CHAPTER 43

433K 22.2K 43.9K
                                    


CHAPTER 43

"HI, DAINTY," bati ni Danice.

Awtomatiko akong ngumiti. "Wow," nagliwanag ang mukha ko. "Napakaganda mo, Danice!"

Suot ang kulay lilac na long gown, perpekto siya para sa role ng isang prinsesa. Gaya ng sa akin, may manipis iyong manggas ngunit umaabot sa kaniyang pulsuhan. Malalim ang dibdib ng gown, halos makita ang cleavage niya. Pero kayganda lalong tingnan niyon dahil angat ang mga buto niya. Napakaganda ng mga mata niya, lalong humaba ang mga pilik-mata at mukhang natural ang makeup. Bukod do'n, umaalingasaw ang kaniyang bango.

Mukha talaga siyang prinsesa. Iyong nga lang, iyong role ng kontrabida ang napunta sa kaniya. Hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan kung bakit ako pa ang napili gayong mas maganda siya.

Nakaladlad ang kalahati ng buhok niya habang ang sa ibabaw ay nakatirintas nang malalaki mula unahan, papunta sa likuran. Lalong kuminang ang kaniyang ganda dahil sa mga suot niyang palamuti sa tenga at leeg.

"You look good, too," ngumisi siya.

"Salamat, Danice," nahihiya kong tugon.

"Lalo na at hindi kita ang paa mo, lalo kang gumanda," mapang-asar niyang dagdag na agad tinawanan ng kaniyang barkada. Na nang sandaling iyon ay litaw na litaw rin ang ganda sa kani-kanilang pula at berdeng long gowns.

Hindi na ako nagsalita at sa halip ay pinagbuntong-hininga na lang ang tawanan nila nang tuluyan akong talikuran. Hindi lang sila, napakaraming pumuri sa aking itsura ngunit kasunod no'n, hinahanap nila ang aking paa. Hindi tuloy ako sigurado kung sinsero ba ang papuri nila o naroon para mang-alaska.

"Good morning, everyone!" tinig 'yon ni Sir Migz Agripa na siyang emcee sa musical play at buong programa. "On behalf of Brint International School drama and music club, welcome to BIS' drama ang music festival! I'm Gavin Migz Agripa and I will be your emcee for the day. Yes, 'no? Yes!"

Nagpalakpakan ang audience at nang humupa iyon ay nagsalita uli si Sir Migz na may halong biro kaya gano'n na lang ang tawanan ng mga tao.

"We would like to acknowledge the presence of Moon family. Thank you for takinga time out from your busy schedules. Let's give them a round of applause, everyone!"

Nagpalakpakan ang lahat ng audience at bawat dagundong niyon ay dumaragdag sa kaba ko.

Hala...

Abot-abot ang kaba ko sa katotohanang naroon ang pamilya ni Maxrill Won. Sa sandaling iyon pa lang ay iniisip ko na kung sino-sino ang mga naroon o kung kompleto ba sila. Lalo tuloy akong nag-alala kung mairaraos ko ba nang maayos ang performance ko, lalo na ang pag-arte at pagkanta.

"Grabe, sobrang ganda mo talaga, Dainty."Humahangang tinig ni Mrs. Gertyard ang gumising sa naglalayag kong isip.

Ngumiti ako at tumayo. "Salamat po ulit, Mrs. Gertyard. Kung hindi po dahil sa inyo, baka hindi ako nagkaro'n ng lakas ng loob na sumali rito. Kahit po kabado ako, aaminin ko pong masaya ako na nakapag-participate. Ito po ang unang pagkakataon na nakasali ako sa kahit anong school activity," mahabang sabi ko.

Nakangiti siyang umiling. "You deserve it, Dainty. I mean, look at you..." Hindi mawala ang kinang sa mga mata niya, naging emosyonal ako bagaman naroon pa rin ang hiya. "Gaya ng sinabi ni Mr. Faller, walang ibang qualified sa role kung hindi ikaw."

"Salamat po ulit, Mrs. Gertyard. Hindi ko po kalilimutang pasalamatan si Mr. Faller kahit po paulit-ulit ko na 'yong ginawa."

Tumango siya at hinaplos ang buhok ko. "Enjoy mo lang ang performance. Natural kabahan pero maniwala ka, ikaw ang pinakamaganda sa oras na 'to."

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon