CHAPTER 65

194K 4.7K 5.1K
                                    


CHAPTER 65

WARNING: Matured scenes and effects.

NANAHIMIK AKO gaya ng pinakiusap ni tatay. Hindi ako nagsabi kina Kuya Kev at Bree Anabelle. Lalong hindi ako nagsumbong kay nanay kahit pa may mga oras na naiisip kong gawin 'yon. Lalo pa nang dumalas ang pagtawag niya nang makalipad sila papunta sa Palawan. Binalita niya ang tungkol kay Kuya Maxwell, maigi na raw ang lagay nito at nakaplano na ang kasal nila ni Ate Yaz.

Pero ang isip ko, talagang naroon lang sa mga sinabi ni Hwang. Para kasi siyang nagbigay ng impormasyon na naiwan lang na nakalutang. Sa bawat araw na dumaan, na dumalas na rin ang pangungumusta ni Maxrill Won, hindi 'yon nawala sa isip ko. Na kahit ilang beses man akong magdalawang-isip na sabihin sa kanila ni nanay ang nangyari, pinaninindigan ko ang pagsunod kay tatay. Hindi dahil sa takot o respeto ko sa kaniya. May kung ano kasi talaga sa mga mata at tinig ni tatay na nagsasabing iyon ang dapat kong gawin. Kung may takot man akong naramdaman, iyon ay ang mararamdaman ko oras na malaman ang lahat ng katotohanan.

"May sinabi ka ba sa nobyo mo, Dainty?"

Hindi ko inaasahang lalapitan ako ni tatay isang hapon nang matapos akong maghugas ng pinagkainan.

Napatitig ako sa kaniya at nagbuntong-hininga. Alam ko kung gaano kahirap para kay tatay na pagulungin ang sariling wheelchair niya, gano'n siya kabigat. Lumapit siya ngayon para itanong 'yon, hindi ko mapigilang isipin na pati siya, isip nang isip.

Batid ko ring nagtanong siya dahil narinig niya kaming magkausap ni Maxrill Won bago maghapunan. Ngayon lang naman siya nagtanong nang gano'n, na para bang tiwalang-tiwala siyang hindi ako magsasalita nang mga nakaraang araw.

"Tungkol saan po?" kumpirma ko bagaman may ideya na 'ko sa tinutukoy niya.

"Tungkol sa lalaking nagpunta rito nang nakaraang linggo." Si Hwang ang tinutukoy niya.

Umiling ako. "Wala po, 'tay."

Tumango si tatay, bakas sa mukha niyang nakahinga siya nang maluwang. "Huwag ka nang magkuwento. Mabuti nang tayong dalawa lang ang nakaaalam."

Bumuntong-hininga ako habang nakatitig kay tatay. Itinulak ko ang wheelchair niya papunta sa sala saka bumalik upang kumuha ng gamot at tubig, at pinainom ang mga 'yon sa kaniya.

Hindi ko maalis ang paningin kay tatay. Noong una, hindi niya ako napansin. Pero nang magsalubong ang tingin namin ay nagbuntong-hininga agad siya.

"Ano?" tanong niya.

"Napakarami pa rin pong...tanong sa isip ko, 'tay." Bagaman mahina, hindi ko naitago ang pagkalito sa boses ko. "Sino po ba ang lalaking 'yon? Bakit...parang napakarami po niyang alam tungkol sa inyo ni nanay? At bakit...ayaw po ninyong banggitin ko sa iba na nakaharap natin siya?"

Hindi talaga kami nagkaroon ng pagkakataon ni tatay na pag-usapan uli ang tungkol kay Hwang. Siguradong pabor sa kaniya 'yon. Dahil nga ayaw niyang ipaalam ang nangyari maging sa mga kapatid ko. Nawalan ako ng oras, naging abala, bukod sa nagkapalit na kami ng sitwasyon ni kuya sa mga nagdaang araw, siya ang naiwan kay tatay.

Pero nakababaliw ang pag-iisip niyon sa t'wing maaalala ko. Parang tinik sa isip at dibdib, masyado akong apektado. Hindi na rin ang presensya ni Hwang ang kinatatakot ko. Kung hindi sa mga katotohanang kaya niya pang isiwalat na hindi ko nalalaman.

"Sino po siya sa buhay ninyo?" dagdag ko pa nang walang maisagot si tatay.

"Pwede bang 'wag ka na lang magtanong, Dainty?" mahina man, dama ko ang pakikiusap sa tinig ni tatay.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon