeng kanina ko pa hinahanap. Sinuri ko siya mula paa hanggang ulo at napawi ang inip ko nang makita ang itsura niya. Hawak nito ang face towel saka nagpupunas ng leeg. Naka-sukbit sa kanang balikat niya ang backpack.

"Saan ka galing?" iyon ang tugon ko imbes na sagutin ang tanong niya. Umakyat ako at sumunod naman siya sa paglalakad.

"Diyan lang." sagot niya at itinuro ang likod.

Sinimangutan ko siya. "Hindi naman kita nakita roon."

"May kinausap ako." aniya at inginuso ako. "Eh, ikaw. Katatapos niyo lang?"

"Hmm."

Lumabas kami ng gymnasium saka bumaba muli sa hagdan patungong driveway. Binuksan ni Yendi ang bag niya at itinago na roon ang tuwalya. Tiningnan naman niya ako na tila may naalala at parang nang-aakusa. Kunot-noong nakipagtitigan ako.

"Hindi mo naman sinabing illegal 'yon, Macky." aniyang may bahid ng pagsisisi ang tono ng boses. Mas lalong nagtagpo ang mga kilay ko sa paratang niya.

"Bakit na naman ako?" hinawakan ko ang aking dibdib na tila dinadamdam ang akusasyon nila.

Kanina'y hindi sinasadyang ma-inom ni Gole ang pinag-ininuman ni Zede. Sa pag-aakalang ako ang nag-ubos ng iced tea, nagkaroon tuloy siya ng first indirect kiss. Ngayon naman ay tila may kasalanan ako kay Allende. Masama ang tingin niya ngunit may bahid pa rin iyon ng pag-iingat.

"Bakit ikaw? Nyeta. Sinunod ko pa 'yong sinabi mo." sabi niyang napamura pa. Nakababa kami ng hagdan at naka-tayo sa labas ng gymnasium. Tanaw mula sa malayo ang arena na kahilera lamang nito. Maraming estudyanteng tumatawid. Karamihan sa kanila'y naka-jersey at kalalabas lang sa sariling court.

"Wala 'kong sinabi sa 'yo. Bangag ka ba?" saad ko at inirapan siya.

Ipinaliwanag niya iyong araw na may nagrecruit sa kanya. Noong una'y tinanggihan niya ngunit nang kausapin ulit sila ng patron ay iyon na lang ang naisip niyang solusyon. At dahil sa Sepak Takraw siya magaling, akala niya'y magkapareho lang ang paraan ng paglalaro sa volleyball.

"Saan ang pagkakamali ko roon?" tanong ko sapagkat wala ako sa mga nabanggit niya.

"Sabi mo paa ang ipang-spike ko."

"Ay, hindi ba allowed 'yon?"

Sininghalan niya ako. "Punyeta. Akala ko rin allowed 'yon. Paa ang ginamit ko sa service."

Umawang ang labi ko at iyon ang hindi ko inaasahan. Sa Sepak Takraw, pupuwedeng gawin iyon dahil parte iyon ng rule. Ngunit pagdating sa volleyball, ang alam ko'y maaaring gumamit ng paa basta't hindi tumatama sa sahig ang bola. Ngunit buong buhay ko, wala pa akong naririnig na puwedeng ipang-serve ang paa!

SPOT HIM BEHIND (the Spot Saga: Season 1)Where stories live. Discover now