CHAPTER ONE

1.2M 38.8K 82.5K
                                    




CHAPTER ONE

"PWEDE MO po ba akong ibili ng dress na isusuot ko sa party ng mga Moon, nanay?"naglalambing na ani Bree isang hapon na kumakain kami.

Nag-angat ng tingin dito si nanay. "Hindi ba't napakarami mong dress? T'wing nagbabakasyon ang Ate Maxpein mo ay parati kang may pasalubong. Bago at imported ang mga 'yon."

Ngumuso si Bree. "E, baka nakita na ni Maxrill 'yon, 'nay. Syempre, magkakasama silang parati kapag nagbabakasyon. Baka nga isa pa siya sa mga pumili ng ipasasalubong ni Ate Maxpein sa akin. Gusto kong magsuot nang bago, 'nay. 'Yong hindi niya pa nakikita."

Ang Maxrill na tinutukoy ni Bree ay iyong bunso ng pamilyang Moon. Sa kanilang pamilya ay si Ate Maxpein lang ang madalas kong makita. May minsan ko nang nakita ang mommy at daddy niya, maging si Kuya Maxwell ay dinalaw ako ng dalawang beses upang tingnan ang lagay ng aking mga paa. Pero iyong bunsong kapatid nila ay hindi ko pa nakikilala.

Sa mga kwento ng kapatid ko ay nagkaroon ako ng interes na makilala si Maxrill Won del Valle Moon. Iba kasi ang deskripsyon ni Bree sa kaniya. Hindi lang daw ito gwapo kundi mabait at hindi mukhang masungit. Kung hindi lang mabait sina Kuya Maxwell at Ate Maxpein sa akin ay paniguradong natakot na ako sa kanila. Mukha kasi silang istrikto.

Bumuntong-hininga si nanay. "Sige na, bibilhan kita nang bago. Huwag ka nang maingay at baka marinig ka ng tatay mo. Paniguradong pagagalitan ka na naman no'n."

Nagbaba ako ng tingin at nagpatuloy sa pagkain. May kung ano sa kalooban kong humihiling na sana ay bilhan din ako ng bagong damit ni nanay. Gusto ko ring magsuot nang bagong damit sa party ng mga Moon. Pero hihintayin ko na lang na magkusa si nanay. Nahihiya akong magsabi sa kaniya.

Hindi gaya ni Bree, kakaunti lang ang damit ko. Magkaroon man ako nang bago ay pasalubong ni Ate Maxpein iyon. Dahil mas nakilala ng pamilyang Moon si Bree, mas malapit ang bunsong kapatid ko sa kanila. Mas marami rin ang pasalubong ng mga ito sa aming bunso.

Kahit gano'n ay hindi naman kami nagkaroon ng problema ng kapatid ko. Mas bata siya kaya iniintindi ko na lang madalas. Bukod sa mabait si Bree, magkasundong-magkasundo kami.

Naaksidente kaming pareho sa perya ni tatay noong edad syete pa lang ako. Pareho kaming naoperahan ngunit mas malala ang aking tinamo. Pinutol ang isang paa ko habang ang isa naman ay kinailangang ipa-therapy. Pero dahil mahirap lang kami ay pareho kaming nabaldo ni tatay.

Noong una ay napagtatyagaan pa akong tulungan ni nanay. Gumawa siya ng magkabilang hawakan na siyang tutulong sa aking makapaglakad muli. Ginawan niya rin ako ng sarili kong saklay. Pero bago pa man umigi ang lagay ko, nagalit na si tatay. Wala na raw saysay kung matuto akong maglakad dahil hindi na rin naman daw ako makapagtatrabaho.

Ang kuya ko naman ang natitirang pag-asa ng pamilya namin. Nasangkot naman ito sa masasamang barka noong nag-aaral kaya naligaw rin ng landas.

Kung hindi siguro nakilala ni tatay si nanay bago kami maaksidente, baka walang nag-alaga sa amin. Araw-araw kong ipinagpapasalamat noon na ibinigay si nanay sa amin. Kahit na hirap na hirap na siya sa amin ay hindi niya kami sinukuan. Parati silang nag-aaway ni tatay pero nanatili siya sa aming tabi. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa aming pare-pareho kung sakaling iniwan niya kami.

Hulog ng langit ang pagdating ng pamilyang Moon sa amin buhay. Awtomatikong guminhawa ang aming buhay. Naipagamot kaming pareho ni tatay. Bagaman hindi na siya nagkaroon ng tyansang makalakad dahil sa kaniyang edad.

Artifial na ang kaliwang paa ko. Sa tulong nina Kuya Maxwell at Ate Maxpein ay nakalakad muli ako. Sila ang gumastos sa akin para magkaroon ng panibagong buhay. Ang mga magulang naman nila ang nagpapaaral sa amin ni Bree ngayon.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon