Kabanata 4

282 24 0
                                    

Nandito na ako ngayon sa bench kung saan kami magkikita ni kuya. Dala-dala ko ang isang notebook at ballpen kung saan ko isusulat ang magagawa naming kwento at pagdating sa bahay eh ililipat ko nalang ito sa bond paper.

May dala rin akong cookies pang snack. Ginawa ito ni manang kanina para raw may kinakain kami kahit papaano. May baon rin akong tubig para hindi ako mauhaw.

Hindi pa naman dumadating si dad at hindi ko alam kung kailan ang dating niya. Wala rin namang sinasabi si manang dahil wala namang sinabi si dad sa kaniya kung kailan siya babalik.

Ang paalam ko pa naman kay manang eh pupunta ako sa bahay nina Cedrix dahil pupunta din doon sina Shrell at sabay-sabay kaming gagawa ng projects namin. Pumayag naman agad siya at sinabi niyang huwag daw ako magpapagabi sa pag uwi.

May kakaunting init pa pero hindi naman na ito masakit sa balat dahil ilang minuto nalang ay papalubog na rin naman ang araw. Wala rin namang dumadaan na tao o mga bata dahil kakaunti lang naman ang mga tao rito sa lugar namin.

Naalala ko na ang usapan nga pala namin ni kuya ay kapag wala ng araw dahil ayaw niya ngang mangitim pero masyado naman akong napaaaga rito. Okay na rin siguro 'to kaysa naman siya ang mag antay sa akin eh ako na nga itong magpapaturo sa kaniya.

Maya-maya pa ay napansin ko na wala ng sikat ng araw kaya alam kong papunta na rito si kuya. Kahit wala ng araw eh maliwanag pa rin naman ang paligid at may ilaw naman ang mga daanan rito kaya hindi rin masyadong madilim kapag gabi.

"Kanina ka pa?"

Napalingon naman ako sa likod kung saan nanggaling si kuya. Umupo naman siya sa tabi ko at tiningnan ang nakalapag na balot ng cookies.

"Ahm, medyo. Pinabaunan ako ni manang para hindi raw ako magutom. Gusto mo?"

Inalok ko naman siya ng cookies at tumanggi naman siya. Aniya'y busog pa siya dahil kumain muna siya bago umalis sa bahay nila.

Tinanong niya naman ako kung anong klaseng istorya ang gusto ko tungkol sa bampira. Sinabi ko naman na gusto ko 'yong nakakakilig at nang tanungin niya ako kung bakit 'yon ang gusto ko ay sinabi kong...

"Wala lang. Ayoko kasi ng nakakalungkot na story gusto ko 'yong masaya lang," sagot ko naman.

Tumango naman siya sa naging sagot ko. Nag isip pa siya ng kaunting minuto at sinimulan niya nang magsalita. Isinusulat ko naman ang mga sinasabi niya sa dala kong notebook.

"May isang bampira na nakakita ng isang batang babae sa gitna ng kagubatan kung saan siya naninirahan," panimula niya.

Agad ko namang isinulat 'yon at inuulit niya pa sabihin para hindi ako magkamali at masigurong tama ang naisusulat ko. Pagkatapos ko magsulat ay nagpatuloy na siya sa pagsasalita.

"Umiiyak ang batang babae. Nilapitan naman ito ng bampira at tinanong kung bakit siya umiiyak," dagdag pa niya.

Bakit naman kaya umiiyak ang batang babae? Ano kaya ang dahilan? Hindi ko naman na 'yon tinanong dahil alam kong malalim na nag iisip si kuya ng mga susunod pang pangyayari sa istorya. Ayoko naman siyang istorbohin dahil ako na nga 'yong nagpapatulong sa kaniya.

"Sumagot naman ang batang babae na naliligaw siya at agad naman siyang tinulungan ng bampira,"

Naliligaw pala ang batang babae kaya siya umiiyak. Sinulat ko naman agad 'yong sinabi niya at nang matapos ay nagpatuloy naman siya.

"Mula noon naging magkaibigan sila at halos araw-araw silang nagkikita hanggang sa lumipas ang panahon at nahulog sila sa isa't isa,"

Naging magkaibigan silang dalawa dahil sa pagtulong ng bampira. Mabuti nalang ay hindi alam ng batang babae na bampira pala ang tumulong sa kaniya dahil sigurado akong matatakot siya kapag nalaman niya 'yon.

The Untold Story Of Us (COMPLETED)Where stories live. Discover now