CHAPTER 49

290K 13.3K 11.9K
                                    


CHAPTER 49

DAHIL SA halo-halong emosyon at hindi mahintong pagluha, pinili kong dumeretso na lang sa kwarto nang makaalis sina Maxrill Won at Tiya Maze. Alam kong gusto pa akong kausapin ni tatay, lalo na ni nanay. Pero hindi ako sigurado kung kaya kong pakinggan ang mga 'yon ngayon. Maski ni Bree Anabelle, tingin lang ang naibigay sa 'kin. Sa isang sulyap ay alam ko kung gaano niya kagustong marinig ang panig ko. Ni hindi niya ako magawang aluin, nang pangunahan ko siyang huwag na munang lumapit sa 'kin. Ang tanging nagawa ni Bree ay samahan ako habang lumuluha.

Gaya ng sinabi ni Maxrill Won ay tumawag siya makalipas ang tatlumpung minuto pero hindi ko 'yon sinagot. Gusto ko siyang makausap pero nahihiya ako. Sobrang hiya na ipinagpapasalamat kong ilang araw ko siyang hindi makikita dahil pupunta siya sa Palawan. Bukod sa hindi ko yata siya kayang kausapin nang gising pa si Bree. Nahihiya ako sa maririnig niyang sasabihin ko at lalo nang nakakahiya na makita niya akong umiiyak habang nakikipag-usap sa aking nobyo. Hindi ako handang kausapin si Maxrill Won ngayon.

Palalim na ang gabi nang tumahan ako. Gising pa rin si Bree. Naaawa at palihim siyang sumusulyap sa 'kin pero hindi ko na sinasalubong ang kaniyang tingin. Batid ko ring gising pa sina nanay, tatay at kuya nang lumabas ako ng kwarto upang maligo. Pero pinagbigyan nila ang pananahimik ko. Lumabas lang ng kwarto si nanay upang uminom ng tubig pero alam kong tiningnan niya ang lagay ko. Maging si kuya ay sumilip sa 'kin pero nagtuloy-tuloy ako sa banyo.

Iyon na yata ang pinakamatagal na pagligo ko dahil doon mas bumuhos ang mga luha ko. Hanggang sa sandaling ito ay nangingibabaw ang hiya ko para sa mga sinabi ni tatay. Nalilito naman ako sa mga salitang natanggap niya mula kay Tiya Maze. Panay ang pagdadamdam ko dahil hindi kayang makipag-usap nang mahinahon ni tatay. Paulit-ulit kong tinatanong kung bakit tinawag ni tiya ng sindikato si tatay.

Hindi naman na iyon ang unang beses na narinig ko ang salitang 'yon pero para akong naninibago, naghahanap ng sagot kung bakit kailangan pagbintangan siyang sindikato. Bigla ay parang hindi ko talaga kilala si tatay. Sa iilang nalalaman ko sa pamilyang Moon, isa sa mga sigurado ko ay hindi sila magbibitiw ng salitang wala silang patunay.

Maging si nanay ay napansin ko. Kung pigilan niya si Tiya Maze sa pagsasalita, para bang may ideya siya kung bakit gano'n na lang ito kung makipagsalita. Sa nasaksihan ko kanina, parang may alam silang tatlo sa isa't isa na lingid sa kaalaman naming magkakapatid...o ako lang talaga ang hindi nakaaalam?

Sinabayan ng hikbi ang buntong-hininga ko sa huli kong naisip. Hindi kasi imposible 'yon. Sa dami ng nalalaman nina Bree Anabelle at Kuya Kev sa pamilya nina Maxrill Won, hindi na siguro ako magugulat kung sakaling ako lang ang walang alam.

"Dainty, nandiyan si Maxrill Won," ani kuya kinabukasan, tumuloy na matapos kumatok at sumilip sa aming kwarto.

Pero sa halip na kumilos ay nanatili akong nakatingala sa kaniya, nakahiga pa rin sa kama. "Pwede mo ba'ng sabihin na natutulog pa ako, kuya?"

Nakita ko siyang matigilan, hindi agad nakapagsalita. "He's leaving, Dainty. Kausapin mo ang boyfriend mo."

Gano'n na lang kabilis ang pangingilid ng luha ko na kahit hindi ko salaminin ang aking sarili, nasisiguro kong namumula na ang mga mata at pisngi ko. Gano'n naman parati ang itsura ko sa t'wing maiiyak. Dati ay natutuwa pa ako sa t'wing sasabihin ng mga kapatid at magulang ko na maganda ako kahit umiiyak. Pakiramdam ko ngayon ay ako ang pinakapangit sa mundo dahil sa hindi maipaliwanag na pakiramdam ko.

"Ayaw ko, kuya," kinusot ko ang pareho kong mata para mapigilan ang maluha.

"Dainty?" nakikiusap pang pagtawag niya—hindi, namimilit na pakiusap niya.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon