Ikaw Pa Rin ni loveisnotrude

31 1 1
                                    

Ikaw Pa Rin ni loveisnotrude, winner ng Mahalima Hanggang sa Huli Contest.

DIRE-DIRETSO LANG ANG iyong paglalakad nang maaninag mo ang isang pamilyar na pigura 'di kalayuan sa iyong puwesto

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

DIRE-DIRETSO LANG ANG iyong paglalakad nang maaninag mo ang isang pamilyar na pigura 'di kalayuan sa iyong puwesto.

Halos limang taon na ang nakalipas pero gano'n pa rin ang iyong nararamdaman nang magsalubong sa gitna ang inyong mga tinging nangungusap—nandoon pa rin ang marahang pagkabog ng iyong puso, pagkagulo ng mga paruparo sa iyong tiyan, at ang malungkot na pagngiti ng iyong mga mata.

Hindi ka pa rin talaga nagbabago.

Pati nararamdaman mo sa kaniya ay gano'n pa rin.

"May gusto sana akong sabihin sa iyo bago . . . bago ako umalis."

Napayuko ka na lang sa sinabi niya habang pilit na pinipigilan ang pag-uunahan ng iyong mga luha na tumulo sa pisngi mo.

"Gusto kita. Matagal na."

Sa apat na salitang narinig mo mula sa kaniya, hindi mo na alam kung matutuwa ko ba o mas lalo lang masasaktan.

"Bakit . . . Bakit ngayon mo lang 'yan sinasabi sa akin, Josh?"

"Dahil hindi ko na alam kung kailan pa ako ulit mabibigyan ng pagkakataon para ipagtapat itong nararamdaman ko sa iyo."

"Aalis ka na. Iiwan mo ako—itong lugar na kinalakihan natin. Bakit naisipan mo pang iwan din 'yang pagmamahal mo sa akin?"

"Dahil gusto kong may balikan, Athena."

"Pero—"

"Mahihintay mo naman ako, 'di ba?"

Hindi ka agad nakasagot. Oo, sigurado kang mahihintay mo siya. Pero siya ba, gaano ba siya kasiguradong mahihintay ka pa niya?

"Ibang mundo na ang papasukin mo. Paniguradong marami kang makikilala na mas maganda, mas mabait, mas matalino, mas---"

"Hangga't hindi sila ikaw, Athena, wala akong pakialam sa kanila. At ipinapangako kong babalik ako—babalikan kita at ang pagmamahal kong iiwan ko sa iyo."

Huminga ka nang malalim bago tuluyang sinalubong ang kaniyang mga tingin. Isang matamis na ngiti ang kumawala sa iyong mga labi bago binitiwan ang mga salitang, "Maghihintay ako, Josh, kasi . . . gusto rin kita."

"Josh . . ." mahinang bulong mo sa hangin. Hindi ka pa rin kasi makapaniwala na makalipas ang ilang taon, bumalik na nga ang taong akala mo ay hindi na.

"Athena."

Nabalik ka sa realidad nang marinig mo ang kaniyang pamilyar na boses. Sa pagkatulala, hindi mo na namalayan na ilang metro na lang ang layo ninyo sa isa't isa.

Pero bago mo pa muling mabanggit ang kaniyang pangalan, natigilan ka na sa pagsulpot ng bata mula sa likuran niya.

"Mama!"

Nanlaki ang iyong mga mata. "Ikaw na bata ka! Alam mo bang kanina pa kita hinahanap? Saan ka na naman ba nagsususulpot?"

"Naglalaro lang po kami doon sa may puno ng mangga."

"At may sugat ka na naman sa tuhod! Ikaw talagang bata ka—"

"Ito po kasi si Kuya Pogi, hindi tumitingin sa nilalakaran niya kaya nadapa ako. Pero tinulungan niya naman po ako tapos ihahatid niya pa dapat pauwi. Hehe."

Sa pagkasabi niya n'on, saka lang muling sumagi sa isipan mo ang presensiya niya.

Nababakas sa kaniyang mukha ang pagkalito at pagkadismaya na may halong kalungkutan habang palipat-lipat ang tingin niya sa inyo ng anak—

"Mama? T-Tama ba ang dinig ko? Tinawag ka niyang mama?"

"Mama, magkakilala po kayo ni Kuya Pogi?"

"Jona, mauna ka na sa bahay. Susunod din ako agad."

"Okay po, mama!"

Napailing ka na lang sa kakulitan at ka-cute-an ni Jona. Matapos mong sundan ang direksyon na nilakaran nito, tuluyan mo nang hinarap si Josh.

"May anak ka na pala?"

Imbes na sagutin ang kaniyang katanungan, niyaya mo na lang siyang maglakad papunta sa lugar na madalas ninyong pagkitaan noon. Sa lugar kung saan din kayo huling nagkita't nagkausap. Sa lugar kung saan kayo nagtapat ng pagmamahal sa isa't isa bago ninyo tahakin ang kaniya-kaniyang mga landas.

"Hindi ko inaasahan na madadatnan ko pa rin 'tong puno ng mangga sa pagbabalik—uy! At nandito pa rin yung iginuhit natin, o!"

Napangiti ka na lang habang pinagmamasdan ang mga pangalan ninyong nakaukit sa puno. Parang kailan lang . . .

"Nagbalik ka," bulong mo. Hindi mo inaasahan na maririnig niya iyon. Kaya nang mabilis ka niyang nilingon, nagulat ka talaga. Muntik ka pang mawalan ng balanse pero mabilis ka naman niyang nasalo. "S-Salamat."

"Huli na ba ako?"

"Alam mo ba—nung sinabi mong babalik ka, hindi ko inaasahan na gano'n pala katagal. Halos limang taon mo rin akong pinaghintay, Josh."

"Athena . . ."

"Pasalamat ka, magaling akong maghintay."

Mukhang mas lalo siyang naguluhan sa sinabi mo kaya natawa ka na lang sa iyong loob-loob. Agad mo kasing na-gets kung ano ang iniisip niya mula kanina pa.

"A-Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hindi ko anak si Jona. Pamangkin ko lang ang pasaway na bata na 'yon. Anak ni ate."

"P-Pero bakit mama ang tawag niya sa iyo?"

"Mahabang kuwento, e. Pero simula kasi nang mamatay si ate sa aksidente, ako na ang tumayong nanay ni Jona."

"Sorry. Hindi ko na dapat—"

"Sshhh. Wala kang kinalaman sa aksidente at mas lalong wala kang kasalanan kaya wala kang dapat ika-sorry."

Nang masilayan mo na ang pagngiti niya, muli mong naramdaman ang mga naramdaman mo kanina—pero sa pagkakataong ito, hindi na kalungkutan ang mababakas sa iyong mga mata kundi purong kasiyahan na.

"Handa mo na bang balikan ang pagmamahal na iniwan mo sa akin, Josh?"

Nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi pagkatapos mong bitiwan ang tanong na iyon na siyang nagdulot nang matinding kaba sa iyo.

"Sa katunayan niyan, Athena, kaya ako nagbalik . . ."

"Hindi na ba ak—"

Hindi mo na natapos ang gusto mong sabihin sa bigla niyang pagluhod ng kaniyang kaliwang tuhod. "Ikaw pa rin, Athena. Ikaw pa rin."

Ikaw pa rin.

At sa tatlong salitang iyon na narinig mo mula sa kaniya, hindi mo na maitago ang kasiyahang iyong nadarama. Makalipas ang limang taon na paghihintay, sa wakas, nakamit mo na rin ang pagmamahal na nararapat sa iyo.

"Will you spend forever with me?"

WAKAS

***

Kilig AnthologyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon