Kabanata 7.0

477 19 4
                                    

Behaving Berry

Nagising si Natasha sa lamig ng madaling araw— minulat ang mga mata sa lumalamon at lumulunon na kadiliman. Umupo siya at minasahe ang kaniyang kumikirot na noo, pilit na inaalala kung ano ang huli niyang ginawa kagabi at bakit sa sahig na naman siya nakatulog. Napabugtong hininga siya nang matandaan.

Tumayo si Natasha. Hinugot niya ang kumot mula sa kama at binalutan ang sarili. May kaunting paggaan ng loob ang nadulot ng mahimbing na pagtulog. Ngunit muling bumuhos sa kaniyang isipan ang mga nakasasakit na salita ni Dolores. Gusto niyang umalis pero alam niyang walang mabuting maidudulot ang paglayas.

Pumanik si Natasha papuntang rooftop. Gusto niya ang simoy doon. Nagulat siya nang madatnang bukas ang gate. Marahan niya itong tinulak at mabilis nasagip ng kaniyang mga mata ang lalaking nakahilig sa may railling. Suot nito ang madalas niyang suot: puting syert at maong na pantalon. Dahan-dahang tumabi si Natasha sa lalaki, mabuting pinag-iisipan kung ano ang dapat niyang sabihin. Magpapabalik na lang ba siya sa munting yunit sa Makati? Doon na lang ba siya mananatili? Ngunit ano naman ang saysay niya noon? Kung hindi niya mapapasaya si Dolores, bakit pa matutuloy ang pag-ampon sa kaniya? Kung pwede lang ibalik ang panahong nagdaan, pagtanto ni Natasha, sana hindi na siya tumuloy sa pagsama kay Rolando. May magagawa ba sila sa bahay ampunan kung ayaw niyang sumama noong unang sundo pa lamang ng lalaki?

Ngunit nangyari na ang nangyari. Nang naging malinaw kay Natasha na hindi niya kayang hanapin ang mga tamang salita, tinikom na lamang niya ang kaniyang bibig. Sinabayan na lamang niya si Roy na panoorin ang pagliwanag ng kalangitan— ang paglaho ng mga iba't ibang ilaw ng lungsod sa guhit-tagpuan. Tahimik. Ang naririnig lang ay ang orkesta ng iba't ibang tunog ng mga kulisap.

"This house was built in 1934." Nagulat si Natasha sa boses ni Rolando. Masmalalim ito kaysa sa nakasanayang marinig. Kagigising lang siguro ng lalaki. "Dito ako lumaki."

May dumapong kalapati sa tanke ng tubig. Isa-isang nagsisunuran ang ibang kalapati hanggang mapuno nila ang ibabaw ng tanke.

"Maganda dito dati," ani Rolando.

Isa-isang lumipad ang mga kalapati. Dumaan sila sa ibabaw nila Roy at nakita ni Natasha ang kumikinang nilang mga dibdib, balahibong tila tinahian ng maliliit na emerald at amber.

"Maganda pa din naman."

Natawa si Roy. "Masmaganda dati. Konti lang bahay. Bukid talaga 'to noon. Nung bata ako, napapanood ko yung ibang mga batang naglalaro."

"Ba't? 'Di ka sumasali?"

Napangisi lang si Rolando.

Napahilig na rin si Natasha sa raling. Pinatong niya ang kaniyang mga braso at baba rito. Itim ito ngunit halatang bagong pintura, gaya ng mga pader sa loob. Di-maikakailang alagang-alaga ang bahay na iyon.

"Kangkungan yung giglid nito dati," patuloy ni Rolando. "Ginto St. Parang Krisolita..."

"Apat na kalye ang sakop nito, diba?"

"Yup. Ganda ng mga pangalan ng streets dito sa San Andes: Topacio, from topaz; Alabastro, from alabaster; Zafiro, Sapphire; Rubi, ruby; Amatista, amethyst; Agata, agate; Esmeralda, emerald; Opalo, opal— kulit lang, e, 'no?"

Bawat turo ni Rolando ay susundan ng tingin ni Natasha. Yaong mga bahay sa paligid ang papandak. Karamihan ng mga bubong ay kulay kape at pula, siksikan, parang mga piraso ng isang malaking jigsaw puzzle na mali-mali ang pagkakabuo. May mga matataas din na bahay, maganda ang disenyo; pero wala nang iba pang makikita na kasinglaki at kasinggrande ng bahay ng mga Roberto.

"Alam mo kilala ang San Andres no'n para sa mga taong matatapang. Parang Tondo't Baseco. Takot pasukin 'to noon." Napansin ni Natasha ang mga kulubot na namumuo sa gilid ng mga mata ng lalaki habang ito ay natatawa. "I remember, when I was a kid, magigising na lang ako sa riot. Parang nasa gyera, e. Talagang may explosions. Kala mo sibilyan ka e."

Inimadyin ni Natasha kung ano ang mga kulay noong mga pagsabog kinekwento ni Rolando. Siguro pula. Matingkad na pula. Tulad ng pulang ayaw siyang pakawalan— laging nasa tabi niya, nagmamatyag.

"Hulaan mo sandata nila."

Hindi nagsalita si Natasha.

"Homemade," patuloy ni Rolando. "Busog at palaso, baril, bomba. Defense system nila? Mga plangganang panlaba."

Napasimangot si Natasha. "May namamatay?" sa wakas niyang sambit.

"Malamang."

"Magandang umaga!" may sumigaw. Napatingin ang dalawa pababa. May mga mamang nagbabatian at nagkukumpulan sa bangketa. Kani-kaniya sila ng hinihilang Monobloc. Rinig na rinig ang mga malalalim nilang mga boses, nag-uusap tungkol sa sabong kahapon at saka kung magkano na ang jackpot sa lotto. Sabi noong isa pagnanalo siya tatakbo siyang Chairman sa eleksyon. Tawanan naman ang mga kasama niya.

"May kwento dito..." pagpatuloy ni Rolando.

"Teka. Ayoko ng 'may kwento nga dito' e kasi madalas pagganon ang simula horror e."

"Duwag nito, o! Tsaka 'di naman nakakatakot kekwento ko. Medyo morbid lang."

"Ayaw ko rin po ng morbid."

"Ayaw mong matawa?"

"Pa'nong nakakatawa ang morbid?"

Napahalakhak si Rolando. "Man, you got no sense of humor," sabay patong ng kamay sa balikat ni Natasha. "Sige na. Tulog ka pa." Tumalikod si Rolando at naglakad papalayo.

Papasok na ng bahay nang nagsalita si Natasha. "Gusto ko pong umalis."

Tumigil si Rolando sa paglalakad at lumingon kay Natasha. "Sa'n mo gustong pumunta? For sure sawa ka na sa mall."

Hindi makatingin sa kaniya ang dalagita. "Hindi po 'yon. Ibigsabihin ko po... umalis na talaga... kung ganon kasi ang ugali Dolores, 'di ko yata kayang tumagal dito."

"Nagdadrama lang 'yon. Madrama talaga 'yon e. Primadona na, drama queen pa."

"Maghahanap po ako ng trabaho. Ta's mag-aaral ako," mabilis na sambit ng dalagita kahit alam niya sa sariling napakahirap gawin noon para sa taong tulad niyang walang masiyadong karanasan sa labas— kahit alam niyang wala siyang sapat na loob para gawin iyon.

"I can't let you do that," ani Rolando. "You're now under my care. You're now my responsibility. Plus, you're still a minor."

"'Wag niyo sana akong maliitin..."

"Hindi kita minamaliit. Alam kong kaya mo, pero 'wag muna."

Binaling ni Natasha ang atensyon niya pabalik sa mga mama sa kalye. May isa nang nagbabato ng tinagpi-tagping tinapay sa kalsada, ulo niya'y kumikinang sa sikat ng araw sa sobrang kapanutan. May mga lumalapit na pipit pero pagnakakuha ng kapirasong tinapay ay lilipad din sila agad dahil sa manok na nakawala at nanghahabol sa kanila.

Kay ganda ng itsura ng pagbaba at paglipad muli ng mga munting ibon. Parang taglagas at dinadala ng hangin ang mga patay na dahon— paikot, pataas, pababa. Gusto ni Natasha ang lugar. Naglulugmok ang kaniyang dadamin tuwing naaalala niya ang asal ni Dolores at ang posibilidad na umalis na siya nang tuluyan.

"Natasha..."

Tumingin sa wakas si Natasha sa lalaki.

"'Wag kang mag-alala. Aalagaan kita." Maamo ang kaniyang mukha, mga mata nagmamakaawa. "Just please, give Dolores another chance. Give us another chance."

"Sige po," ang mahinang sagot ni Natasha.

The Missing FrameOù les histoires vivent. Découvrez maintenant