CHAPTER SIX

653K 28.4K 51.5K
                                    

CHAPTER SIX

HINDI AKO nakatulog nang gabing iyon. Hindi mawala sa isip ko ang halik ni Rhumzell. Hanggang ngayon ay nabibigla ako. Pero bakit sa t'wing maiisip ko 'yon ay para bang maiiyak ako? Hindi ba ako masaya?

Muli kong inalala kung paano niyang sinimsim ang labi ko. Ganoon 'yon sa paraan ng pagsipsip ko sa buto ng hinog na mangga. Halos manuyo ang lalamunan ko sa tagal na nakamaang ang mga labi ko.

Hindi ko alam na ganoon pala ang pakiramdam ng halik. Maghahalo-halo ang nararamdaman mo. Magugulo ang isip mo. Naroon 'yong pakiramdam na para akong kakapusin ng hininga pero hindi umaatake ang aking hika. Napakahirap ipaliwanag.

Lalo kong itinalukbong ang kumot sa akin, habang yakap ang unan ay nakapikit kong kinagat ang aking daliri. Sa ganoong paraan ko lang mapipigilan ang maluha. Ayaw kong marinig ni Bree na umiiyak ako.

"Ano't namumugto iyang mga mata mo?"tanong ni nanay. Naroon kami sa kusina at naghahanda ng agahan kinaumagahan.

Para akong nakalutang sa kawalan ng tulog. Halos mahulog ko pa ang baso, mabuti na lang at plastik iyon.

"Ano..." nagbaba ako ng tingin. "Wala po, 'nay."

Kanina pa panay ang pag-iwas ko sa kaniya, nag-aalala akong baka ipagtaka niya ang sobrang aga kong paggising. Maaga naman akong nagigising talaga, alas siete, dahil alas otso ang klase. Pero alas sais pa lang.

"May hindi ka sinasabi sa 'kin, Dainty,"nangangaral na ang tinig niya, nahuli na naman ako.

Nangilid agad ang mga luha ko sa takot. Siguro ay ganoon nga ang mga nanay, nalalaman kapag may bumabagabag sa kanilang anak. Kaya kahit na hindi ko tunay na ina si Nanay Heurt, alam niya ang laman ng damdamin ko. Maaari ring ganoon na lang talaga siguro kahalata na may malalim akong iniisip.

"Alam mo naman na mapagkakatiwalaan mo ako, hindi ba?" ngumiti si nanay nang mahalata marahil ang takot at kaba ko. "Mahirap kimkimin iyan," malungkot niyang dagdag, kinukuha ang tiwala ko. "Kahit ano pa iyan, magtiwala ka sa 'kin, maiintindihan kita, Dainty," ngiti niya.

Napatitig ako sa kaniya at hindi ko namalayan ang magkakasunod na pagpatak ng aking mga luha. Nagmamadali ko iyong pinunasan dahil sa hiya.

"'Nay..." napayakap ako sa kaniya nang mahigpit. Tuloy ay nagsabay ang naghahabulang tibok ng mga puso namin. "Ano..."

"Ano iyon, anak? Sabihin mo sa 'kin."

"May..."

"May?"

"May...gusto po ako kay Maxrill Moon, 'nay..."doon lalong sumabog ang kaba ko kasabay ng mas magkakasunod pang luha.

Naramdaman ko nang mahinto siya sa paghinga at ilang saglit pa ay marahan akong iharap sa kaniya. Tumitig siya sa mga mata ko at nakahinga nang maluwang. Ilang saglit pa ay bahagya na siyang natawa.

"Pinakaba mo ako, Dainty, akala ko naman ay kung ano na ang nangyayari sa iyo."

Umawang ang labi ko, hindi makapaniwalang ganoon ang magiging reaksyon niya. Ang inaasahan ko ay pagsasabihan niya ako at saka pagbabawalan. Ang inaasahan ko ay sasabihin niyang may gusto rin si Bree kay Maxrill kaya hindi na ako maaaring magkagusto rito. Hindi ko malaman ang masarap na pakiramdam na idinulot nang ganoong reaksyon niya.

"'Nay..." Lalo ko pa siyang nayakap.

Ngumiti siya. "Hindi naman kita masisisi at magandang lalaki si Maxrill."

Nagbaba ako ng tingin. Naramdaman ko nang mag-init ang aking mga pisngi. Hindi ko maitatangging iyon talaga ang una kong hinangaan sa kaniya. Hindi ko na matukoy ang dahilan ng iba pa sapagkat sa unang kita pa lang namin ay may kakaiba na sa ugali niya. Hindi iyon kagusto-gusto pero hindi ko alam kung bakit nagustuhan ko.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon