Sa Pagitan ni ar_verayo

15 0 0
                                    

Sa Pagitan ni ar_verayo

Rinig na rinig mula sa kabilang kwarto ang masiglang tinig ng kantang Boys Don't Cry na siyang ikinagising ni Jimwell

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Rinig na rinig mula sa kabilang kwarto ang masiglang tinig ng kantang Boys Don't Cry na siyang ikinagising ni Jimwell. Kunot noong bumangon ang binata at sinimulang ayusin ang mga nakakahong gamit. Alas tres ng madaling araw na kasi siya nakalipat sa boarding house dahil sa haba ng biyahe galing Laguna.

Umikot ang kanyang tingin sa kwarto, maliit lang ito pero sapat na para sa kaniya. Wala rin naman siya sa posisyon na maghangad dahil lumuwas siya para sa kanyang pamilya at wala ng iba pa.

Sa kanyang pag-aayos, napatigil siya nang mapansin ang sobreng nakapatong sa isang kahon. Akala niya'y galing ito sa kanyang mga magulang ngunit ibang pangalan ang nakalagay rito. Nang itinanong niya sa may-ari ng bahay ang sulat, sinabihan na lang siyang itabi ito kung sakali.

Mistulang nalunod sa daloy ng buhay si Jimwell matapos niyang lumipat at magtrabaho bilang mekaniko sa kalapit na talyer. Ang bawat araw ay paulit-ulit na tulog-trabaho, gayunpaman nagpapasalamat pa rin siya dahil madali siyang nakahanap ng trabaho sa Maynila at dahil dito makapagpapadala na siya sa kanyang pamilya sa katapusan ng buwan.

Pagod一 humilata ang binata. At sa kanyang pagbuntong-hinga'y nahagip ng kanyang paningin ang isa na namang sobre.

Pinikit niya ang mga mata, iniisip niya kung nasaan na kaya ang may-ari ng mga sulat.

Ang suwerte naman nito dahil may taong nag-aalala sa kanya, sa isip-isip ng binata. Pero, kawawa rin 'tong nagpapadala kung hindi masasagot ang kanyang mga sulat, bulong mula sa sulok ng kanyang utak.

Kung ako nalang kaya ang sumagot? Tutal pareho lang kaming nag-aabang ng tao na kakausap, na kalinga. Pakikipagtalo niya sa kaniyang sariling isipan.

Ito ang nag-udyok sa kanya upang magpanggap at sumagot sa estrangherong nagpapadala.

Sa likod ng kanyang isipan, alam ni Jimwell na mali ang kanyang ginagawa. Gayunpaman ayaw rin niyang magsinungaling sa kanyang sarili. Hindi man niya kilala sa personal ang nagpapadala, siya na ang naging tuwa sa lungkot, ginhawa sa dilim, at pahinga sa kanyang pagod. Siya na kulay sa ang blangko niyang buhay. Ang kanilang mga madamdaming usapan ang nagkokonekta sa kanila. Para bang walang distansya, kaharap lang ang isa't isa at nasa iisang pahina.

Sa galak ay nai-kuwento niya ang kanyang ka-penpal sa mga katrabaho at lahat ay naging taga-subaybay sa kanilang palitan ng sulat.

"Kailan ba namin 'yan makikilala?" Usyoso ng kaniyang katrabaho na si Mang Ben. "Ninong ako sa kasal ha?"

"Grabe si Mang Ben, simula palan-"

"Doon na rin pupunta 'yan! Maniwala ka sa'kin, 'yang mga ngiti mo?" Turo niya sa binata. "Hindi lang saya 'yan..." Hinawakan siya nito sa braso."Mahal mo na." Tapik niya.

Matapos ang usapan, umuwi si Jimwell na para bang binagsakan ng langit. Napatingin siya sa bentilador ng kwarto na pabalik-balik ang galaw.

Kaliwa-kanan.

Kaliwa-kanan.

Maski ito ay hindi sang-ayon sa huwestyon ni Mang Ben na kanina pa bumabagabag sa isipan ng binata.

Mahal mo na.

Katagang paulit-ulit niyang naririnig sa kanyang utak

Pero paano?

Kung hindi naman totoo ang lahat?

Bumalik siya sa ulirat nang may narinig siyang dalawang katok. Binuksan niya ang pintuan at nakita ang boardmate na may bitbit na sulat para sa kanya... na para talaga sa iba.

Pagkabukas niya rito'y tumambad sa kanya ang matatamis na salita,

Kumusta ka na? Kay ganda ng sikat ng araw kaninang umaga nang maisip kita.

Paano kaya kung silay natin ito ng magkasama? Siguro ... mahihigitan nito ang ganda ng pinagsamang sikat ng mga bituin at araw.

Bakit ganoon, ang minsang mga salitang nag-aahon sa kanya sa araw-araw, ang mukhang papatay sa kanya ngayon?

Maaari ba tayong magkita? Salitang tuluyang tumarak sa puso ng binata.

Hindi na sumulat pabalik si Jimwell. Alam niya sa sarili niya kung hanggang saan lang siya, kung kailan siya dapat tumigil. Pero ang totoo? Natatakot siya. Kapag nalamang nagpanggap lamang siya ay mawawalan ng saysay ang lahat ng kanilang mga pinagsamahan at paniguradong kakalimutan siya nito. Kung ang hindi nila pagkakakilala ang magiging daan para maalala siya nito sa tanang buhay, mas gugustuhin niya ang ganoon.

Sumapit ang nakatakdang araw ng kanilang pagkikita. Sinuot ni Jimwell ang madalas niyang suot sa trabaho, ang gulanit niyang panloob at oberols. Pagpasok niya, nakita niya si Mang Ben na may kausap na parokyano habang ang mga kasamahan niya naman ay abala sa pag-aayos ng mga kotse. Mukhang nakabalik na nga siya... sa puti't itim niyang buhay. Buntong hininga.

Inaayos niya ang kanilang mga gamit sa talyer nang kausapin siya ni Mang Ben.

"Aba ang gwapo natin ngayon, Jimwell ah. Magkikita na ba kayo ng ka-penpal mo?"

Ikinagulat ito ng binata. Hindi niya kasi nabanggit sa mga ito ang pagyaya ng kasulatan sa disco kaya't nagtatakang tumingin sa matanda.

Tinuro nito ang kulot niyang buhok, "Hindi ba? Sayang naman ang ayos ng buhok mo." Napatingin siya sa salamin na nakasabit sa pader ng talyer. Kung dati ay lagi itong nakatali para hindi maka-abala sa trabaho, nakahati ito at nakataas ang kalahating parte.

Nagpaalam ang binata at dali-daling bumalik sa boarding house at nagbihis ng puting kamiseta at acid wash na pantalon.

Hindi bale nang hindi siya nito tanggapin, ang mahalaga'y masabi niya ang kanyang nararamdaman.

Ngunit pagkapasok sa diskuhan agad itong napalitan ng kaba at pangamba. Umikot siya, naghahanap ngunit walang ni isang ideya kung sino sa kanila ang dapat niyang kikitain. Nawalan na siya ng pag-asa nang may lumapit na binata sa kaniya.

Kinumusta siya nito at itinanong kung bakit siya nasa diskuhan.

"May kikitain sana ako kaso mukhang wala 'e."

Kasalanan ko rin naman, hindi ko sinagot ang sulat niya noong nakaraan, isip niya.

Natawa ang estranghero sa kanya, "Pareho pala tayo! Ewan ko rin ba kung ba't pa ako tumuloy kahit na hindi na siya sumagot sa mga sulat ko." Tumigil ito't nagpatuloy,"Pero wala 'e, mahal ko na ata."

Nanuyo ang lalamunan ni Jimwell,

"Toni?"

Nanlaki ang kanilang mga mata, silay nito ang gulat at pagkasabik sa isa't isa. Sa puntong ito, walang salitang namagitan sa kanila. Ang alam lang nila sila ay nasa... iisang pahina.


Kilig AnthologyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon