SPOT 20: WINE & FIRE

790 26 9
                                    

Comment the most embarrassing moment of your life here...

ALLENDE.

SINUBUKAN kong hanapin si Macky sa kanilang silid-aralan subalit umalis na pala ang lahat ng estudyante roon. Balak ko sana siyang kausapin sapagkat ito lang ang araw na maaari kaming umuwi nang kami lang uli na dalawa. Wala akong masyadong inaalala sa kompanya at nabawasan na rin ang mga babasahin ko tungkol sa medisina kaya nararapat lang na bigyan ko ng oras ang nag-iisang kaibigan ko.

Nilibot ko na rin ang buong Building Two ngunit pati anino niya ay hindi ko marumog. Binisita ko na rin ang Computer Lab at LLC pero hindi talaga nila namalayan kung bumisita ba siya roon o hindi. Maging ang librarian na parating nakikita ni Macky ay hindi siya nakita ngayong araw. Gusto ko nga siyang sumbatan sapagkat napaka-sungit ng librarian na ito at hindi ako natutuwa sa pakikitungo niya sa mga estudyante.

Sinubukan ko ring tanungin iyong mga kaklase niya noong napadaan ako sa pasilyo at sinabing nakalabas na siya kanina pa. Hinanap ko rin iyong si Sergeant sa kuwarto nila pero wala rin siya roon. Siya pa naman ang inaasahan kong makapagtuturo sa akin kay Macthara subalit wala talaga siyang kuwenta.

Gusto ko ngang mainis sa kaibigan ko sapagkat para siyang langgam na mahirap hanapin sa gymnasium. Kailangan ko pa talagang tumingin sa bawat bahagi ng hallway para mamataan siya pero para siyang multo na susulpot lang sa oras na nais niya. Kapag nakita ko talaga ang babaeng iyon ay kakalatukin ko rin ang kaniyang noo na parati niyang ginagawa. Adik siya.

Ganoon na lang ang inilipad ng isip ko nang pati rooftop ay pinuntahan ko. Tinakbo ko ang gitna niyon at nagpaikot-ikot ng tingin. Naisubsob ko na lamang ang aking sarili sa bakal na harang at tinanaw ang ibaba ng Building Two. Sa ika-walong palapag na ito ay parang may nakikita akong komosyon sa entrance ng ERU Arena.

Ay, oh...

Bigla kong naalala iyong sinabi ng manliligaw slash in-denial ni Macky kahapon. Ang balita ko rin ay ngayon ang entrance exam para sa mga nagnanais maging estudyante ng ERU. Akalain mong ngayon ko lang naalala ang mga iyon. Nasa ika-walong palapag ako at kailangan kong magmadali roon. Lumabas ako sa gate ng rooftop saka bumaba at sumakay sa elevator.

Hindi ko talaga ugaling magpagod pero parang masama ang kutob ko sa arena na iyon. Tumigil ako sa katatakbo at hinarap ang facade ng ERU Arena. Napayuko pa ako sa aking tuhod at hinihingal na umakyat papunta sa entrance. Sinubukan ko pang tumingala para sumilip sa loob at wala na akong nagawa kundi makipagsiksikan para makapasok.

Halos maging sardinas na kami sa kasisingit at bigla ko na lang naramdamang may pamilyar na palad ang humawak sa braso ko. Napakainit nito at halos tumayo lahat ng balahibo ko. Napatalon ang aking kaluluwa roon at tiningala ang mukhang kaharap ko na ngayon. Isang dangkal ang pagitan namin sa isa't isa. Dahil na rin sa tangkad ko ay halos magkasing-lebel lang ang mga mata namin.

Iyong mga matang may bahid ng gulat sa oras na magkatinginan kami. Iyong gulat na halos magpa-atake sa aming puso. Isama mo na ang gumagalaw na alon ng mga taong ginigitna kami sa komosyon. Muntik ko nang malimot iyon sapagkat mas natuon ang aking pansin sa lalaking kaharap ko mismo ngayon.

Dito pala talaga tayo magkikita. Tsk. Puwes, hayop ka.

Agad kong binawi ang aking braso saka matalim na sinamaan siya ng tingin. Wala siyang karapatan na hawakan ako at kailanman hindi ko siya hahayaang magkaroon pa ng pagkakataon. Umiinit ang linya ng aking mga mata at ramdam ko na ang pamumula nito. Bakas rin ang gulat sa kaniyang mukha at hindi ko pinalampas ang oras na iyon para mas biglain siya.

Hayop ka.

Mas kumabog ang aking puso, at sa isang iglap, bumalik lahat ng masasamang alaala noong kasama ko siya. Iyong pagtago ko sa isang sulok at pagsilip sa kamay ng isang babae sa kaniyang braso. Ang mga ngisi nilang dalawa habang pinahihirapan ang aking ama sa dilim sa ilalim ng isang katiting na ilaw. Maging ang tawanan nila sa oras na paputukan ng baril ang aking ama.

SPOT HIM BEHIND (the Spot Saga: Season 1)Where stories live. Discover now