CHAPTER FIVE (Interrogation)

2.6K 178 13
                                    


Always trust your gut feelings. If you feel that something is wrong, that's because it usually is.

Riel

            Tahimik akong nakatayo sa loob ng opisina ni Chief Gardo Magtanggol. Nakalatag sa mesa niya ang mga litrato ng mga pusher na under surveillance. Kung tutuusin, hindi naman ako dapat kasali dito. Kabago-bago ko pa lang sa serbisyo. Bagitong pulis. PO1. 'Yan ang mga tawag sa katulad naming baguhan sa serbisyo. Errand boy pa nga madalas ng mga may ranggo na dito. Pero hindi ako nagrereklamo. Ginusto kong maging pulis. Mataas ang tingin ko sa mga katulad nila at kapag nagtagal, gusto kong maging katulad ni Tatay Javier na isang matino at disenteng pulis.

            Kaya talagang nagulat ako na isang araw ay sinabihan akong kasama ako sa operation na ito. Sabagay maraming pulis ang kailangan nila. Hindi kasi iisang tao lang ang huhulihin namin. Marami itong mga drug pusher na nagkalat sa Barangay Trinidad. Notorious ang isang lugar doon na talamak sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot. Ang front ng supplier ay taga-gawa ng mga ensaymada at doon sa loob ng tinapay na iyon inilalagay ang mga naka-paketeng shabu. Ilang linggo din naming sinundan ang mga key person na under surveillance. Ang napunta sa amin ay isang teenager na babae. Napapailing ako nang maalala ko ang hitsura ng babaeng iyon. Neneng na neneng. Kapag kumuha nga ng mga ensaymada sa bahay ng supplier ay nakapambahay lang. Hindi mapagkakamalan na drug pusher sa batang edad.

            "Silva. Varona. Ngayong gabi ay isasagawa ang paghuli sa mga under surveillance targets 'nyo. Siguraduhin 'nyong madadampot silang lahat ngayong gabi. Dahil siguradong kapag nabulabog ang mga iyan, wala na tayong ibang pagkakataon na mahuli pa sila." Iyon ang narinig kong sabi ni Chief Magtanggol. Muli ay tinitingnan niya ang mga litratong ipinasa sa kanya ng mga kasali sa operation na ito.

            "Masyado na akong nadidikdik ng media. Sinasabing mga inutil ang kapulisan dahil hindi na masugpo ang talamak na bentahan ng droga sa lugar na iyan." Dinampot nito ang litrato ng babaeng teenager na naglalakad na may dalang supot. "Tingnan 'nyo ito. Pabata nang pabata ang mga drug pusher. Ilang taon na ito? Disi-sais? Disi-otso? Sa ganyang kamurang edad namulat na sila sa bentahan ng droga. Ngayon pa lang kailangan na nating masugpo ito."

            Hindi ako kumibo. Naramdaman kong siniko ako ni Varona.

            "Saan tayo pagkatapos? Dating gawi? Miss ko na si Daisy." Kumindat pa ito sa akin kaya natawa ako. Muli ay tumingin ako sa gawi ni Chief Magtanggol na patuloy sa pagsasabi kung ano ang dapat naming gawin sa operation na ito.

            "Intindihin na muna natin ito. Alam mong mas importante ito kaysa kay Daisy," natatawang sagot ko sa kanya. Ang Daisy kasi na sinasabi niya ay ang babaeng nakilala niya sa bar na pinupuntahan ng mga kasama namin. Minsan akong naisama doon dahil birthday ng isang pulis. Ayos lang naman. Pero wala naman akong hilig sa babae. Ayaw kong magkaroon ng distraction sa trabaho.

             "Lumakad na kayo. Ayaw ko ng kahit anong sablay sa operation na ito. Tandaan 'nyo na ang mata ng media ay nasa atin." Muli ay paalala ni Chief.

            Dinampot ko ang folder at sumabay sa ibang mga pulis na palabas ng silid niya. Nakasunod sa akin si Vic tapos ay dumeretso kami sa mesa ko. Tiningnan ko ang service fire arm ko, ang mga dokumento na kailangan ko para sa operation namin.

            "Ano? Tara? Sagot ko," pambubuyo pa ni Vic habang naglalakad kami pasakay sa sasakyan na issue sa amin. "Type ka 'nong kaibigan ni Daisy. 'Yong magiling gumiling. Panigurado gigilingan ka din 'non sa kama." Nanunukso pa ang tono ni Vic.

            "Tigilan mo na muna si Daisy. Ito na muna ang intindihin natin. Kailangan nating hindi sumablay dito." Sagot ko sa kanya at sumakay sa driver's side at ini-start ang kotse.

PERFECT LIE (COMPLETE)Where stories live. Discover now