1 | New Chance at Love

29 4 0
                                    

Naka-imprinta na yata ang magiliw na pagkurba ng labi ni Antoinette

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Naka-imprinta na yata ang magiliw na pagkurba ng labi ni Antoinette. Batid niya ang pananakit ng kaniyang panga sa walang humpay na ngiting pagbati sa mga turistang nagtse-check in sa hotel na kaniyang pinagtatrabahuhan. Kasagsagan ng summer kaya maraming mga dayo ang naninirahan ngayon sa Hotel del Franco. Malapit lamang kasi ito sa isang kilalang tourist spot sa bohol.

Sa katunayan, bagong hire pa lamang ang bente tres anyos na si Antoinette noong isang linggo. Naglakas-loob siyang mag-apply bilang receptionist sa hotel dahil na rin sa kakapusan nang pantustos sa medisina ng kaniyang amain. Nakapagtapos din naman siya sa kursong BS-HRM at magaganda pa ang markang nakuha noong nag-aaral pa, kaya't laking tuwa niya noong natanggap siya. Lingid sa kaniyang kaalaman, hindi lamang pala iyon ang dahilan.

Kakarating lamang niya sa front desk dahil saglit siyang nagbanyo nang humarang ang chinitong si Luis, sabay tanong, "Kamusta naman ang amain mo, Antoinette?"

"M-Maayos naman. Kakalabas niya lang galing hospital," sagot na lamang ni Antoinette kahit batid niya ang motibo ng binatang bell boy.

Sa isang linggo niyang karanasan doon, ramdam niya ang kakaibang tingin ni Luis. Hindi rin naman siya manhid para hindi maramdaman ang nais nitong ipahiwatig.

Iwinaksi ni Antoinette ang ideyang yaon. Alam niya sa kaniyang puso na imposible para sa kaniya ang pumasok muli sa ganoong bagay. Matagal nang naibenta ang kaniyang puso sa pag-aakalang iyon ang nararapat, ngunit nagkamali siya sa desisyon. Naging mitsa iyon kung bakit nagkasugat ang kaniyang puso, at wala pang gamot ang kayang hilumin ito... Hindi niya pa nahahanap.

Bahagyang napayukod si Antoinette upang mahanap ang ballpen, pangsulat sana dahil may isang may-katandaang ginang ang madaling nakakalimot sa kaniyang room number. Kinapa niya ang ilalim ng desk hanggang sa may nahagip ang kaniyang kamay.

Kumudlit ang kyuryusidad sa kaniya habang pinagmamasdan ang tsokolate. Ang mas yumanig sa kaniya ay ang sulat kamay na love letter. Pumasok sa isip niya na baka galing ito kay Luis. Ang hindi niya lamang maintindihan ay ang 520 na numerong nakasulat sa hulihan ng liham.

Dumaan ang mga araw hanggang sa isang linggo na naman ang lumipas. Magda-dalawang linggo na siya sa Hotel Del Franco. Sa nagdaang isang linggong iyon, walang humpay ang paglalagay ng misteryosong tao ng tsokolate't letter sa kaniyang desk. Ni minsa'y hindi niya nahuli ang pahamak na binatang kahit hindi niya man amini'y pinapalundag ang kaniyang puso. Hindi na niya maisip na baka si Luis nga iyon. Ibang-iba ang mga hugot sa bawat letra nito. Kinikiliti ang kaniyang pusong sugatan, sa hindi niya malamang dahilan.

'Mamayang gabi na gaganapin ang Annual Party Celebration ng Hotel Del Franco. Inaanyayahan tayong lahat na dumalo lalo't paparito ang Senyor Dominiko at Senyorito Philip.'

Wari'y nasa karera ang kaniyang puso, sa mabilis nitong pagpitik. Apat na taon na rin ang lumipas simula nang huli niyang narinig ang mga pangalang iyon. Inakala niyang matagal-tagal pa bago siya gapangin ng nakaraan ngunit ilang minuto na lamang ay sisindakin na siya nito.

Bakit pa nga ba siya magtataka na magkukrus ang landas nila gayong ang pamilya nito ang amo niya?

"Tonet, anak ko, iiwan mo na si Papa?"

Parang piniga ang puso ni Antoinette nang narinig ang nanginginig na boses ng nakahigang amain. Palagi itong takot sa imahinasyong pati siya ay iiwan na rin ito. Kahit kailan ay hindi niya iyon gagawin sa amain. Hindi siya tutulad sa kaniyang ina.

Ginanap sa function hall ng Hotel ang kasiyahan, na malayu-layo sa mga turista, upang hindi sila maistorbo. Batid ni Antoinette ang pagka-persistent ni Luis noong dumating ang sayawan ngunit hindi siya nakumbinse nito.

"Can I have this dance?" Isang malalim na boses ang nagpatuod kay Antoinette. Hindi pa siya nakakahanap ng salita'y nasa matipunong bisig na siya ng isang binata. Ang lalakeng inukit mula sa kaniyang nakaraan.

"You changed a lot, Antoinette. You're more charming than before... Those times when we were happily together," ani ng binata.

Parang kinapusan ng hininga si Antoinette. Hindi pa rin ito nakalilimot. Bitbit pa rin pala nito ang larawan ng kanilang nagkalamat na pag-ibig.

"A-Alam kong matagal na nang tayo'y huling nagkita, Sir Philip. M-Marami na rin pong nagbago sa inyo... Sikat na po kayong artista sa Luzon." Totoo nga namang wari'y isang tala na ang dati niyang nobyo, dagdag pa ang kaalamang ang pamilya nito ang nagmamay-ari sa tanyag na hotel sa Bohol.

Naalala niya pang siya ang dahilan ng kanilang paghihiwalay. Kahit parang sinaksak ang kaniyang puso nang nakipaghiwalay siya sa binata, ginawa niya pa rin. Inakala niyang iyon ang nararapat para mas umusbong pa ang career nito sa showbiz.

"The decision you made four years ago pained me, Antoinette. We promised to stick with each other, whatever circumstances would hinder our way. B-But it was you who broke our thread. You tore the threads that tangled our love..."

Kumawala ang mga mga hikbi ni Antoinette, lalo na noong hinaplos nito ang kaniyang pisngi. "...pero hindi pa huli ang lahat. There's always a new chance for our love. I'm thankful that you received my letters. It was written four years ago after our break up. Those were the proof that I didn't stop loving you, Antoinette. My heart yearns for you, my love."

Ipinaikot siya ng binata. "520?" Hindi makapaniwalang tanong ni Antoinette.

"May 20, the day you oath your love for me. It was also the day you broke us apart."

Alam niyang pagsisisihan niyang muli ang desisyong ito, ngunit baka iyon na ang huling panahon na ibinigay ng Panginoon para maitama ang kaniyang mali noon. Kahit saglit lang ay maramdaman niya man lamang muli ang pagmamahal ng binata.

Mabilis pa sa alas kwatrong dinamba niya ito ng yakap habang umuulan ng luha ang kaniyang mga mata.

"W-What about the chocolates?"

"Chocolates? I only gave you letters."

Sa di kalayuan, nakita ni Antoinette ang nakalaylay na balikat ni Luis. May hawak itong tsokolateng kapareho nang natanggap niya. Napabuntong-hininga si Antoinette.

Kilig AnthologyWhere stories live. Discover now