CHAPTER FOUR (Ten Years Ago)

2.9K 191 20
                                    

May you find relief from the bad memories of your past that make you feel unworthy.

-----------------------------

Meara

"Lana, tumawag na ang supplier ng mga ensaymada. Kailangan mo nang kunin ang mga iyon at kailangan na ni Mrs. Suarez."

Hindi ako kumibo at nagpatuloy lang sa paghuhugas ng plato. Ito na naman. Linggo-linggo na lang ginagawa akong kargador at taga-deliver ng tiyuhin kong ito. Lalo kong idiniin ang pagkuskos sa mga platong hinuhugasan ko para doon ibunton ang lahat ng inis na nararamdaman ko. Bakit lagi na lang ako? May mga anak naman siya bakit hindi iyon ang utusan niya? Dahil ba ako ang dakilang katulong nila dito sa bahay? Kinuha nga niya ako sa mga magulang ko at nangakong pag-aaralin ako dito sa Maynila pero ito naman ang kapalit. Halos wala na akong panahon sa sarili ko. Ang tanging silbi ko dito sa bahay nila ay pagsilbihan siya at ang buong pamilya niya. Ang asawa at mga anak niya. Minsan pati ang pamilya ng asawa niya. Tapos ngayon pumasok sa isang negosyo at ako ang ginagawang taga-kuha at taga-deliver ng mga ensaymada na iyon.

Nakakainis. Hindi ko na magawang maging isang teenager. Oo nga at pinag-aaral nila ako pero kulang pa ang beinte-kuwatro oras sa dami ng utos nila. Kapag nasa eskuwelahan ako, walang katigil-tigil ang pagtunog ng telepono ko. Papasok pa lang ako ay sunod-sunod na ang text nila para lang ibilin ang mga gagawin ko dito sa bahay pag-uwi ko. Kahit nagka-klase sige sila ng tawag at text para itanong ang mga bagay sa bahay nila kung saan nakalagay. Kung hindi ba naman sila mga burara, 'di sana alam nila kung saan nakalagay ang mga gamit nila. Minsan, naiisip kong huminto na lang sa pag-aaral at pumasok ng katulong sa ibang bahay. At least doon may suweldo at mayroong day off. Pero dito kina Tiyong Lando, bukod sa allowance na three hundred linggo-linggo na sinasabi niyang inililista niya dahil utang daw iyon ng magulang ko na dapat bayaran kapag nakatapos ako, tulog sa gabi na lang ang pahinga ko. Matutulog ng alas-dose o ala-una ng madaling araw para tapusin ang mga trabaho dito tapos gigisingin ng alas-kuwatro y' media para ipaghanda sila ng almusal at linisin ang buong bahay. Kailangan ko pang ihanda ang panligo ng mga anak niya. Kailangang ipag-init ng tubig. Ipag-igib. Ipagplantsa ng mga damit pagpasok sa eskuwela. Bago ko pa maayos ang sarili ko para naman pumasok, pagod na pagod na ako. Kaya madalas, kahit nasa klase ay napapaidlip ako.

"Hoy! Narinig mo ba ang sinabi ko?"

Muntik na akong masubsob sa lababo sa lakas ng pagkakatulak sa akin ni Tiyong Lando. Napahinga na lang ako ng malalim at tumango habang binabanlawan ang mga plato na hinuhugasan ko.

"Oho," mahina kong sagot.

"Siguraduhin mong bibilangin mong mabuti ang mga ensaymada. Huwag na huwag mong tatangkain na kainin kahit isa sa mga iyon kundi talagang malilintikan ka sa akin. Ayokong masira sa mga customer ko," may halong inis ang pagkakasabi noon ni Tiyong.

Hinugot ko ang pamunas na nakasabit malapit sa ref at sinimulang tuyuhin ang mga plato. Tinapunan ko siya ng tingin at nakaupo siya sa harap ng mesa at nagbibilang ng pera. Nakangiti pa nga si Tiyong habang inilalatag ang mga lilibuhin at dadaanin na mga perang papel. Lalo lang sumama ang loob ko nang tawagin niya ang mga anak na si Chloe at Cherry. Nakatingin lang ako sa kanila habang nagbibilang si Tiyong ng pera. 'Tig limang libo ang ibinigay niya sa mga anak niya na ang gaganda ng ngiti.

"Ayan. Sabi 'nyo may nakita kayong damit na gusto 'nyong bilhin. Saka pang-Shopee 'nyo." Ibang-iba ang tono ni Tiyong habang kausap ang mga anak niya. Ang saya ng tono. Samantalang kapag ako ang kausap, laging pabulyaw. Laging parang inis.

Hindi ko maiwasan ang hindi makaramdam ng inggit. Naaawa ako sa sarili ko. Pinigil ko ang sarili kong mapaiyak at ipinagpatuloy ko na lang ang pagtutuyo ng mga plato.

PERFECT LIE (COMPLETE)Where stories live. Discover now