Patawad by HopelessWings

36 1 0
                                    

Patawad byHopelessWings, winner of Mahalima Hanggang sa Huli contest

Patawad byHopelessWings, winner of Mahalima Hanggang sa Huli contest

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

PATAWAD
Written by Ceejay Barangan

HAWAK ang isang kulay asul na sobre ay walang humpay ang ngiti sa iyong labi habang tumatakbo patungo sa iyong silid. Mabilis pa sa kidlat ang pagpunit mo sa pinadalang sobre at medyo nanginginig ang kamay habang binabasa ang nakasaad sa sulat.

Sinulyapan mo ang kalendaryong nakasabit sa iyong pintuan bago tumango. Hindi mo napansin kung gaano kabilis ang panahon, lalo na't abala ka sa iyong trabaho— Marso na pala.

Ililigpit mo na sana ang sobre't sulat nang mahulog ang isang kulay asul na kard. Sa pinaghalong kaba't gulat ay dumapo ang iyong kanang kamay sa kumakabog mong dibdib. Ilang ulit mong binasa ang nakalagay sa kard hanggang sa tuluyan mo itong nabitawan.

"Pablo Nase and Constantine Hermosa as the emcees?"

Pagkabasa mo palang sa pangalan ng iyong High School crush ay gusto mo nang sumigaw sa kilig. Pagkatapos ng sampong taon na walang komunikasyon, o balita man lang sa isa't isa ay magkikita ulit kayo sa paparating na reunion.

Sa ligayang naramdaman mo ngayon ay alam mong siya pa rin ang tinitibok ng iyong puso.

Walang maaaring pumalit kay Pablo dahil nag-iisa lang siya sa mundo.

***

NAKATAYO ka sa harap ng salamin. Tiningnan mo mula ulo hanggang paa ang iyong repleksyon habang hindi mapigilan ang sayang naramdaman. Hapit sa iyong katawan ang suot mong kulay asul na damit na pina-rush mo sa isang boutique. Mahaba at wala itong strap na ipinares mo sa kulay asul na heels.

"Kaya mo 'yan, Constantine!"

Kinuha mo ang susi ng iyong kotse na nakapatong sa lamesa bago lumabas ng bahay. Ang kaba't takot na iyong naramdaman noong nakaraang linggo ay napalitan nang walang kupas na saya at kilig.

Gabi bago ang nasabing reunion ay nakatanggap ka ng isang mensahe galing kay Pablo. Hindi mo alam kung paano niya nakuha ang numero mo sapagkat ilang beses kang nagpalit ng sim card. Ang iyong mga social media account naman ay deactivated, maliban na lamang sa Youtube.

Laking tuwa mo nang matanggap ang imbitasyon ni Pablo na sunduin ka niya— kaso tinanggihan mo.

Ilang taon din kayong hindi nag-usap pagkatapos ng Kolehiyo, kaya may karapatan kang matakot at mangamba. Marami kayong mga alaala simula Freshman at saksi ang batch niyo sa High School. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit kayong dalawa ang ginawang emcee sa gabing hindi mo malilimutan.

Sakay sa magara mong kotse ay sumasayaw ka sa tunog ng musika. Gusto mo agad makarating sa hotel at makita muli ang lalaking nagpatibok ng iyong puso.

Pero sa hindi inaasahan na pagkakataon ay bumangga ang isang walang preno at rumaragasang trak sa iyong direksyon. Wala kang nagawa kun'di ang pumikit at manalangin— na sana makita mo pa siya kahit sa huling pagkakataon.

***

"BAKIT ito nangyari sa kanya? Kung kailan magkikita kami muli at may lakas ng loob upang umamin— bigla na lang siya nang-iwan."

Bakas sa iyong mukha ang pagtataka nang magmulat ka ng mga mata. Naalala mo ang nangyaring aksidenti, pero wala kang ideya kung bakit ka nagising sa isang madilim na silid. Ibinaling mo ang iyong tingin sa pinanggalingan ng boses at laking gulat mong makita si Pablo.

Wala siyang kasama, pero umiiyak siya.

Wala kang naintindihan sa kanyang sinabi hanggang sa, "Mahal na mahal kita, Constantine. Ikaw lang ang babaeng minahal ko at ang mamahalin ko panghabang buhay."

"Pablo. . ."

Lumapit ka kay Pablo at hahawakan sana ang kanyang pisngi nang lumagpas lamang ang iyong kamay sa kanyang mukha. Ilang beses mong sinubukan habang paulit-ulit na isinisigaw ang kanyang pangalan, pero walang nangyari.

Hindi ka niya nakikita.

Hindi ka niya naririnig.

Hindi ka niya naramdaman.

At doon mo napagtagpi-tagpi ang lahat— patay ka na.

"Kay lupit ng tadhana, 'no? Magkikita na sana tayo at masabi sa 'yo ang tunay kong naramdaman— mahal na mahal din kita, aking Pablo."

Pikit ang iyong mga mata ay nagawa mong sabihin sa huling sandali na, "Patawad mahal ko, pero hanggang dito na lang tayo."

Nang tumulo ang luha sa iyong pisngi ay narinig mo ang palakpakan ng mga tagapanood. Pagkasara ng kulay pulang kurtina sa entablado ay siyang paggalaw ng mga tauhan sa ginawa mong dula na may halong panunukso.

Hindi mo nagawang magsalita nang may kamay na humawak sa iyong braso— si John Paulo Nase na gumanap bilang Pablo.

"Gusto ko lang sabihin na maganda ang kuwento, pero masakit sa puso."

Sasagot ka na sana nang marinig mong tinawag ang lahat sa entablado para sa pangwakas na pahayag. Ang kamay ni John Paulo na nasa iyong braso ay naglakbay patungo sa iyong kamay sabay sabing, "Tara na't ipasa sa iyo ang korona, aking Konstantin."

Sa ikalawang pagkakataon ay narinig mo muli ang palakpakan na may halong sigaw. Nakatayo kayong lahat sa harap upang bigyan ng parangal sa ginanap na dula. Nakasulyap ka lang kay Pablo hanggang sa tinawag ang iyong pangalan.

"Constantine Hermosa bilang Konstantin sa dulang Patawad. Ikaw ay pinapangaralan bilang isang mahusay na aktres at manunulat ng kuwento."

Tinanggap mo ang ibinigay na bulaklak at mga sertipiko bilang patunay sa iyong galing bilang aktres at manunulat. Laking gulat mong tiningnan ang Principal nang inabot niya ang mikropono sa 'yo.

"May isang tanong ang madla para sa manunulat," Saad ng Principal bago tiningnan ang mga manonood. "Ano ang nagtulak sa 'yo upang isulat ang kuwento ni Pablo at Konstantin?"

Hindi maitanggi ang kaba na iyong naramdaman habang tinatanggap ang mikropono. Sa huling pagkakataon ay sinulyapan mo si Pablo na siyang nakatingin sa iyo na may matamis na ngiti.

Kung hindi ngayon, kailan?

"Una sa lahat," Huminga ka nang malalim bago ngumiti kay Pablo. "May gusto akong tao, pero katulad ni Konstantin, naduduwag akong umamin. Paano kung hindi niya ako gusto? Pero ga-graduate na kami next month at hindi ko alam kung makikita ko pa siya."

Kung hindi rito, saan?

"Pero ayaw kong matulad ang kuwento namin kina Pablo at Konstantin. Isinulat ko ang Patawad dahil iyon mismo ang kinatatakutan kong mangyari kung hindi ako magtatapat bago ang graduation. Kaya John Paulo Nase—"

Kung hindi siya, sino?

"Gusto kita!"

W A K A S

Kilig AnthologyWhere stories live. Discover now