Chapter 33

562 25 5
                                    

This chapter is dedicated to: xavera17

Sa bawat paghakbang ko'y lumalapat ang mga paa ko sa mga tuyong dahon. Ang pagkadurog ng mga 'yon at ang nakakapanindig-balahibong tunog ng mga kuwago na animo'y kumakanta sa dilim ang sumakop sa aking pandinig. Dagdagan pa ng mga kuliglig na tila sumusunod sa akin. Tumingala ako at wala sa loob na sinundan ang bilog na buwan; ang liwanag no'n ang tangi kong gabay.

Tagaktak na ang pawis ko pagdating sa sentro ng masukal na kagubatan. Napa-ilag ako nang biglang lumipad ang mga ibon, ngunit parang ako pa 'yung nabulabog nang nadiskubre ko 'yung duguang katawan ng isang lalaki sa harapan.

"Marcus..." nanigas ako sa kinatatayuan nang nakilala kung sino 'yon.

May nagtulak sa akin para maglakas-loob na lumapit doon, pero biglang nagsi-galaw ang mga sanga ng mga puno at hinila ako palayo. Sa pagsigaw ko, may tinig na sumabay sa akin na naging dahilan upang matahimik ako.

"Kasalanan mo ang lahat nang ito, Olga! Napahamak si Marcus nang dahil sa 'yo! Sana ikaw na lang 'yung nabaril! Sana ikaw na lang!"

Dumilat ako at dali-daling bumangon. Hinawakan ko ang naninikip kong dibdib at ikinuyom ang kaliwang palad ko. Pakiramdam ko'y huminto sa pagtibok ang puso ko. Bakit nagising pa ako?

Pumikit ako ng mariin kasabay ng pagbuhos ng mga luha ko. Two weeks. Sa loob ng dalawang linggo ay palaging iyon na lang ang laman ng mga panaginip ko. Walang palya. Walang patawad. Gabi-gabi akong dinadalaw ng kunsensya ko at napapaisip kung bakit hindi na lang ako. Pero baka paraan niya 'yon para iparamdam sa akin ang galit niya. Na sa pamamagitan no'n, magtatagpo kami para maipaalala niya sa akin na walang kapatawaran ang nagawa ko.

"Wala na talaga, Olga..." ngumiti ako ng mapait habang pinupunasan ang mga pisngi ko.

Pasado alas kwatro pa lang, pero alam kong hindi na ulit ako makakatulog. Naghilamos ako at nagpalit ng damit bago nag-pasyang bumaba.

Pagkalabas ko sa bahay, nilanghap ko ang malamig na simoy ng hangin. Bukas ang mga poste ng ilaw kaya kitang-kita ko ang makapal na hamog na bumabalot sa lupain na kinatitirikan ng hacienda. Natatanaw ko sa kaliwa ang rancho at nasa bandang kanan naman ang tila nabuong kagubatan gawa ng mga naglalakihang puno.

"Good morning, Bohol!" sinubukan ko pa ring maging positibo kahit lugmok na lugmok ako ngayon.

Sa mga oras na ito, nasisiguro kong gising na ang mga trabahante ng rancho. Sinundan ko 'yung driveway at nang nasa ibaba na ay nagtuloy-tuloy ako sa paglalakad papunta sa kuwadra ng mga kabayo. Kinapa ko 'yung switch ng ilaw at nakangiting nilapitan ang puting stallion na si Winter.

Sa loob ng isa't kalahating linggo kong pananatili rito, siya ang palagi kong nakakasama tuwing umaga. Sa tulong niya'y nalilibot ko ang buong rancho maging ang mga kalapit na lupain na pag-aari pa rin nina Lola Carmelita. 

"Pa'no ba 'yan, Winter? Aalis na 'ko bukas. Wala ka nang kalaro..." sabi ko habang hinihimas ang pisngi niya. He even bowed his head and let me touched his long mane.

That warmed my heart, so I ended up giving him a smile. "Mami-miss din kita. Babalik ulit ako dito 'pag maayos na ang sitwasyon do'n."

Dumating ang tagapangalaga ng mga kabayo na si Kuya Julian. Pinatapos ko muna siya sa pagpapakain sa mga ito bago ako humingi ng permiso na ilabas si Winter.

Gunned Down (Chasing Dreams Series #4) | C O M P L E T E D Where stories live. Discover now