Kabanata 12.1

322 17 6
                                    

NATASHA


Hindi ko napigilan ang sabik ko nang pagbuksan ko ng gate ang isang hindi inaasahang bisita. Napasigaw ako. Pero hindi naman ganun kalakas. Tsaka yung mabilis lang.

Niyakap ko si Nanay Juanita nang mahigpit. Amoy coconut shampoo pa din buhok niya.

Tinapik niya ang noo ko. "Pagpalain ka nawa ng Panginoon. Kumusta ka na, anak?"

"Okay naman ho." Sinarado ko ang gate sa kaniyang pagpasok.

"Mabilis lang ako," sabi niya.

Nilakad namin ang cobblestone na daanan papasok ng bahay. Nung nakapasok na kami at nagkita na sila ni Roy, hindi ko na napigilang itanong ang kanina ko pang gustong itanong. "Nay, kumusta naman ho si Tanya?"

"Yun. Mabuti. Naayos na ang mga papeles niya," sabi niya habang pumasok kami sa kusina. Nandun si Aling Linda, nagluluto.

Naglabas ng notebook at bolpen si Nay mula sa bag niya at may sinulat. "Roy, kwarto ni Natasha."

Pilit ko pang pinoproseso sa utak ko ang sinabi ni Nay. "Teka, Nay, naampon na ba si Tanya?"

"Aampunin. Tulad mo. Foster parents muna."

Inabuyan siya ni Roy papunta sa kwarto ko. Sumunod ako.

"Sinong aampon sa kaniya?"

Tumingin-tingin sa paligid si Nay habang nagsusulat-sulat sa notebook niya. "Mag-asawa. Amerikano. Pangatlong ampon na nila si Tanya. Actually, yung dalawang nauna, mga college students na. Maganda records nila kaya 'wag kang mag-alala."

"Nakalabas na siya ng bansa?"

"Oo."

"Kailan?"

Napasinghap siya. "Maganda para sa kaniya yun. Manirahan sa Amerika," sabi ni Nay.

Umiwas si Nay sa tanong ko. Alam ko naman na hindi niya dapat sinasabi kung kani-kanino ang mga ganong klaseng bagay pero hindi ko matiis na magtanong. "Saan po sa Amerika?"

Hindi na talaga sumagot si Nay.

"Ba't di niyo sakin sinabi nun? Mag-iisa't kalahating bwan pa lang ako mula nung umalis sa bahay ampunan nakaalis na agad si Tanya?"

Sinarado niya ang notebook niya't binalik 'to sa bag kasama ng bolpen. "Roy, tapos na ako. Pasensya na ngayon lang nakabisita."

Sumama akong ihatid siya sa gate dahil nag-e-expect ako ng sagot sa kahit na anong tanong kong hindi niya pinansin. Pero wala. Nakipagbeso si Nay kay Roy, muling hinawakan ang noo ko, sinabing pagpalain ako ng Dios, at umalis.

Ayaw kong isipin ni Roy na nag-o-overreact ako kaya bumalik lang ako sa kwarto ko nang makatapos mananghalian.

"Natasha..." Kumatok si Roy.

"Pasok."

Pumasok siya't umupo sa aking tabi. "Anong gusto mong kainin? Let's eat out?"

"Sawa na po ako sa pagkain sa labas," umupo ako. Ang bigat ng dulo ng mga labi ko. Parang hinihila ng grabidad. Kahit gusto ko siyang ngitian, hindi ko kaya.

"Sige na."

"Ayaw."

"Sige, let's go to the groceries na lang. Anong gusto mong kainin? Luto tayo."

"Si Dolores na lang tanungin niyo—"

"Lola Dolores."

"Wag. Awkward. Hindi ko nga kayo matawag na tatay."

"Okay lang yon. Basta ako si Roy, siya si Lola Dolores."

Nagtinginan kami saglit, ta's tumawa nang malakas. Dun na rin bumuhos ang mga luha ko. Parang baliw lang.

"Tahan na." Mahinahong pagsabi ni Roy. Hinimas niya ang ulo ko. "It's not impossible for the two of you to see each other again. Lalo na sa panahon ngayon. Social media lang katapat niyan."

"Pero hindi na ako ang kasama niya pagtanda. Maalala niya pa kaya ako balang araw if ever magkita ulit kami?"

"Siyempre naman."

"Roy."

"Hmm?"

"Nalulungkot ako."

"I know."

"Si Tanya lang ang tinuring kong pamilya..."

"Well," sabi ni Roy, inaayos ang pagkabalot ng kumot sa mga balikat ko. Gamit ang kaniyang hinlalaki pinunasan niya ang mga luhang tumutulo saking pisngi. Hinalikan niya ang noo ko, at hinawakan ang mga pisngi ko para iangat ang tingin ko. Nagsangga ang mga mata namin pero hindi ko siya makita nang maayos kasi malabo ang paningin ko dulot ng mga luha. Lalo lang lumabo nang marinig ko ang sumunod niyang kataga:

"I'm your family now."

The Missing FrameTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon